Sila mismo ang
lumilikha ng kanilang mga sarili.
Makikilala ang iyong pagkatao sa mga pagkilos na iyong ginagawa sa
tuwina. Ang tao ay nagsisimulang maging tao o maging makatao kapag itinigil na
niya ang dumaing at manlait; ang pumuna at mamintas; ang magsamantala at
abusuhin ang iba; at magsimulang hanapin ang nakatagong katarungan na siyang
magpapasunod ng tama at mabuti sa kanyang buhay. At habang umaayon ang kanyang
kaisipan sa alituntuning ito, magsisimula siyang ihinto ang walang mga
katuturang paghatol at mga kundisyong pinaiiral sa iba na siyang dahilan ng kanyang mga pighati at
pagdurusa sa sarili.
Kung maiiwasan ang mga mali na pawang
mga kapahamakan ang tinutungo, magagawa niyang payabungin ang sarili na maging
matibay at may ulirang mga kaisipan; ang maging maunawain at mabuti sa kanyang
kapwa. Ang kabutihan at hindi
kalapastanganan ang siyang tunay na umiiral at nagpapasiya sa sansinukob; katarungan at
hindi kabuktutan ang siyang kaluluwa at katas ng buhay; at katapatan, hindi ang
korapsiyon o katiwalian, ang siyang humuhubog at nagpapakilos na puwersa ng
ispirito at pamamahala sa mundo.
Sa lahat ng mga kaganapang ito, ang tao ay
walang masusulingan kundi ang harapin ang katotohanan at itama ang kanyang
sarili. Sa dahilang kapag masama ang kanyang iniisip, ang resulta nito ay
kapahamakan lamang. At kung mabuti ang kanyang iniisip, ay maganda at kabutihan
ang kanyang makakamtan. Sa prosesong ito na inilalagay niya ang sarili sa
wastong pamumuhay, mapapansin niya na kusang napapalitan ang kanyang mga kaisipan
ng mabuting pakikitungo sa mga bagay at mga tao. At dahil din sa relasyong ito;
ang mga bagay at mga tao ay kusa ding nagbabago nang mabuting pakikitungo sa
kanya.
No comments:
Post a Comment