Tuesday, January 28, 2014

Problema at Pasakit



Mapighati, masaklap, mahapdi, malungkot, at talaga namang mahirap ang Buhay. Ito ang kadalasan na maririnig sa mga taong pinoproblema ang mga problema. Ayon sa kanila ang buhay ay patuloy na mga serye ng problema. Karamihan ay sadyang tinanggap, na ang buhay ay nababalot ng mga balakid, mga kabiguan, at kawalan ng pag-asa. Patuloy na dumadaing, naninisi, at ipinagwawalang-bahala na ang lahat. Bawa’t pagbuka ng bibig, mga problema ang inuusal, mga isyung walang katapusan, at mga kasalanang walang kapatawaran. Laging may negatibong kulay ang bawa’t bagay, pati na ang pag-ulan, ihip ng hangin, at pagdilim ng langit ay may masamang kahulugan, maliban ang tanungin ang sarili kung bakit ang mga ito ay nakapangyayari.
   Gayong ang problema ay hindi pinag-uusapan, kundi nilulunasan. Higit ba nating idadaing at magrereklamo tungkol sa mga problema kaysa hanapin ang solusyon? Higit bang mabuti ang pumuna, mamintas, at manisi, kaysa ang kumilos at itama ang anumang pagkakamali? Nagiging mabigat lamang ang buhay kung ang proseso sa pakikibaka at paggawa ng solusyon para sa problema ay mahapdi. Hangga’t palaging naghihirap ang iyong kalooban, walang matinong solusyon ang makakalunas para maibsan ang kapighatian. Subalit narito ang buong proseso upang matagpuan ang kasagutan at makagawa ng solusyon na ang buhay ay makahulugan. Binibigyan ka nito ng mga paghamon upang maging matatag at laging handa sa malaking pagpapala na ipagkakaloob sa iyo ng tadhana.
   Ang mga problema ay hindi ipinupukol sa iyo nang wala kang magagawa tungkol dito. Ang mga problema ay siyang gumigising sa iyong katapangan at kawatasan. Tinutulungan ka ng mga ito na yumabong ang iyong mga kaalaman, mga katangian, at mga kakayahan. Pinipilit ng mga problema na mailabas mong lahat ang iyong potensiyal sa abot ng iyong makakaya. Tandaan, na ang mga bagay na nagpapasakit, ay siyang mga nagtuturo. Isang katalinuhan ang huwag katakutan at iwasan ang mga problema, bagkus ang magiliw na tanggapin ang mga ito bilang mga tagapagturo para sa ating kagalingan at kaunlaran.
   Bakit hindi natin palitan ang katagang problema ng katagang pagsubok? Nasa daloy lamang ng kataga at diwa nito ang pagkakaiba, subalit malaki ang magagawang pagbabago. Ang katagang problema ay tulad nito: Kapag nais mong pumunta sa isang pook, ngunit putol ang dalawa mong paa; ito ay problema, kung hindi ka sasakay sa wheel chair. Kapag may malubha kang sakit; ito ay problema, kung hindi ka magpapagamot. Kapag nagliliyab na ang kuwarto; ito ay problema, kung hindi ka tatawag ng bumbero…dahil masusunog na ang buong bahay mo.  
   Anupa’t ang mga bagay ay nagiging problema lamang at pasakit kapag walang pagkilos na iniuukol para dito, kundi ang magreklamo at dumaing na ang buhay ay sadyang napakahirap harapin.

No comments:

Post a Comment