Tuesday, January 28, 2014

Basta Makaraos Lamang



Sa araw na ito, huminto at limiing mabuti kung ano ang ginagawa mo ngayon, bakit mo ito ginagawa, at kung saan ka patungo. Mahalagang malaman mo kung bakit nais mong sa direksiyon ito ikaw pumunta. At kung ang buhay mo ay walang direksiyon, patama-tama, at bahala na—ito ang pamumuhay na ...basta makaraos na lamang. Ang taguri dito, ay "isang kahig, isang tuka."
   Karamihan ng tao ay tahasang nabubuhay sa pagkukunwari. Patuloy na hindi matanggap ang kanilang kalagayan o kinasadlakan. Nagbubulag-bulagan sa mga katotohanang nakapaligid sa kanila. Matapos ang maraming mga taon na basta makaraos, sige na lang, patuloy na isang kahig-isang tuka, palaging nagbabaka-sakali—kaya nga, ganoon pa rin ang estado ng pamumuhay. Ang pakahig-kahig at patuka-tuka. Hanggang sa iasa na lamang ang kapalaran na tulad ng dati—ang basta makaraos. Sumuko na at nawalan ng pag-asa na matupad pa ang kanilang mga pangarap. Napakalungkot na sitwasyon ito.
Tanungin natin ang ating mga sarili:
   Pagmasdan ang ginagawa mo sa ngayon. Ito ba ang talagang nais mo? Nakukuha mo ba naman ang iyong mga naisin sa buhay, at nagagampanan mo ang tunay na hangad mong persona o nais na pagkatao? Kung hindi, papaano mo magagawa ang tungkol dito? Patuloy mo bang ipamumuhay ang pagkukunwari, na tila ang lahat ay ayos lamang para sa iyo? Gayong sa kaibuturan ng iyong puso, ay may hinahanap kang katuparan ng lahat mong pangarap para sa iyo?
   Huwag kang tumakas na tulad ng iba. Pinipilit na idaan sa limot ang mga kaganapan at katotohanan. Nililibang ang mga sarili ng mga panandaliang libangan, ng mga aliwang nakakasira sa halip na nakakatulong para umunlad, ng mga bisyong walang katuturan kundi lasunin ang isip at kalusugan. Pagmasdan ang mga tao na kinahumalingan ang pagkain, alak, droga, sugal, tsismis, at mga walang saysay na mga palabas sa telebisyon. Ano ang kanilang estado ng pamumuhay?—Mga kalituhan, kahirapan, at masidhing kapighatian.
   Ang mabuting gawa, ay hindi nagbubunga ng masama; subalit ang masamang gawa, ay pawang kapighatian na lubhang kaawa-awa.
   Hihintayin  mo pa bang matapos ang lahat, bago ka kumilos? Matitiis mo bang mausyami ang iyong mga pangarap, ang mapag-iwanan at manatiling laging kinakapos sa maraming bagay? Hindi malaya at walang kakayahang makamtan ang hinahangad na kaligayahan? Higit bang mainam ang hungkag na buhay at basta makaraos lamang?May kapirasong bubong at kapiranggot na tuyo ay ayos na?
   Narito ang bagay na kung saan ay makakatiyak ka. Ang mundo, sa kanyang patuloy na pag-ikot ay mag-iiba bukas kaysa araw na ito. Lahat ng iyong nakikita ay patuloy na nagbabago. Ang nakaraan ay lipas at limot na, ang hinaharap ay hindi pa maaninaw at malabo pa. Subalit ngayon sa araw na ito, ang hinihintay mong pagbabago ay nagaganap, kalakip nito ang mga positibong oportunidad ng mundo. Ang kailangan lamang ay maging handa ka at buong kasiglahan na harapin ito nang may pag-asa, matatag, at masikhay. At ang pinakamaganda at makakabuti para sa iyo na mga pagkakataon ay mapapasaiyo nang walang alinlangan.
   Ipinanganak kang orihinal at bukod-tangi sa lahat, huwag hayaan ang sarili na yumao bilang isang kopya. Huwag payagan ang iyong musika ay kasama mong malibing. Patugtugin ito habang may hininga ka pa.

No comments:

Post a Comment