Kung mayroon kang kasama na laging negatibo ang isipan,
maingay mangusap, mainisin, temperamental at makasarili, gaano katagal mo itong
pakikisamahan? May nagwika, "Sa loob ng 45 araw, sinuman ang iyong
nakasama, naisin mo man o hindi... ay matutulad ka sa kanya." Kahit
papaano ay mahahawa ka at magagaya mo ang kanyang mga asal at kaugalian. May
nagwika pa rin, "Sabihin mo sa akin kung sino ang mga kaibigan mo at
sasabihin ko sa iyo, kung sino ka." May kapangyarihan tayong pumili, at
piliin ang tama. Batid natin kung anong uri ng pagkatao mayroon ang isang tao,
dahil nakikita natin sa kanyang mga salita at mga gawa. Nasa resulta nakikilala
ang lahat. Hindi sa salita kundi sa gawa.
Ganito kung
papaano natin pinapahalagahan ang ating sarili, kung anong uri ng respeto at
pakikitungo ang ating iginagawad para dito. Ganito din ang uri ng pakikitungo
na gagawin ng iba para sa atin. Maging totoo at wagas sa ating mga sarili, sa
isip, sa salita, at sa gawa. Tuparin ang mga pangako, sabihin lamang nang
totohanan ang nadarama ng puso at gawin ito nang walang alinlangan at
pagkukunwari.
No comments:
Post a Comment