Minsan,
ay may isang mayamang negosyante na nagdaramdam ang nagtanong sa kanyang
kaibigan, “Bakit ba palagi na lamang ako
na pinupuna at sinisisi, at madalas pa ay pinaparatangan ako na maramot? Gayong
lagi ko namang ipinapaliwanag sa karamihan, na kapag ako ay yumao na sa mundong
ito, lahat ng aking kayamanan at mga ari-arian ay ibibigay ko sa kawanggawa.”
Napangiti nang lihim ang kaibigan, ngunit
tinugon ang karaingan ng negosyante. “Kung
gayon, hayaan mong ikuwento ko sa iyo ang tungkol sa Baka at Baboy. Kung bakit
malaki ang kanilang ipinagkaiba sa paninilbihan sa mga tao.”
Isang araw sa isang kuwadra, nagmamaktol
ang baboy at pilit na inuusisa ang baka kung bakit popular ito, samantalang siya,
bilang baboy ay bihira ang pumupuri at nagpapahalaga sa kanya.
“Ang mga tao ay palaging pinag-uusapan ka
tungkol sa pagiging mahinahon at masunurin mo,” ang reklamo ng baboy sa
baka. “Totoo naman na nakapagbibigay ka ng gatas at keso, at nakakatulong ka pa sa bukid, subalit nakakahigit
naman ako sa iyo sa aking mga ibinibigay. Marami ang mula sa akin; may malutong
na litson, longganisa, hamon, hotdog, sausages, embutido, bacon, laging
panghalo sa mga lutuing gulay, at kung anu-ano pa. Paborito pa nga ako na pulutan; may
chicharong bulaklak, crispy pata, pork barbecue, at inihaw na liempo. Pero,
wala namang natutuwa sa akin, walang may gusto sa akin, bakit ba ganito ang turing ng mga tao sa akin?”
Nag-isip saglit ang baka, at pakindat na
tumugon, “Alam ko na, kung bakit walang
may malasakit sa iyo at kung bakit ako ang palaging pinupuri, sapagkat ako ay mapagbigay at mapaglingkod habang ako
ay buhay.”
No comments:
Post a Comment