Palapit na ang tag-ulan, marami sa ibon ang langkay-langkay nang lumilipad patawid sa malawak na karagatan. Patungo sila sa pook na hindi daraanan ng mga bagyo. May isang salay, ang inahing ibon ay may apat na inakay na kailangan niyang mailipad. Sa bawat pagtawid, isa lamang na inakay ang makakayang dalhin ng kaniyang pakpak.
Sinimulan niyang isakay sa kaniyang likod ang unang inakay at nagtanong, “ Kapag ako’y matanda na, magagawa mo bang mailipad at maitawid ako sa karagatan sa iyong likod?”
“Oh, buong-puso aking ina,” ang sagot ng inakay na may pagsuyo.
Isinakay ng inahin sa kanyang likod ang inakay at inilipad ito sa dagat at mabilis na inihulog sa pagkalunod.
Bumalik siya sa salay at ganoon din ang itinanong sa pangalawa. Magiliw na tugon ng inakay, “Minamahal kong ina, pagdating ng takdang oras, ililigtas kita.” Kapagdaka’y inilipad din niya ito at inihulog sa dagat. Sumagot ding magiliw ang pangatlo, “Hindi kita kailanman iiwanan, minamahal kong ina.” Nalunod din ito sa dagat.
Hinarap naman niya ang ikaapat, “Tinanong ang inakay kung ano ang gagawin kapag isang araw ay malaki na ito at siya ay matanda na. Ito’y malungkot na tumugon,
”Oh, aking ina, patawarin mo ako. Pinakamamahal kita ngunit kung ang gulang ko’y katulad ng sa iyo, mayroon na akong sariling mga inakay na ililipad upang itawid ng karagatan.”
Napangiti ang inahing ibon at masuyong ipinatong ang huling inakay sa kanyang likod at itinawid ito ng karagatan.
Makabuluhang Aral: Hindi katungkulan ng anak ang itaguyod ang kaniyang magulang hanggat may kakayahan pa itong pangalagaan ang sarili. Bawat anak pagsapit ng wastong gulang, katungkulan nito ang unahin at pagyamanin ang kaniyang sariling mga supling. Marapat na lingapin ang magulang, kung wala na itong kakayahang asikasuhin ang sarili.
Pananaw: Ang pagkakaroon ng anak ay hindi katulad ng negosyo, na sa pagtanda ay upang pakinabangan. Ang patuloy na paninilbihan sa magulang, kahit may sarili ka ng pamilya ay karagdagang tungkulin. Kadalasan, nagiging balakid ito na maibuhos ng ganap ang pag-aaruga sa mga anak. Bawat tao, kailangang magsumikap na paunlarin ang kanyang sarili. Upang sa pagtanda ay hindi maging pabigat, dalahin, at maging palaasa sa pabuyang makukuha sa anak.
No comments:
Post a Comment