Saturday, December 29, 2018

Simulang Tamasahin ang mga Bagay na Mayroon Ka



Nagkakaroon lamang ng mga bagabag at mga kapighatian kapag lagi tayong nakatingin sa labas ng ating bakuran. Kung lagi natin ikinukumpara ang ating kalagayan sa iba, kailanman hindi tayo magiging maligaya. Kahit papaano ay may makakahigit na kalagayan kaysa atin, sa halip na magalak at may nagtagumpay, marami sa atin ang naiinggit o naninibugho sa magandang kapalaran ng iba. Sa halip na pag-ibayuhin pa ang pagsusumikap na makaahon sa kahirapan, ang pinapakialaman ay usisain, punahin, at pintasan ang nagawang pagbabago ng iba. Sapagkat ang mga miserableng tao ay ugali na ang maghanap ng kagrupo sa masalimuot na buhay.
   Sa sandaling ito, maaari nang maging masaya at kuntento sa mga bagay na nasa iyo. Pasalamatan ang mga pagpapala na dumarating sa ating buhay. Sa dahilang anumang bagay na hindi mo pinahalagahan ikaw ay iiwanan. Hindi tsansa o suwerte kung bakit nagkaroon ka ng mga bagay na ito. Lahat ng mga ito ay may ginagampanang tungkulin upang mabuo kung sino kang talaga. At kung ito kahit karaniwan o kaunti lamang at hindi napag-ukulan ng tamang atensiyon, ang kasunod pang mga pagpapala ay kusang lumilihis at hindi nakakarating sa iyo, dahil laging nasa malayo ang iyong pagtingin.

No comments:

Post a Comment