Friday, December 27, 2013

Walang Hintong Dalamhati


Hindi lilitaw ang bahaghari kung walang ulap at bagyo.

Kailanman na mapansin ang sarili na nalulumbay sa mga kapighatian, ito ay tanda ng mga kabiguang emosyonal. Pinahihirapan nito ang budhi sa mga kamaliang nagawa na walang kapatawaran, mga pangarap na nausyami na hindi nagawang tapusin, at mga pangungusap na hindi nakayang sambitin.
   Kung ang karaniwang kasalanan ay may hatid na luha, ang dalamhati ay may nakalulunos na hagulgol.

   Habang nasa tabi mo lamang, ito ay pinababayaan; subalit kapag nawala at lumisan, ito ay inaalaala at hindi malimutan. Bagay na hindi mo minahal at pinabayaan, ikaw ay iiwanan.

   Kung ikaw ay sadyang tamad na mag-isip, walang pagsisikhay at makupad na makagawa ng kaibahan, may karuwagan na tanggapin ang katotohanan, kailanman ay hindi mo matatamo ang kawatasan at kaligayahang inaasam-asam mo.

   May dalawa tayong tainga at isang bibig; patunay na kailangan nating makinig nang mabuti at magsalita nang bahagya.

   Sa isang matiwasay na tahanan, ang namamayani ay tilaok at hindi putak.

   May kakayahan ang mga hayop na nakakahigit kaysa atin –hindi nila alam ang Paraiso at Impiyerno. Anumang sabihin mo sa kanila, wala silang pakialam at panahon para seryosohin at personalin ang mga bagay na ito. At kapag sila ay nagagalak at tuwang-tuwa, ang iginagalaw nila ay ang buntot at hindi ang dila upang bilugin ang ulo mo.

   Ang paraan upang higit kang magmahal, ay tanggapin ang katotohanan na ang lahat ay panandalian lamang, at sa anumang sandali ito ay matatapos. Walang katiyakan ang buhay, kung hindi mo ito papahalagahan, iiwanan ka nito na tigib ng panghihinayang at kapighatian.

   Sa pag-aasawa, piliin ang babae na papakasalan bilang matalik na kaibigan na tila siya ay naging lalake. Dahil kung mabuti ang iyong asawa, uliran ang inyong pagsasama. At kung masama naman at bungangera ang iyong asawa, magiging pilosopo ka ng buhay.


   Ang madalas na kasiyahan ang hatid ay kaligayahan. Ang madalas na pighati ang hatid ay dalamhati. 

No comments:

Post a Comment