Tuesday, January 28, 2014

Mapanirang Tsismis



Hindi maawat sa kadaldalan si aling Sabel. Kapag kumakati ang dila nito, nagkukumahog kaagad na may makausap at isiwalat ang tsismis na narinig. Minsan ay may naikalat ito na mapanirang tsismis tungkol kay pastor Mateo. Subalit may mga nagpatunay na nasa ibang bayan ang pastor nang mangyari ang ibinibintang sa kanya. Maraming tao ang nagalit kay aling Sabel, lalo na yaong mga nakakakilala nang maigi sa butihing pastor. Sa matinding pagsisisi, ay nagtungo si aling Sabel sa kapilya ng pastor at lumuluhang humingi ng kapatawaran.
   Patawarin po ninyo ako Pastor, sige na po, pag-utusan po ninyo ako, kung papaano ko muling maibabalik ang inyong pagtitiwala sa akin.”
   Nakakunot ang noo na nagpahayag ang pastor, “Kumuha ka Sabel ng dalawang unan na may laman ng mga hinimay na pakpak ng manok. Magtungo ka sa liwasang bayan at buksan ang mga unan. Hayaan mong liparin ng hangin ang mga hinimay na pakpak. Matapos na mawalan ng laman ang mga unan ay muli kang bumalik sa akin.”
   Nagtataka man sa naiibang kahilingan ng pastor, ay sumunod ang tsimosang si aling Sabel. Mabilis na umuwi ito ng bahay, kumuha ng dalawang unan at isang kutsilyo, rumaragasang nagtungo sa liwasang bayan. At pagdating dito, ay hiniwa ang mga unan at iwinasiwas ang mga laman nito, na matuling tinangay ng hangin sa maraming dako. Nang maubos ang laman ng mga unan ay nagmamadaling bumalik ito sa kapilya ng pastor.
   Nagawa ko na po ang inyong kahilingan, pastor,” ang habol sa hiningang pagsusulit nito sa pastor.
   “Mabuti naman,” ang tugon ng pastor. “Ngayon na napatunayan mo kung gaano kabigat na pinsala ang nagagawa ng mapanirang tsismis, may pangalawang kahilingan ako; Muli kang bumalik sa liwasang bayan at kolektahin mong lahat ang mga inilipad na hinimay na pakpak. Nais kong maibalik mong muli ang mga ito, at punuin ang dalawang basyong unan.”
   Pa-pa-paano ko po itong maibabalik, Pa-pastor?” Imposibleng may mapulot pa akong mga pakpak. Da-dahil patuloy po itong inililipad ng hangin,” ang pauntol-untol na katuwiran ni aling Sabel.
   “Ang mapanirang tsismis ay katulad ng mga pakpak ng manok, naisin mo mang maibalik pa sa dati at maitama ang binitiwan mong mga pangungusap, imposibleng mangyari pa ito. Ang sugat na nilikha ay patuloy na magnanaknak, at panahon lamang ang makapagsasabi kung ito ay malulunasan pa,” umiiling-iling ang ulo na pahayag ng pastor.

No comments:

Post a Comment