Isang katalinuhan na maging wagas mong kaulayaw ay iyong sarili, sapagkat sa lahat ng sandali, lagi mo itong kasama at kailanman at saanman ay hindi ka nito iiwanan. Ang tao na buong puso at kaluluwa na laging nakatuon sa kanyang sarili ay maihahalintulad sa isang moog o tanggulan na hindi magigiba at madudurog ng sinumang sasalakay sa kanya.
Matalinong pinapangalagaan niya ang kanyang pangalan, integridad, at reputasyon. At bilang kinatawan ng kanyang angkan, pinaglilimi niya ang kanyang mga hakbang kung ang mga ito ay patungo sa makabuluhang mga bagay at makapagpapaunlad sa kapakanan ng kanyang pamilya na pinagmulan (mga magulang at mga kapatid); kanyang pamilya na binuo (asawa at mga anak); at pamilyang itinatatag (mga kaibigan).
Naging panuntunan na niya kapag may nakakasabay siyang tao sa paglalakbay sa buhay at nahalina siya sa kahanga-hangang mga katangian nito; pinapamarisan niya ang ulirang buhay nito. Subalit doon sa mga nakikita at nananaranasan niyang mga kabuktuan at pagsasamantala ng ibang tao, mabilis niyang sinusuri ang kanyang budhi kung bakit naliligalig siya tungkol dito. Bukal sa pusong ipinapahayag nang tuwiran ang pagpuri at pasasalamat, ngunit kritiko at pumupuna nang palihim.
Pag-aralan na magtiwala at asahan ang sarili lamang, iwasang maging kopya ng iba, sapagkat walang higit na makakatulong at daramay sa iyo nang wagas at dalisay sa lahat ng sandali kundi ang iyong sarili lamang. Tanging ikaw lamang at wala ng iba pa.
No comments:
Post a Comment