Monday, December 06, 2010

Nasa Diyos ang Awa



   Sa may Pantingan, bayan ng Pilar sa Bataan, nakagawian nang dalawin ni pastor Mateo ang magbubukid na si Mang Berting, isa niyang kasimbahan. Madalang magsimba ito, at sa tuwing dumarating ang araw ng Linggo ay umiiwas at laging may kadahilanan.
    Isang umaga, nadatnan niya itong inilalabas mula sa kulungan ang mga alaga nitong kambing. Minabuti  ng pastor na samahan si Mang Berting patungo sa sugahan upang doon kausapin. Habang naglalakad sinamantala ng butihing pastor ang bawat sandali na ituro sa kanyang kasama ang tungkol sa masugid na pananampalataya.
  “Ka Berting, palagi mong ipagkakatiwala sa Panginoon anuman ang nasa iyo.” At dugtong pa ng pastor, “Kailanman, hindi tinatakasan ng Panginoon ang kanyang mga anak.” Malayo rin ang kanilang tinahak at ang paliwanagan ay patuloy pa rin. Pagdating sa sugahan na mga kambing ay nagpaalam na ang pastor, subalit bago ito umalis, nagpaalaala ito kay Mang Berting na itali ang mga alaga sa mga sanga ng puno upang hindi makalayo ang mga ito.
   Sumunod si Mang Berting at naghanap ng mga sanga sa kalapit na puno. Habang itinatali ang unang kambing, naalaala niya ang habilin ng pastor nang hapong yaon bago ito umalis.
   Bulong nito sa sarili, “Palagay ko sinusubukan ako ni pastor Mateo, kung gaano katatag ang aking pananalig sa Diyos. Batid ko na ngayon, 'ang katotohanan lamang ang magpapalaya sa aking sarili.' Sa katotohanang ito, ipinagkakatiwala ko sa Diyos ang aking mga kambing.”
   Kasabay ng mga pangungusap na ito, ay inihinto ni Mang Berting ang pagtatali at pinawalan ang mga kambing. “Magsihayo kayo, manginain hanggang ibig ninyo, at babalikan ko kayo bukas!” utos nito, sabay taboy sa mga alaga.
   Kinabukasan, pasipol-sipol pa na dumating si Mang Berting sa sugahan. Laking gulat niya nang kahit isa man sa kambing ay wala siyang dinatnan. Nanggagalaiti, humahangos itong nagtungo kaagad sa bahay ng pastor sa barangay Ala-uli, at paninising inulat ang kamaliang naganap.
  Pagbukas pa lamang sa pintuan ng bahay ay binatikos kapagdaka ang pastor, 
“Wala kang sapat na kaalaman pastor, tungkol sa Diyos. Kahapon ang paliwanag mo ay magtiwala ako ng ganap sa Panginoon. Tinupad ko ito ng buong puso. Hindi ko itinali ang aking mga kambing at ipinagkatiwala sa kanya ng lubos. Subalit ang nangyari ay nawala silang lahat. Wala akong makita kahit isa, gaano man ang aking paghahanap.” Ang nagsisising panaghoy ni Mang Berting, habang nakatalungko ito sa bangko.
   Mahinahon ang naging tugon ng pastor, “Nais ng Panginoon na bantayan ang iyong mga kambing, dangan nga lamang, ang nais Niya ay magamit ang iyong mga kamay na itali sila, subalit hindi mo pinahintulutan ang Panginoon upang ito’y mangyari.”
  “Alalahanin mo ka Berting, nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.” paalaala ng pastor.

 

No comments:

Post a Comment