Saturday, December 11, 2010

Lihim ng Kaligayahan


 
Isang mangangalakal ang nag-utos sa anak na lalaki na alamin ang Lihim ng Kaligayahan mula sa tanyag na mga pantas.. Ang binata ay naglibot sa maraming dako ng kapuluan sa loob ng apatnapung-araw, hanggang siya ay makarating sa isang magandang palasyo na nasa tuktok ng bundok. Dito nakatira ang pinakamagaling na matandang pantas na hinahanap niya.
   Datapwat, sa halip na makita ang dakilang pantas, nang pumasok siya sa isang silid, ang nabungaran niya ay labas-masok na mga mangangalakal, marami ang nag-uusap sa bawat sulok, may isang maliit na orkestra na tumutugtog ng malambing na tugtugin, at mayroong hapag-kainan na puno ng ibat-ibang masasarap na putahe na likas sa pook na iyon.
   Sa kalapit na silid ay nakita niya ang dakilang pantas na kinakausap ang maraming tao. Naghintay ang binata nang may dalawang oras, hanggang sa dumating ang sandali na siya naman ang makapagtanong.
   Matiyagang nakinig at naghintay ang pantas sa paliwanag ng binata sa kanyang pagdalaw. Subalit tinugon lamang ito ng pantas na wala siyang sapat na panahon, upang maipaliwanag sa binata ang kasagutan sa Lihim ng Kaligayahan.
  Iminungkahi nito sa binata na lumibot muna sa palasyo at bumalik makalipas ang dalawang oras.
   “Mayroon lamang akong ipapakiusap,” habang iniaabot ang isang kutsarita sa binata, na nilagyan ng dalawang patak ng langis.
   “Habang naglalakad ka, ingatan mo ang paghawak sa kutsarita upang huwag tumapon ang langis," ang paalaala nito.
   Nagtataka man ay sumunod ang binata sa nais ng pantas. Umakyat-manaog siya sa mga hagdanang bato na nakapaligid sa palasyo, hindi hinihiwalayan ng titig ang kutsarita. Ingat na ingat itong huwag tumulo ang langis mula sa kutsarita. Matapos ang mahabang dalawang oras, kaagad  humarap ang binata sa pantas.
   “Kung gayon, tanong ng pantas, “Nakita mo ba ang mga magagandang alpombra na yari sa Persiya,  at kurtinang seda na yari sa Tsina, sa aking silid kainan? Pinagmasdan mo ba ang mabulaklak kong mga hardin na sampung taong pinagtiyagaan na aking punong hardinero na pagandahin? Napansin mo rin ba ang ibat-ibang aklat at istatwa sa aking librarya?”
   Napanganga ang binata, “Naku po, hindi ko po napansin isa man sa mga binanggit ninyo. Ang tangi ko pong ginawa ay ingatang huwag tumapon ang ipinagkatiwala ninyong langis na nasa kutsarita,” nagkakandautal na dahilan nito. Hiyang-hiya sa nangyari.
  “ Kung gayon, bumalik ka at pagmasdan ang mga dinaanan mo. Hindi mo pagkakatiwalaan ang isang tao kapag wala kang nalalaman sa kanyang bahay,” ang paalaala ng pantas.
   Nabuhayan ng loob ang binata, dala-dala ang kutsaritang may langis, ay muling lumibot sa palasyo. Sa pagkakataong ito, binigyan niya ng pansin ang bawat sining at larawang nakasabit sa kisame at dingding. Pinagmasdan niyang mabuti ang mga hardin, ang luntiang kapaligiran nito, pati na ang mga bundok na nakapaligid sa palasyo. Sinamyo niya ang iba’t-ibang naggagandahang mga bulaklak. Nilaro niya ang mga alagang hayop na madaanan. Nasiyahan at nawili siya sa pagmamasid, noon lamang siya naaliw ng lubos.
   “Paumanhin po, at natagalan ako. Napakanda po pala ng palasyo ninyo," ang paliwanag ng binata, at isinalaysay ng buo ang lahat ng kanyang nasaksihan sa pantas.
   “Subalit nasaan ang dalawang patak ng langis sa tangan mong kutsarita?” ang tanong ng pantas.
    Nabigla ang binata nang makitang wala ng laman ang kutsarita. Napailing ito at nagpaliwanag, “Nalibang po ako, hindi ko po sinasadya, mahal na pantas,” ang pagsamong pagpapaumanhin ng binata.
   “Ah, iyan lamang ang aking mungkahi at alaalang iiwan sa iyo,” ang paglilinaw ng dakilang pantas.       "Ang Lihim ng Kaligayahan ay matatamo sa lahat ng panig ng daigdig saan ka man naroroon, habang ikaw ay naglalakbay. Hindi sa iyong patutunguhan o daratnan. At kailanman huwag kalilimutan ang dalawang patak ng langis sa kutsarita.”

Makabuluhang Aral: Saan ka man naroroon, lagi mong dala ang iyong sariling daigdig. Ang kaligayahan mo ay nasa iyo at hindi masusumpungan mula sa iba. Ikaw ang higit sa lahat ang nakakaalam at makagagawa ng sariling kaligayahan at maging kalungkutan.
Pananaw: Anuman ang iyong kalagayan o katayuan sa buhay, laging dalawa lamang ang iyong pagpipilian: Kalungkutan o Kaligayahan? Tagumpay o Talunan? Karukhaan o Kasaganaan? Kapighatian o Kapayapaan? Pagkakaisa o Paglalaban? Buhay o Kamatayan? Mamili ka. Ikaw ang masusunod. Sapagkat dito nakasalalay ang iyong kaligayahan.
Panambitan: May dalawa tayong kapangyarihan sa pagpili; Una, ang kapangyarihan na pumili. Pangalawa, ang kapangyarihan na piliin ang kung ano ang tama. Ito ang sagradong panuntunan sinusunod ng buong puso ng mga tunay na Pilipino.

No comments:

Post a Comment