Sa pantasiya, o
maging sa tunay na buhay—mayroon lamang na kasalukuyang sandali, ang Ngayon. Hindi mo masusukat ang panahon
katulad ng paraan kung papaano sinusukat ang distansiya sa pagitan ng dalawang
pook. Hindi nagdaraan ang panahon na tila may hinahabol, kusa itong nagaganap
at walang hinihintay. Tayong mga tao ay matinding nahihirapan na pagtuunan ng
ibayong pansin ang Kasalukuyan;
Laman ng ating isipan ang Nakaraan;
palagi nating iniisip ang mga bagay na ating mga nagawa, kung papaano higit
nating mapapahusay ang mga ito, ang mga kinahinatnan ng ating mga pagkilos, at
kung bakit hindi natin nagawang magpasiya na siyang kinakailangan. Nakatuon
tayo palagi sa panghihinayang.
At maging sa Hinaharap; palagi tayong nakatingin dito,
umaasa at naghihintay, kung ano ang ating mga gagawin bukas, papaano tayo
magiging maingat at handa sa mangyayari, ano ang mga panganib na nag-aabang sa
atin sa bawa’t pagkilos, papaano maiiwasan ang mga bagay na hindi natin
sinasadya at kung papaano tayo makakarating sa ating paroroonan na palagi
nating pinapangarap. Gayong ang pinakamahalaga sa lahat ay ang Ngayon.
No comments:
Post a Comment