Bawat isa sa
atin ay kailangang umiwas sa mga alalahanin na ayaw umiwas sa atin.
Walang sinuman ang hindi dumalangin at
umaasa na sana ay maging mapayapa at maligaya ang kanyang buhay sa
hinaharap. Kapag nalalagay tayo sa alanganin, panganib, o kapahamakan,
nagnanasa tayo ng katiyakan, katiwasayan, at kaligtasan. Nais nating makasiguro
o magarantiyahan na walang peligro o sakuna na magaganap sa ating mga sarili at
mga mahal sa buhay. At narito ang problema, sapagkat ang hinaharap ay walang
katiyakan, at walang nakakaalam kung papaano ito mangyayari. At dahil dito,
kailangang habaan natin ang pasensiya sa mga bagay na mga pantasiya, mga akala o mga
haka-haka, na hindi makakayang ipaliwanag at walang mga katiyakan. Tanggalin at
huwag nang pag-aksayahan pa ng isip ang pagnanais na magkaroon ng garantiya o
katiyakan ang anumang bagay na hindi pa nangyayari.
Kahit
na ang tadhana ay walang katiyakan, mayroon naman tayong kapangyarihan na pumili at piliin ang tama. Tayo ang hari o reyna ng ating
mga sarili at ang pinili nating mga desisyon
ang gagawa kung ano ang nais nating mangyari sa darating na mga pangyayari.
Ngayon pa lamang sa araw na ito ay nililikha mo na ang iyong hinaharap. Anuman
ang ginagawa mo sa ngayon, ito man ay walang saysay o may kahalagahan, ito ang iyong
magiging kapalaran.
Ang tunay
na seguridad at may katiyakan ay nagmumula sa ating kaibuturan, hindi mula
sa labas; nanggagaling ito mula sa kung anong pangmalas natin sa ating mga
sarili. Kapag nalilito, nababagot, at walang direksiyon ang ating buhay, dahil wala
tayong pananalig at pagtitiwala na makagawa ng tama. Kailangang sapat ang
pananalig sa ating mga kakayahan na maisaayos sa mahusay na paraan ang mahalagang
mga kaganapan sa ating buhay.
Tandaan
lamang sa tuwina, na mistulang mga tsuper tayo na siyang nagpapatakbo sa
ating mga sarili. At kapag tayo ay nababalisa o nangangamba sa mangyayari (na walang katiyakan) magagawa nating
supilin at kontrolin ang isipan na ito at tahasang likhain ang nais nating
maganap.
Kilalanin lamang ang mga mabibigat at nagpapahirap; at kilalanin din ang
mga regalo ng buhay, sapagkat sa bawat sandali na may inasikaso ka; mayroon ka
ding nakakaligtaan.
No comments:
Post a Comment