Kung sa pagtudla, matamang nakatuon sa inaasinta; ganoon din ang
matalino, kung paano niya sinusupil at itinutuon ang kaisipan tungo sa
makabuluhang mga bagay.
Bihira sa atin ang nakakaalam ng mga pag-uugali tulad ng; tulog, natutulog,
at nagtutulog-tulugan. Sila ang mga taong
tinatapos ang maghapon na tulad nang dati, nang walang anumang kamalayan, at
sa kinabukasan ay uuliting muli ito. Mistulang mga robot na de-susi. Kung walang
trabaho, aligaga sa mga umpukan, pagbabad sa telebisyon, pakikinig ng mga
alingawngaw sa radyo, at pakikialam sa buhay ng iba. Usisa doon at usisa dito.
Siyete ang bansag nito. Doon naman sa may trabaho, papasok sa pabrika o
opisina, gagampanan ang tungkulin, kakain sa tanghalian, balik muli sa
tungkulin, pagdating ng hapon uuwi sa bahay, kakain ng hapunan, matutulog, at sa
kinabukasan ay uuliting muli ang ritwal na ito. Kung walang pasok, ay katulad
ng mga walang gawain o magawa, sila ay nasa mga aliwan, at kung anu-ano ang pinaglilibangan,
basta makalimot at makatakas, kahit pansamantala man lamang sa kanilang kinasasadlakan.
Mayroon silang hinahanap na hindi matagpuan, at nakikita nang
walang tinitignan. Sila ay tahasang mga “tulog,” at kinakailangang
“sampalin,” “yugyugin,” at “ilubog sa tubig,” nang magising. Gawin pa rin ang
mga ito, sila ay nananatiling “nakatulala” pa rin at tila may inaapuhap sa isip na may milagrong magaganap anumang sandali. Naghihintay,
nagbabaka-sakali, nagtititiis, umaasam, na kahit manawari sa dulo ng daan, ay
may maglalawit ng kamay na hahango sa kanilang kalagayan. Nangangarap nang gising. Umaasa
ng pagkaawa at pagsaklolo mula sa iba, maliban
sa tulungan ang kanilang mga sarili.
Kilala natin sila.
Bahagi sila ng ating buhay. May nagpahayag, “Kung wala sila; wala ng maghuhukay ng mabahong kanal, magbibililad sa
init ng araw sa maghapon, mangingisda, magtatanim, at magsisilbi para sa atin!” Ngunit
ang sukli ko dito, maaari namang sumama sa parada at hindi laging nasa bangketa
na lamang at nanonood at manatiling taga-palakpak. Sobra na at napakarami na nila sa ating bansa. Sa dami nila at pag-aagawan sa trabaho, ang ginagawa ng ating pamahalaan ay
ipadala na lamang sila sa ibang bansa upang kumita at pakinabangan. Ganoon pa man, patuloy ang mga
pakikibaka sa ating lipunan. Sa isang karaniwang trabaho na mabakante sa atin, nakapila ang napakaraming nagnanasa na makuha ito. At kahit na katiting at hindi tama ang
sinasahod, at kahit patuloy na pinagsasamantalahan, ay pikit-matang pinagtitiisan ito basta makaraos na lamang sa buhay.
Patuloy ang pagtataas
ng mga bilihin, gasolina, matrikula sa eskuwela,
mga bilihin, atbp. Maliban sa pasahod, na tila sinasadya ng mga negosyante at ng pamahalaan na lalong
paramihin ang mga manggagawa, mga katulong at tagapagsilbi sa ating lipunan. Lalong lumalawak
ang agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap. Ang mayayaman umuunti, ngunit
lalong yumayaman. Ang mahihirap dumarami, subalit lalong naghihirap. At habang
nagpapatuloy ito, sadyang pa ring nahihimbing sa matinding pagkatulog ang
marami nating kababayan. Ito nga ba ang tamang direksiyon? Bakit
nangyayari ito sa atin?
Simpleng mga kasagutan lamang:
1. Hindi nila alam kung ano ang tunay na nais nila sa buhay, kaya, kung
anuman ang kinasadlakan nila, “basta makaraos,
ayos na!” “Basta, may ‘konting bubong at pirasong tabing, puwede na.” Kahit na
tutong, basta may asin, puwede nang laman sa tiyan!” “Makukuha na ‘yan sa
patapal-tapal!”
2. Nag-ugat at kinalyo na ang kanilang mga kaisipan sa mga
panandaliang panglunas na ito, na anumang kahirapan at kapighatian ay may
dagliang kalunasan – ang maglibang ng mga walang kabuluhang
panoorin at mga talakayan. Hindi kataka-taka na ang media (pelikula,
telebisyon, radyo, at pahayagan) ay laging laman at
pinangangalandakan ang mga ito. At sa paghalal naman ng mga opisyal sa ating pamahalaan,
yaong mga komedyante, taga-aliw, iniidolo, mahihilig sa drama, at pogi points, ang kanilang iniluluklok sa
mahahalagang tungkulin. At ito ang uri ng pamahalaan na ginagawa silang
"Maid in the Philippines" at hindi "Made in the
Philippines."
3. Hindi nila alam kung papaano ang tunay na kasiyahan.
Walang kamalayan sa mga bagay na nagpapanatili ng kasiyahan at humahantong sa
kaligayahan. Kailangan pa nilang hanapin ito sa labas ng kanilang mga sarili
upang matighaw ang kanilang pagkauhaw sa lahat ng sandali.
4. Hindi nila
kailanman natutuhan ang “pamamaraan o sistema” kung papaano magkamalay at mabatid ang katotohanan.
Kung saan ang tamang landas na itutuon ang kanilang pansin at pag-ibayuhin
itong tahakin. Ang alamin kung ano ang higit na mahalagang mga bagay kaysa walang mga katuturang mga bagay. Kaunlaran kaysa Kahirapan. Kasaganaan kaysa Kasalatan. Kaligayahan kaysa Kapighatian.
5. Pumayag at tinanggap na nila; na minana nila ang kanilang kahirapan mula sa kanilang angkan at bahagi ito ng
kanilang kapalaran, na ang mga pasakit at pagdarahop ay palagi nilang kapiling
sa araw-araw.
6. Ang paniniwala na ang kanilang kapaligiran at mga pangyayari
ang kumukontrol sa kanilang buhay, kaysa sila ang kumukontrol dito.
Walang pag-aalinlangan, sila ay mga tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan. Ito din ba ang direksiyong tinatahak mo sa ngayon? Pansinin ang kalagayan mo ngayon sa buhay, masaya ka ba? Nakamit mo na ba ang mga pangarap mo sa buhay?
Kung hindi pa, Gumising ka naman bago mahuli pa ang lahat!
No comments:
Post a Comment