Wednesday, March 23, 2016

Ikalimang Panghihinayang



Sana nagawa ko sa aking sarili na maging masaya sa tuwina.

Karaniwan na at nakakagulat ito na panghihinayang. Marami sa atin ang hindi nakakaalam na ang kaligayahan ay isang pagpili. Lahat sila ay nakababad at inihinang na sa kanilang kamalayan ang mga nakasanayan at nakaugaliang paniniwala. Higit na mainam para sa kanila ang manatili sa komportableng kalagayan bagamat malungkutin kaysa palitan ito at maging masaya. Minabuti pa nila na makisama kahit na puro awayan at sakitan kaysa takasan ito para lumigaya. Nagkukunwari silang masaya dahil sa takot na iwasan, kagalitan at mahiwalayan. Pinipilit na ngumiti kahit na ang puso ay lugami. Kuntento na sila na buhay na malungkot basta may kasama kahit puro problema.
   Marami sa atin na hindi napapansin ito hanggang dumating ang huling sandali at doon lamang napapatunayan ang tunay na kahalagahan nito. Ang maging masaya sa tuwina. Kung tayo ay gising, magagawa nating piliin ang mga bagay at sitwasyon na nagpapasaya sa atin, nagpapasigla, at nagbibigay ng pag-asa. Kapag tayo ay masaya, nakakagawa tayo ng makabuluhang mga bagay, mapanlikha at inbentor tayo sa halip na malungkot at nagmumukmok sa isang sulok. Kapag masaya, wala na tayong panahon sa mga bagabag, depresyon at pagkabugnot sa buhay.
Ano ba ang higit na mahalaga, ang maging malungkot at laging may bagabag, o maging masaya na hindi pinoproblema ang mga problema?


Mga pagunita ni JesGuevara
wagasmalaya.blogspot.com

No comments:

Post a Comment