Saturday, December 29, 2018

Simulan nang maging tunay, wagas at may pagmamalaki sa sarili.



Iwasang minamaliit ang sarili sa iba. Bagamat isang mabuting ugali ang mapagkumbaba, huwag naman gawing robot, utu-uto, sulsulin, at pamasak-butas ang iyong pagkatao. Hanggat wala kang respeto sa iyong sarili walang sinuman na matino ang isipan na rerespesto sa iyo. Hindi mo katungkulan o isang obligasyon na maging takbuhan at tagasagot sa mga pangangailangan ng mga tao na nakapaligid sa iyo. Mayroon kang sariling buhay na kailangan ding panagutan at paligayahin. Kung mananatili ang ganitong sistema ng pang-aabuso hindi malayona pati ang iyong kalusugan at katinuan ng isipan ay maapektuhan.
   Iwasang maging kopya ng iba, isa itong aksaya para maganap ang nais mong maging ikaw. Maging matatag at panindigan kung sino kang talaga. Yakapin nang mahigpit ang tunay mong pagkatao, mga ideya, mga kakayahan at ilabas ang iyong mga potensiyal. Patugtugin ang iyong musika, huwag pabayaang malibing ito na kasama mo. Ilabas ang wagas mong pagkatao nang higit pa sa magagawa mo - tuparin ang pinamaganda at pinakamabuting bersiyon ng iyong sarili - mula sa sarili mong patnubay at mga patakaran. Sa lahat ng ito, maging orihinal at totoo sa iyong sarili, walang balat-kayo, hindi balimbing, malinaw at walang itinatago kaninuman, saanman, at kailanman.

No comments:

Post a Comment