Tuesday, January 28, 2014

Bulaang Kritiko



Ang mga kritiko ay walang binabanggit na makubuluhan, kundi ang gamitin ang kanilang hintuturo sa tuwina na may magkakamali o nabibigo na mga nagsisikhay at gumagawa ng malaking kaibahan sa lipunan. Kaugalian na nila ang pumuna, mamintas, at manisi, kapag sila ay naungusan o nalagpasan sa kaunlaran. Hindi nila magawang tanggapin ang tagumpay ng iba. Matinding sampal sa kanilang mga mukha na makitang nagawa ng iba ang mga bagay na hindi nila makayang gawin, at imposibleng magawa nila para sa kanila. Sa halip na ikatuwa na may nagtatagumpay sa kabila ng abang kalagayan, higit na mainam para sa mga kritiko ang pumintas at magkulapol ng putik sa pagkatao ng kinaiingitan nila.
   Ang tunay na papuri ay nakalaan lamang para doon sa mga mapagsikhay at nagkakamali. Sapagkat yaon lamang na mga nabibigo at sa patuloy nilang mga kamalian, ay nagagawang maitama ang mga bagay. Walang mga pagkilos na walang mga kamalian, dahil hindi tayo mga perpekto o sakdal. Kaya nga, nilikha ang lapis na may pambura, upang burahin ang mali. Ang tunay na tao, sa kabila ng kanyang mga kamalian ay nagsisikhay at patuloy na naghahanap ng solusyon para magtagumpay. Siya ay may dakilang layunin, masigla, at may matining na malasakit sa kanyang kapakanan at maging sa pamayanan. Laging inaaksaya ang kanyang kalakasan at mahahalagang mga sandali doon lamang sa mga makabuluhang bagay. Batid niya ang kaibahan sa pagitan ng Panalo at Talunan; ng Tagumpay at Kabiguan; ng Kaligayahan at Kapighatian; at ng Kritiko at Tagalikha.
   Ang kritiko ay mapang-usig, mapang-uri, at mapaminsala. Ang tagalikha ay gumagawa ng kaibahan, mapaglingkod, at nabubuhay nang may kagitingan at paninindigan. Higit na may pananalig kaysa sa mga mababaw ang kaisipan na kailanman ay hindi nauunawaan ang maging panalo o maging talunan.
   Kung sabagay, “Wala pa akong nakita na itinayong monumento para sa isang kritiko.”

No comments:

Post a Comment