Tuesday, January 28, 2014

Nasa Pagkatao ang Kapalaran



Ayon sa ating mga ninuno, malaki ang kanilang paniniwala na ang pagkatao; hindi ang mga pagkakataon o mga bagay na pinag-uukulan natin ng panahon, ang nagtatakda ng kapalaran ng tao. Sapagkat ito ang ipinapakita ng buhay at isang katotohanan na hindi natin maitatatwa. Magkagayunman, ang pagkakataon, at hindi sinasadyang bagay o isang aksidente, ay may kinalaman din sa naging resulta kung anuman ang tinamong kapalaran ng isang tao, subalit hindi mapapasubalian na ang pagkatao ay siyang pinakamalakas na elemento upang maapektuhan nang ganap ang kapalaran.
   Isang pagpapatunay na ang pagkatao ang higit na mahalaga sa anumang tagumpay o kabiguang nakamtan, hindi ang mga materyal na bagay, salapi, o maging katanyagan. Kahit na narating mo na ang itaas at kapangyarihan, walang katuturan ang mga ito, kung ihahambing ang mga ito sa respeto, pagpapahalaga, at pakikiisa ng mga tao na nakapaligid sa iyo.
   Isang halimbawa kung ang mga katangian ng isang tao ay may isipan na; inis-talo, pabaya, at walang pag-asa; makakatiyak ka na nakatuon siya sa pagkatalo at kabiguan, kaysa ang manalo at magtagumpay. Bilang tindera, kung tinanggap mo na walang kalidad o pagkakataon na mabili ang iyong mga produkto, ito nga ang tunay na mangyayari. Dahil ang bawa’t pagkilos mo, ay titiyakin ng iyong isipan na wala kang maibebenta. At ikaw mismo ang gagawa pa ng mga kaparaanan na kumbinsihin ang iyong mga parukyano na lumipat ng ibang tindahan para hindi ka na maabala pa. Dahil kapag ang mga pagdududa, mga kalituhan, at mga pangamba ang iyong atensiyon, ang ating katawan at mga ipinaparamdam nito ay kusang ipagkakanulo tayo para isiwalat ang anumang ating iniisip.
   Sa isang banda, kung nadarama naman natin; ang isip-panalo, masikhay, at tigib ng pag-asa; makakatiyak tayo na malulunasan at malalagpasan natin ang anumang problema o balakid na ating haharapin upang tahasang makamtan ang tagumpay. Napatunayan na ito ng mga matatagumpay na tao, na kung positibo at may pag-asa ang ating direksiyon, nakaprograma na ang ating isipan na maging matagumpay.
   Pansinin ito: Ano ang iyong maiisip na magiging kapalaran ng isang tao kung siya ay mapaghinala, walang pagtitiwala, mapagmalabis o palalo, mainisin, bugnutin, mapagmura nang walang matibay na dahilan, at mapanaghili? Sa aking palagay, mabilis nating mailalarawan kung anong uri ng kapalaran ang nakatakdang naghihintay para sa kanya.TALUNAN at kapighatian.  Ano naman ang iyong maiisip na magiging kapalaran ng isang tao kung siya ay mapagtiwala, may malasakit, maunawain, mapagkumbaba, mapagpatawad, at mapaglingkod? Iisa ang ating kasagutan para dito, TAGUMPAY at kaligayahan.
   Anumang bagay na ating itinatanim sa ating isipan, ang mga bunga nito ang tangi lamang nating pipitasin. Ito ang humuhubog ng ating karakter at batayan ng ating pagkatao. May kapangyarihan tayong piliin kung anong mga uri ng binhi ang kailangan nating maipunla. Sapagkat ito ang lilikha ng ating pagkatao at siya namang magdidikta sa antas ng kapalarang makakamit natin. Kasiyahan o Kalungkutan? Kaligayahan o Kapighatian? Nasa iyo ang kapasiyahan, at anumang piliin mo dito, … ay Panalo o Talunan ka.

No comments:

Post a Comment