Wednesday, January 01, 2014

Ang Resolusyon ay Aksiyon


Huwag sayangin ang anumang mayroon ka sa pagnanasa ng mga bagay na wala sa iyo; tandaan na anumang mayroon ka ngayon ay minsang isa sa mga bagay na inasam mo noon. 
   
Ang mga kaganapan ng nakalipas na taon ay nakapagturo ng maraming leksiyon, mga karanasan, at ilang mga pangkalahatang katotohanan. Natutuhan ko, bagama't ang mga sugat ay madaling igawad ng mga tao na ating minamahal, at kadalasan ay siyang mahapdi at matagal maghilom. Subalit ang proseso ng pagpapagaling o paglimot sa mga ito ay siyang nakapagdudulot ng pinakamabisang karanasan sa buhay.
   Natanggap ko, na ang tao ay may kakayahang magbago, kahit na siya ay nasa kalagayang kahapis-hapis. Mayroon siyang kapangyarihan na makaahon at talunin ang anumang hilahil na umaalipin sa kanya. Nakamit niya ito bilang paghamon sa kanyang kakayahan, at siya ay may natatanging potensiyal o kalakasan na magapi ito. Hindi ito ipagkakaloob sa kanya ng tadhana nang walang dahilan, kung hindi niya ito malalagpasan. Bahagi ito ng mga baitang ng isang hagdanan para makarating sa itaas. Isang paraan upang makamit ang tagumpay. Hangga't hindi ka nakakapasa sa unang baitang, hindi mo maakyat ang ikalawang baitang, sapagkat muli kang ibabalik para ganap mong matutuhan ang mga leksiyon.
   Ang kahapon ay isang panag-inip. Ang hinaharap ay isa lamang na pananaw. Subalit ang araw na ito na matiwasay na ipapamuhay ...ay nagagawa ang bawa't kahapon na panag-inip ng kaligayahan, at ang bawa't kinabukasan ay isang pananaw ng pag-asa. Sapagkat ang mundo na puno ng galit, ay kailangan nating magsikhay na umasa. Sa mundo na puno ng pighati, ay kailangan nating masidhing mangarap. At sa mundong puno ng walang pagtitiwala, ay kailangan nating lubusin ng taimtim na pananalig at paniniwala.
   Hindi kailangan na tahasang malaman kung ano ang nangyayari, o talagang saan patungo ang lahat. Ang kailangan ay ganap na maunawaan at tanggapin ang mga posibilidad at mga paghamon na ipinagkakaloob ng kasalukuyang sandali, at buong higpit na yakapin ang mga ito nang may kagitingan, pananalig, at pag-asa. Nasa tamang pagpili lamang na igagawad ang tamang kapasiyahan.

Apat na Karapatdapat na Kawatasan
1. Apat na mga bagay na may katalinuhang malaman:
   Kapabayaan, Dalamhati, Kaibigan, at Katunggali.
2. Apat na mga bagay na kailangang nasa kaibuturan:
   Pagmamahal, Pagmamalasakit, Paglilingkod, at Pagtitiwala
3. Apat na mga bagay na kailanman ay walang puwang sa puso:
   Pagkainggit, Panghihinayang, Pag-iimbot, at Pagkalasing
4. Apat na mga bagay na kailangang isipin sa lahat ng sandali:
   Pang-unawa, Pagpapatawad, Pagtawa, at Pag-asa

   Kahit na sanay tayo at nakakatiyak sa paraan na ating ginagamit, nabibigo pa rin tayo na magkaroon ng sapat na katiwasayan mula sa ating mga kapasiyahan. Isa lamang resolusyon ang angkop para sa lahat ng ito: Ang bumangon maging sa maliliit na mga bagay. Sapagkat walang naging malaki nang hindi nagmula sa maliit.
Tandaan lamang: Para sa taong ito ng 2014: Magtanim ng mga binhi ng Kaligayahan, Pag-asa, Tagumpay, at Pag-ibig; lahat ng mga ito ay magbubunga at muling magbabalik sa iyo ng ibayong higit pa na kasaganaan. Ito ay Batas ng Kalikasan at sagradong nasusulat.

Masaganang Bagong Taon sa Inyong Lahat!

No comments:

Post a Comment