May isang pastor sa isang simbahan ang mayroong maraming kasapi. Isang araw, bumuo sila ng lupon ng mga pinuno na mag-aasikaso sa mga proyekto na makakatulong sa kanilang samahan. Upang maisa-katuparan ito ng maayos, iminungkahi ng pastor ang pagdarasal sa bawat pagpupulong. Lahat ay nagdarasal, maliban sa isang kasapi, lagi itong lasing.
Ang pastor ay tumatanda na. Marami ang kasapi sa lupon ng mga pinuno ang nababalisa kung sino ang magiging bagong pinuno ng lupon, na siyang tatanggap lahat ng mahahalagang lihim na tradisyon ng kanilang simbahan.
Dumating ang panahon na nagkasakit ang matandang pastor. Ipinatawag niya ang lasinggero na kasapi at ipinagkatiwalang ipaalam ang lihim nilang tradisyon sa kanya.
Nagkaroon ng kaguluhan at protesta sa pangyayari. Karamihan ay hindi makapaniwala at tumututol sa pagtitiwalang iginawad ng pastor sa lasinggero.
“Nakakahiya! Naging katawatawa ang ating kalagayan!” himutok ng mga pinuno sa lupon. “Nagsakripisyo tayo para lamang sa maling pastor, na hindi nakikita ang ating mga katangian.”
Sa nadinig na kaguluhan sa labas ng silid, ang naghihingalong pastor ay nagpaliwanag,
“Kailangan kong ipasa ang mga lihim sa taong ito na kilala kong lubusan. Lahat ng ating kasapi sa lupon ay mga banal, at talos ko ang kanilang mga katangian. Ito ay mapanganib, ang kabanalan ay nagagawang pagtakpan ang mga kakulangan, kapalaluan, walang katuturan, at kawalan ng pagtitiis. Kung kayat pinili ko ang isang kasapi lamang na kilalang-kilala ko, sapagkat kitang-kita ko ang kanyang kahinaan; paglalasing.”
No comments:
Post a Comment