Hindi
nagtatagal gaano man kahirap ang panahon, ang tumatagal ay ang tao na matibay.
Anong bagay ito
na hindi nakikitang epidemya o nakakamatay
na sakit, at kahit na pinakamahusay na gamot ay hindi ito nagagawang malunasan.
Sapagkat sinuman ay hindi ito makakayang mahawakan man. Maging ang
pinakamalakas na microscope ay hindi ito makita. Subalit patuloy ang pag-usad
nito, patindi nang patindi… at walang hintong pinasasakit ang ating mga ulo. Sa
araw-araw ay binabalisa tayo nito, nililito upang mawalan ng sigla sa ating mga
gawain, at ang pinakamasaklap pa, kapag hindi na natin magawang tiisin ang
pagpapahirap nito ay nagpapatiwakal tayo upang tapusin na ang matinding pasakit
nito.
Ano nga ba ito? Ang BAGABAG
(stress). Lahat tayo ay nadarama ang epekto nito.
Winawasak ang katinuan ng ating isipan at pinalalabo ang hangarin nating
magpatuloy pa anuman ang ating nasimulan. Marami ang umaayon na sa panahong
ito, sa kabila ng makabagong teknolohiya tulad ng google, twitter, facebook, selpon,
at maraming iba pa sa internet, walang mga katanungan na hindi nasagot. Sa
isang pindot lamang ang inpormasyon ay atin nang nalalaman. Ngunit, bakit may
bagabag pa tayo at sadyang may kulang pa na hindi natin masagot. Dahil sa isang
dahilan; Hindi natin matanggap kung sino
tayo, ano ang ating tunay na
layunin, mga naisin at saan
tayo papunta.
Marami ang nagkakasya na lamang na
magreklamo, dumaing, at manisi. Naging ritwal na para sa kanila na sa halip
harapin ang mga responsibilidad at mga pagkukulang, higit na madali ang
ireklamo, idaing at isisi ito sa iba. Sa mga kadahilanang ito, binabagabag sila
ng kanilang konsensiya (kung mayroon man) at kung wala nito, ay naghahanap pa
ng magiging kagaya nila para maging masaya (misery
loves company).
Madalas kong
binabanggit,
kapag ang tungkulin mo ay hindi mo ginampanan noong Lunes at ipinagpabukas mo
pa, pagdating ng kinabukasan, karagdagan pa ito sa panibagong tungkulin na
nakaatang sa Martes, papaano na ang mga nakaeskedyul pa sa mga araw ng Miyerkoles,
Huwebes, at Sabado kung patuloy na nagpapabaya ka sa iyong mga tungkulin sa mga
araw na ito. Maaari ka bang magpahinga
pagdating ng Linggo? Ito ang mga bagabag na unti-unting papatay sa iyo
hanggat patuloy kang tumatakas sa sarili mong reyalidad.
Kaysa kumikilos nang
walang kontrol
sa mga gawain, bakit hindi kontrolin ang
sarili at baguhin ang mga nakasanayang mga pag-uugali (attitudes and behaviors)?
Sa halip na malito at mabagabag sa tuwina at pahirapan pa ang sarili, bakit
hindi natin tanggapin ang katotohanan at makiayon sa nangyayari? Kung hindi
natin magawang baguhin ang sitwasyon o mga kundisyon na nakapaligid sa atin,
magagawa naman nating mabago nang tahasan ang mga pag-uugali sa ating mga sarili
kung papaano natin ito haharapin. Nasa ating mga pagpili (choices) at mga desisyon nakasalalay kung tagumpay o kabiguan ang ating
tatahakin.
Kung
may kontrol ka sa iyong buhay, ito ang susi sa pagkakaroon ng tunay na
ekspektasiyon sa araw-araw na pakikibaka. Isang pangunahing sangkap sa
maligayang pamumuhay. Katulad ng kaligayahan, isa itong pagpili upang maging
masaya sa tuwina. Hindi maiiwasan ang bagabag, subalit nasa iyo kung papaapekto
at hahayaang mong kontrolin ka nito.
Ang pinakamainam na sandata laban
sa bagabag ay ang ating abilidad na piliin ang isang positibong kaisipan at
ipalit ito sa bumabagabag na negatibong kaisipan.
No comments:
Post a Comment