Monday, December 08, 2014

Higit na Makahulugan


Hindi ang iyong tinitignan ang mahalaga,
 kundi ang iyong nais na makita.
 Isang araw sa Bataan noon, nagpahayag ng paligsahan si Raha Magiting kung sino ang mahusay na mga pintor ang makapagpapaganda ng dekorasyon sa kanyang palasyo. Dalawang pangkat ang nagwagi sa paligsahan, taga-Balanga at taga-Orani.
   Bilang pagsubok sa kanilang mga kakayahan, ang dalawang pangkat ay inutusan ng Raha na magdekorasyon sa isang silid. Upang maiwasan na makita ng isang pangkat ang ginagawa ng kabilang pangkat sa kabilang dingding, pinalagyan ng Raha ng mahabang kurtina ang gitna ng magkatapat na dingding bilang tabing.
   Ang mga taga-Orani ay ibayong pinaganda ang kanilang pagpipinta, samantalang ang mga taga-Balanga naman ay inubos ang buong panahon sa pagpapakintab sa marmol na dingding. Hanggan sa dumating ang takdang araw upang alisin ng Raha ang kurtina at pagpasiyahan kung sino ang mapalad na nagwagi.
   Sa unang dingding na hinarap ng Raha ay humanga ito sa magandang obra-maestra ng mga taga-Orani. Subalit nang puntahan niya ang kabilang dingding ng mga taga-Balanga, namangha ito sa kanyang nasaksihan, napakakintab nito at mistulang salamin. Nakita ng Raha sa salamin sa kanyang likod ang magandang larawang ipininta ng mga taga-Orani--subalit ngayon sa pinakagitna nito ang kanyang sariling imahe.
   "Ito ang higit na mahusay," ang humahangang bigkas ng Raha. "ang mga taga-Balanga ay nakakaunawa kung papaano mapalabas ang kaibahan na nakatago sa ating puso para ito ay lantarang mabigyan ng linaw at mabigkas."


No comments:

Post a Comment