Nakagawian na ni Teresa ang dumaing sa
tuwina, tulad ng umagang ito na may karaingan na naman siya sa kanyang
ama. Wala siyang ganang pumasok sa kanyang trabaho, nahihirapan siya sa kanyang mga gawain at nais nang sumuko. Ayaw na
niyang harapin pa ang mga ito sa dahilang kapag natapos niya ang isang
problema sa trabaho niya, mayroon na namang itong bagong kasunod.
“Papaano
ba ito, Tatay? Tinatamad na akong pumasok sa trabaho ko ngayon, lagi na
lamang may problema sa opisinang pinapasukan ko!” Ang pagmamaktol na pahayag nito sa ama.
"Halika nga, at may ipapakita ako sa iyo," ang tugon nito sa anak. Ang kanyang ama na isang kusinero ay mahinahong
isinama si Teresa sa kusina. Binuhusan ng tigkakalahating tubig ang tatlong
kaldero sa kalan at pinaliyab ang apoy nang malakas. Nagsimula itong kumulo. Sa
unang kaldero ay inihulog niya ang isang sariwang kamote, sa pangalawa
ay isang sariwang itlog, at sa pangatlo ay dinurog na kapeng barako.
Hinayaan ng ama na magpatuloy ang mga ito sa pagkulo, nang walang binibigkas na
anumang salita.
Ang anak ay nakatiim-bagang,
kapansin-pansin na nayayamot, at nagtataka sa ginagawa ng ama. Matapos
ang dalawampung minuto ay itinigil ng ama ang pag-apoy. Hinango ang
kamote at inilagay sa isang platito. Ganito din ang ginawa sa itlog. At
ibinuhos naman ang kape sa isang tasa. At saka hinarap ang anak at
nagtanong, “Ano ang iyong nakikita, anak ko?”
“Eh, Kamote, itlog, at kape po!” Ang walang kagatol-gatol na tugon ni Teresa.
“Halika, lumapit ka at hawakan mo ang kamote.” Ang utos ng ama sa anak. Nang damputin ni Teresa ang kamote ay napansin niyang malambot na ito.
“Kunin mo naman ang itlog at basagin.”
Ang panibagong utos ng kanyang ama. At ginawa rin ito ni Teresa,
subalit matigas na ito at nabasag lamang ang balat. Kaya inalis na
lamang niya ang mga napirasong balat ng itlog at inilagay na muli sa
platito.
Inutusan siyang muli ng ama na higupin
naman ang kape sa tasa. Napangiti si Teresa nang malanghap ang samyo ng
kape at malasap ang lasa nito. At mabilis itong nagtanong, “Para saan ba ang pagtatanghal na ito, Tatay?”
“Ito ang kasagutan sa mga hinaing at mga alinlangan mo, bawa’t isa dito ay naharap sa malinaw na pagsubok upang makilala ang tunay nilang mga katangian. Silang tatlo ay magkakatulad na pinakuluan sa tubig ngunit magkaiba ang kanilang mga
kinalabasan.”
Ang paliwanag ng ama:
Ang paliwanag ng ama:
“Ang kamote dati ay malakas at matigas, subalit matapos na pakuluan sa tubig
ay naging mahina at malambot. Ang itlog naman, dati ay madaling mabasag sa
dahilang manipis lamang ang balat nito na bumabalot sa likido o katas na nasa
loob. Subalit nang pakuluan sa tubig ay naging solido at matigas ang katas na nasa loob nito,
ngunit nabasag naman ang balat. Samatalang ang nangyari sa kape ay
naiiba at pambihira. Humalo ito at nagbigay na bango at lasa sa tubig.
Bagama’t magkakatulad silang pinakuluan sa tubig, may katangitangi
silang ginampanan sa tubig. Nakikilala sila kung ano ang kanilang mga katangian kapag nahaharap sa matinding init, panganib o problema. Ngayon, kanino sa tatlong ito ang katulad mo?” Ang tanong ng ama kay Teresa.
“Kapag dumarating ang mga problema sa iyong buhay, papaano mo ito
hinaharap? Ikaw ba ay kawangis ng matigas na kamote, ng babasaging
itlog, o ng dinurog na kape? Ang pag-uulit na katanungan ng ama.
Nagagalak at nakakaunawang tumugon si Teresa, “Doon po ako sa kape,
kahit durog ito ay nagawang magpalanghap at magpalasa sa tubig, kaysa
sa kamote na matigas nga subalit naging malambot, at maging sa itlog din
na nababasag ay tumigas lamang ngunit magkatulad na walang nagawang
anuman sa tubig.”
-------
Ang
mga balakid o problema na ating nakakaharap ay tulad lamang ng mga
paghamon sa ating mga pakikibaka sa buhay. Nasa ating mga pagsusuri kung
papaano natin ito malalapatan ng panglunas. At ito ang nagbibigay sa
atin ng karanasan, kalakasan, at katatagan na lalong magtagumpay sa buhay. Kung
wala ang mga paghamong ito, kahalintulad natin ang tuyot na patpat na
inaanod ng rumaragasang tubig kasabay ng panalanging huwag sanang mapahamak.
Subalit hindi ganito ang kalakaran ng buhay, lahat ay dumaraan sa mga
matitinding pagsubok at ibayong katatagan kung papano mo malalampasan
ang mga ito. At ito ang nagpapatalino at nagpapahusay sa iyo na
magkaroon ng ibayong pagtitiwala sa sarili upang magsumigasig pa at
makamtan ang hinahangad na tagumpay.
Sinuman sa atin ay hindi katungkulan na sisihin o idahilan ang lahat ng bagay na nangyayari sa
atin, subalit mayroon tayong tungkulin sa kaparaanang gagawin kapag
ito’y nangyayari sa atin. At dito tahasang nakikilala kung sino kang talaga at uri ng pananaw na sinusunod mo.
No comments:
Post a Comment