Monday, December 13, 2010

Dalawang Bulsa




Isang kasimbahan ang lumapit kay pastor Mateo at nangusap:
   “Ang materyal na mundo ay winawasak ang ispiritwal na mundo.”
   “Anong ibig mong tukuyin?” ang paglilinaw ng pastor.
   "Ah, pastor, ikaw ang may paliwanag nito. Na ang mundo ng makasalanan ay winawasak ang ispirito ng mundo. Dahil lamang sa salapi at pagpapayaman, ay marami ang nagkakasala.” ang itinugon ng kasimbahan.
   At idinugtong pa, “Talaga namang pagdating sa salapi, marami ang nabubulag!”
   Napangiti ang pastor at mahinahong nagpaliwanag,
   “Mayroong dalawang bulsa sa harap ng iyong pantalon,” susog ng pastor. Isulat mo ito sa kapirasong papel at isilid sa kanang bulsa mo; Ang mundo ay nilikha, para lamang sa akin. Matapos ito, isulat mo naman ito sa isa pang kapirasong papel; Ako ay kawalan, kundi alikabok at abo lamang, at isilid sa kaliwang bulsa mo.”
   Ngayon, ilabas ang pera mo at hatiin ito sa kanan at kaliwang bulsa. Kapag nakadarama ka ng kasiphayuan at kawalan ng katarungan, basahin ang nakasulat sa kanang bulsa. Alalahanin na ang mundo ay umiikot lamang upang maging maunawain at matulungin ka. Upang magamit ang pera  na nasa kanang bulsa mo sa makabuluhan at mabubuting bagay. 
   Kapag nahahalina ka namang bumili ng mga bagay na wala kang matinding pangangailangan para dito, tandaan ang nakasulat sa iyong kaliwang bulsa at masusing pakaisipin bago gamitin ang perang nakasilid dito. Sa paraang ito, kailanman ang materyal na mundo ay hindi magagawang wasakin ang ispirituwal na mundo.”

No comments:

Post a Comment