Tuesday, January 28, 2014

Pabaya



May isang napakamahiyaing binata ang umibig sa isang dalaga sa bayan. Madalas na tuwing pumupunta siya sa bayan at titigan niya ang dalaga sa tindahan ay nahuhuli niyang nakatitig ito sa kanya at mabilis na nagbababa ng tingin, na tila nahihiya. Nararamdaman ng binata na may pagtingin din sa kanya ang dalaga. Dangan nga lamang, pinanghihinaan ng loob ang binata na ligawan at kausapin ang dalaga. Sa tuwing susubukan niyang dalawin ang dalaga sa bahay nito ay pinagpapawisan siya ng malamig at nabubulol magsalita. Tulad ng dati, mabilis na itong magpapaalam at mangangakong magbabalik muli. Subalit maraming araw at linggo ang nagdaan, hindi na ito nakabalik at ipinagpatuloy na lamang ang paghanga sa dalaga ng ligaw-tingin.
   Bagama’t kinakabahan pa rin, ipinasiya ng binata na sulatan na lamang ang dalaga sa araw-araw upang maipadama ang kanyang taos na pag-ibig sa dalaga. At ito nga ang nangyari, dumaan ang mga araw, mga linggo, mga buwan, at pagkatapos ng isang taon, naglakas-loob ang binata na anyayahan ang dalaga na mamasyal sa magandang parke ng bayan.
   Masusing nagplano ang binata, mula sa isusuot na polo at pantalon, namili ng bagong sapatos, pinili ang lamesa na uupuan sa sikat na restoran sa tabi ng parke. Inilista sa papel ang mga pagkain at panghimagas na nasa menu. At pinakiusapan ang matalik na kaibigan na siyang maging tsuper niya at ng dalaga sa dakilang araw na magaganap. Anupa’t handang-handa na ang binata sa lahat ng bagay para makausap niya nang harapan at masinsinan ang dalaga.
   Maaga pa ay pasipul-sipol na itong nagtungo sa bahay ng dalaga. Buo na sa kanyang kalooban, na sabihin nang harapan ang marubdob niyang pag-ibig sa dalaga. Kagabi pa lamang, ay sinaulo na niyang maigi at paulit-ulit ang bawa’t kataga na kanyang uusalin kapag kaharap na ang dalaga. Sa tantiya niya, hindi pa niya natatapos ang pangungusap ay sasagutin na siya kaagad ng dalaga ng, “Oo, iniibig din kita.”
   Subalit nang maindayog na niyang maibulalas dito ang lahat-lahat ng damdaming kinimkim niya nang mahabang panahon ay nabigla at nanlumo siya sa isinagot ng dalaga,—Pasensiya ka na, m-m-may-asawa na ako. Napangasawa ko ang tagahatid ng sulat.”

No comments:

Post a Comment