Monday, December 13, 2010

Pananalig

 

Palabas ng bahay si pastor Mateo nang masalubong niya si Aling Tindeng, isang kasimbahan.
   “Magandang umaga po, pastor,” ang bungad nito. “Magandang umaga din sa iyo, AteTindeng, may maipaglilingkod ba ako sa iyo?” ang tanong ng pastor habang itinuturo ang upuan. Matapos maibaba ang basket na dala ay umupo at nagpaliwanag sa kanyang pagdalaw sa pastor.
"Kagabi  ko pa ito iniisip pastor, mayroon po bang mahalaga pa kaysa sa pagdarasal?” ang tanong nito.“Kasi halos araw-araw ay nagdarasal ako, wala namang nangyayaring pagbabago sa aming buhay eh,” at dugtong pa.
  “Baka may alam pa kayong higit na mabisa kaysa pagdarasal? pangkukulit ni Aling Tindeng.
   Sandaling natigilan ang pastor, dahil sa naiibang katanungan na ito. Sumilay ang ngiti at nag-utos,
   “Puntahan mo ang maliit na punong-kahoy na iyon at bumali ka ng sanga. Dalhin mo sa akin.”
   Nakataas ang kilay at bumubulong na sumunod ito, “Papaluin pa yata ako nito, ah.”
    Nang maiabot ang sanga, nagtanong ang pastor,  “Buhay pa ba ang punong-kahoy?”
    “Siyempre naman pastor, sanga lamang ang binali ko.” may pagtatakang sagot ni Aling Tindeng.
   “Kung gayon, bumalik ka at baliin mo ang ugat.” ang panibagong utos ni pastor Mateo.
   “Bah, pastor, mamamatay ang puno, kung gagawin ko ito,” ang pagtatanggol ni Aling Tindeng sa kahihinatnan ng puno.
    “Ang mga dasal ay maihahalintulad sa mga sanga ng puno, at ang kanyang mga ugat ay matatawag na pananalig. Kapag may ugat, buhay ang sanga. At kapag walang ugat, mamamatay ang sanga,” ang paliwanag ng pastor.
   “Ang pananalig ay nananatili kahit walang pagdarasal, subalit ang pagdarasal ay walang katuturan kung walang pananalig.” ang paalaala ng pastor.

No comments:

Post a Comment