Tuesday, January 28, 2014

Nasaan ang Diyos?



Naganap ito, maraming taon na ang lumipas, nang may isang lalake na palaging nagdarasal sa araw-araw, at humihiling na sana ay magpakita sa kanya ang Diyos.
   Ama kong Diyos, nais kong makita kita ng personal at makausap. Maghahanda ako ng malaki at masaganang piging para makasalo kita sa pagkain,” ang pakiusap nito.
   Dahil sa patuloy na pakiusap at pagmamakaawa niya, isang araw, ay nagpakita ang Diyos at nagsalita, Oo, ako ay darating.”
   Oh, Diyos ko, pinaligaya po ninyo ako. Kailan po Kayo darating? Kailangan bigyan po ninyo ako ng panahon para maihanda ang lahat para sa Inyo.”
   “Kung gayon, darating ako sa Biyernes, sa katanghaliang tapat.”
    Bago umalis ang Diyos, ang lalake ay nagtanong, “Maaari ko po bang maanyayahan ang aking mga kaibigan?”
   “Bakit naman hindi, sige anyayahan mo sila,” ang tugon ng Diyos. At madali Siyang naglaho.
   Inanyayahan ng lalake ang lahat niyang kaibigan at kakilala. Sinimulan niyang ihanda ang pinakamasasarap na pagkain. Ginastusan ng malaki at pinaganda ang pagdarausan ng dakilang piging. Pagdating ng Biyernes, isang malaking hapag-kainan ang nakahanda. Punong-puno ito ng masaganang tanghalian. Bawa’t isa ay naroon na, naggagandahan ang mga kasuotan na mamahaling terno at bestida. Kumikinang ang mga alahas na suot. Nakahanda na rin ang magandang kuwintas na mga bulaklak na isasabit sa Diyos at ang pabango na ipanghuhugas sa paa. Alam ng lalake na darating ang Diyos sa katanghalian, kaya lumabas silang lahat ng gusali at naghintay sa labas, subalit nang tumunog ang orasan sa ganap na alas-dose, ay nag-aalalang nagsalita ito, Ano ang nangyari? Hindi magagawa ng Diyos na sumira sa aming usapan. Hindi Siya mahuhuli sa oras. Ang mga tao ay mahuhuli na dumating, ngunit hindi ang Diyos.”   
   Bagama’t alinlangan at nababalisa na, nagpasiya siya na maghintay pa ng kalahating oras bilang paggalang. Subalit wala pa rin ang Diyos. Sa puntong ito, nag-anasan at nanggagalaiti na ang mga panauhin, “Hangal ka, ang sabi mo ay darating ang Diyos. Nagdududa na kami, na kalokohan ang lahat ng ito. Lubha namang kataka-taka na darating ang Diyos at sasalo pa sa iyo sa pagkain? Umalis na tayong lahat, walang mangyayari sa paghihintay natin!”
   Hintay, huwag muna kayong umalis! Pumasok tayo sa loob ng gusali at tignan natin baka naroon na Siya,” ang pakiusap ng lalake.
   Sa malaking pagkabigla at galit, nakita niya ang isang itim na aso na kumakain sa lamesa, lahat ng pagkain ay ginalaw at tinikman.Naku po! Kaya siguro hindi nakarating ang Diyos ay sinalaula ng asong ito ang mga pagkain.” Kumuha ng malaking panghambalos ang lalake at sinimulang pagpapaluin ang aso. Bugbog sa palo at umiiyak na tumakas ang aso.
   Humarap ang lalake sa kanyang mga panauhin at nagsalita, “Ano ang aking magagawa ngayon? Maging ang Diyos at pati kayo ay hindi na magagawang kumain pa, dahil nalawayan at nasalaula na ng aso ang ating mga handa. Alam ko kung bakit hindi nakarating ang Diyos, dahil sa nangyaring ito.” Sa matinding pagdaramdam ay pumasok sa silid ang lalake at lumuhod, sinimulang manalangin, nagtatanong kung bakit hindi nagpakita ang Diyos. Matapos ito, ay muling nagpakita sa lalake ang Diyos. Dangan nga lamang, marami Siyang mga sugat at nakabalot ng mga benda ang katawan.
   “Ano ang nangyari sa Inyo?” ang tanong ng lalake. “Naaksidente ba Kayo at lubhang nasaktan? 
   “Hindi ako naaksidente,” ang tugon ng Diyos. “Ang mga sugat ko ay ikaw ang may kagagawan!”

   Bakit ako ang sinisisi Ninyo, wala akong kinalaman sa nangyaring kapahamakan sa Inyo!” ang katwiran ng lalake.

“Sapagkat dumating Ako sa tamang sandali ng katanghalian at sinimulan Ko nang kumain. Nang bigla kang dumating at pinagpapalo Ako. Hinambalos mo Ako nang paulit-ulit, kaya nabali ang mga buto Ko,” ang pahayag ng Diyos.
   Ngunit hindi ko naman Kayo nakita, at talaga namang wala Kayo sa piging na inihanda ko,” ang paliwanag ng lalake habang kinakamot nito ang ulo.
   Nakakatiyak ka ba na talagang walang kumain ng iyong handa?” ang tanong ng Diyos.
   Mayroon po, may isang asong itim na kumain. Kaya lamang tumigil sa pagkain ay nang pagpapaluin ko,” ang may pagtatakang pahayag ng lalake.

   “At Sino naman ito, sa iyong palagay kung hindi Ako? Ang nais Ko lamang naman ay tunay na malasap ang linamnam ng iyong mga pagkain, kaya dumating Ako bilang aso.”
----------------------------
Idilat natin ang ating mga mata, bawa’t isa at bawa’t bagay ay nakapaloob ang Diyos o ang Batis, kailangan lamang ay manatili tayong handa para sa mga pagpapalang kaloob Niya mula sa bawa’t nabubuhay na bagay. Tuklasin kung papaano ang puwersa na ito ay inihahandog sa atin na nagkukubli bilang mga biyaya.

No comments:

Post a Comment