Monday, December 06, 2010

Isang Pabatid Tanaw

  


Hindi ako isang bihasa sa panulat o manunulat, sa katunayan ngayon lamang ako nagsusulat. Lalo na sa mga ganitong tema, na may mga makabuluhang paksa sa larangan ng ating panitikan, kultura, tradisyon, at pagpapalaganap ng wikang Pilipino.
   Humihingi ako ng paumanhin doon sa mga mapanuring pukol ng mga kritiko sa panulat. Sa tilamsik ng kanilang mga puna, panghihinaan ka ng loob na magpatuloy. Nararamdaman mo tuloy na wala kang karapatan na makapag-ambag o makibahagi man lang sa ikakaunlad ng ating wikang sarili. At higit pa, doon sa kanilang pagbatikos sa lantarang paghahayag ng mga katampalasanang nangingibabaw sa ating lipunang Pilipino. Nahihiya sila. Hindi nila matanggap ang nakasusulasok na mga katotohanan.
   Magkagayuman, hindi ko na sila inaalaala, itinuturing ko silang pampalakas loob upang lalong magpatuloy. Sa dahilang ayaw kong mapabilang doon sa mga umid ang dila, manhid, at nakatunghay lamang sa mga nakapanlulumong kaganapan sa ating bansa. Kung walang kikibo, sino ang dapat kumibo para sa atin? 
   Sadyang mahirap gisingin ang tulog, natutulog, at higit na matindi yaong nagtutulog-tulugan. Kahit mali-mali o wala sa tamang patutunguhan ang aking pagsulat, magpapatuloy ako. Mas nanaisin ko pang ako’y mamali, kaysa manatiling tuod na tinatangay ng agos at pasanin.
   Ang napakalungkot pa dito, sa halip na mapalaganap ang wikang pambansa nagiging tagkitil pa sila sa pag-usbong ng mga nagnanais na ito’y buhayin. Bakit hindi na lamang sila magturo, kung sa pananaw nila ay higit silang may karapatan at mahalaga ito? O dili kaya'y, magsulat din sila upang marami ang mapagpipilian kaysa ang pumuna. Tilaok ang kailangan natin, hindi ang putak. Bigkisan, hindi ang kaliskisan. Pagkakaisa, hindi ang palaasa. Isang isip, isang bansa, at isang Pilipino.
   Lubos na paumanhin din doon sa mga nagnanais ng karagdagang kaalaman kung sakali man mabigo sila na makamit ito dito. At sa manaka-naka at pabugso-bugso lamang na pagpaskil ng AKO, tunay na Pilipino. Sapagkat nag-iisa lamang ako. Gayunman, AKO ay Isa. Hindi ko magagawa ang lahat, subalit makakagawa ako ng kaibahan. At dahil hindi ko magagawa ang lahat, hindi ko iiwasan o kakaligtaan man lamang na gumawa ng bagay na makakaya kong gawin. Sapagkat AKO, tunay na Pilipino

No comments:

Post a Comment