Monday, December 08, 2014

Kagandahan




Ang kagandahan ng isang tao ay wala sa panlabas na anyo; ang kagandahan ay madarama mula sa kanyang kaibuturan.
Higit itong nakakaakit kung naiiba kaysa karaniwan. Ang kagandahan ay makikilala mula sa kalooban at hindi sa panlabas na kaanyuan. Kung maganda ang iyong mga ginagawa, lumilitaw ito sa iyong anyo at pinagaganda ang iyong buong pagkatao at personalidad.


   Papaano mo makikilala ang butiki kung wala itong buntot, ang tandang at inahing manok kung  walang pagtilaok at mga pagputak, o ang balimbing kung wala itong maraming gilid at hindi maasim? Kung walang kapangitan ay hindi mo mapapansin ang kagandahan.  At kung walang dilim hindi mo makikita ang liwanag o mababanaagan man lamang.
   Papaano mo lalong mapagni-ningning ang liwanag? Kapag inilagay sa kadiliman. Papaano mo makakayang punuin ang isang silid? Ang isang palitong nagliliyab ay makakayang tanglawan ang buong silid kapag ito ay madilim.
   Sa isang malinis at blangkong papel, ang isang itim na tuldok, ay sapat na para dumihan ito.
Nasa mga bagay na imperpekto, tayo ay namamangha at siyang umaakit sa atin. Kapag ito’y perpekto na, simula na ito ng mga bagabag, pagkabugnot, at kawalan ng pag-asa. Ano pa ba ang iyong hahangarin kung nakamit  mo na? Kung nasa iyo na? Kung natapos na? Wala na.
   Ang kagandahan ay hindi matutunghayan sa magkakatulad kundi nasa pagkakaiba. Kailangan mayroong kalamangan o kakulangan para may pagbatayan. Papaano mo mailalarawan ang isang gansa kung wala ang mahabang leeg nito o ng halamang rosas kung wala ang mga tinik nito. Ang pagkakaiba ng tuktok ng mga bundok ay siyang nagpapakilala sa kanilang mga anyo at hugis. Kung susubukan nating magkakatulad ang kanilang mga tuktok, hindi na natin sila magagawang pahalagahan at kilalanin. Sapagkat nasa imperpekto o walang mga kasakdalan tayo namamangha at siyang humahalina sa atin.
   Tignan ang punong-bayabas, hindi natin iniisip: "Ang mga sanga ay magkakatulad at magkasing-haba." Ang iniisip natin: "Masarap ang bunga nito kapag hinog na, at matibay gawing puluhan ng itak ang sanga nito." Kapag nakakita naman tayo ng ahas, hindi kailanman natin sinasabi: "Ang ahas ay gumagapang sa lupa." Kundi, "Mag-ingat, baka makamandag iyan at matuklaw tayo!" Ang iniisip natin: "Bagamat ang ahas ay maliit, ang kamandag nito ay nakakamatay."
   Kapag nakasakay naman tayo sa dyip at patungo ito sa papasukan nating trabaho, hindi kailanman pinupuna kung maganda o pangit na sasakyan ito. Ang iniisip natin: "Kailangang makarating ako sa tamang oras at masimulan kaagad ang aking trabaho."
Maganda ang paglubog ng araw, lalo na kung natatabingan ito ng mga iba't-ibang hugis ng mga ulap. Nakapagbibigay ito ng maraming mga silahis na makukulay kung saan lubos tayong nabibighani sa kagandahan nito.
   Kaawaan ang mga nag-iisip ng: "Hindi ako maganda, kaya nga ang Pag-ibig ay hindi pa kumakatok sa aking pintuan." Ang totoo, ang Pag-ibig ay kumakatok, subalit nang buksan nila ang pintuan, hindi sila handa na tanggapin ang Pag-ibig na iniaalay sa kanila. Inuuna at masyadong abala sila sa pagpapaganda sa mga sarili, kaysa pagyamanin ang kanilang mga katangian nang sila ay mapansin. Pilit na ginagaya at iniidolo ang iba bilang mga kopya, samantalang ang Pag-ibig ay naghahanap ng tunay o orihinal at hindi mga plastik.
   Pinagpipilitan na makatulad ng nakikitang mga panlabas na kagandahan, at nalilimutang ang tunay na kagandahan ay nanggagaling sa kaibuturan ng kanilang mga puso.
Ito ang katotohanan:
   Kung wala ang mga isinasaad sa itaas, hindi tayo kumpleto at masisiyahan sa buhay. Kung walang maliit, walang malaki. Kung walang payat, walang mataba. Kung walang maasim, hindi natin malalasahan ang tamis. Kung walang tiyaga, walang nilaga. Kung walang kabiguan, walang ding tagumpay. Kung walang dilim, ay wala ding liwanag. Dahil ang liwanag ay lumilitaw lamang matapos ang kadiliman. Sa bawat bagay ay may katumbas na kabaligtaran, sapagkat dito lamang mauunawaan na ang kagandahan ay nasa kaibahan.
   Matuto tayong magiliw na tanggapin ang ating pagkakaiba. Narito ang kagandahan ng ating mga relasyon sa isa't-isa.


No comments:

Post a Comment