Monday, December 29, 2014

Sumama sa Agos



Pawalan at hayaan, nang may kalabasan. . . Subalit kapag pinakialaman at sinubukan nang sinubukan,
wala itong kakahinatnan.

Naranasan ko na ito, kapag nakasakay ka sa isang balsa at tinatangay ito ng malakas na agos at ikaw ay nahulog, huwag mong kalabanin ang ragasa ng agos, kundi ang tumihaya nang tuwid, magpalutang, at magpatianod, sumikad at ikampay ang mga kamay at sumabay sa agos, dadalhin ka nito sa tahimik na lugar para sa iyong kaligtasan. Subalit kung aagsaw at walang habas kang magkakampay at magsisikad, nilalabanan mo ang matuling agos. Sa katagalan, ay papanawan ka ng lakas at hahampas pa sa batuhan. Ito ang magpapahamak sa iyo; ang masugatan at mawalan ng ulirat upang malunod.
   Ganito din ang pagtahak sa buhay, maraming mabigat na mga bagay o sitwasyon ang walang simpleng kasagutan o kalunasan. Kailangang hayaan natin ang panahon ang siyang magtakda nang ikakalutas nito. Mahalaga na tanggapin natin ang katotohanan na wala tayong magagawa sa mga bagay na wala tayong kinalaman at walang katiyakan. Sa halip, umasam tayo na ang lahat ay mga pagpapala at patungo sa kabutihan ng lahat. Walang nakakaalam kung bakit ang isang bagay o sitwasyon ay nagaganap sa ating buhay. Kung ito ay isang pagpapala o isang sumpa, ang tangi lamang nakakaalam ay ang Dakilang Manlilikha.
  Manatiling bukas ang isipan sa buhay, dahil kusa at patuloy nitong isinisiwalat and nakatakda mong buhay. Ito ang susi upang maging payapa sa kabila ng mga nagngangalit na daluyong na ipinupukol sa iyo ng tadhana.
Kapag naharap ka sa isang seryosong problema na wala kang kontrol at kakayahan, ang matalinong paglutas dito ay magpatianod sa agos.


No comments:

Post a Comment