Huwag basta makisakay, ikaw ang magmaneho ng sarili mong sasakyan.
Lahat ay nagsimula sa kataga, bawat bagay na
maisip natin kung walang pangalan hindi natin ito mabibigkas. Yaon lamang mga
bagay na ating nalalaman at naranasan ang maaari nating pag-usapan. Sapagkat
para saan pa, kung babanggitin mo sa akin ang kapurunggit mong alam at hindi ko
nababatid ito at naranasan man lamang. Pag-aaksaya lamang ito ng panahon at mauuwi
sa alitan. Subalit kung ito ay alam mo at alam ko din, para saan pa na
pag-usapan pa ito kundi ang magtaltalan at magtsismisan na lamang.
Maraming bagay tayong kinagisnan,
kinahumalingan, at nakasanayan. Subalit iilan lamang sa atin ang ganap
na
nauunawaan kung kabutihan at hindi kasamaan ang tinutungo ng mga ito.
Madali ang sumakay at makiayon sa paniniwala ng isang tao, ngunit ito nga ba ang kailangan mo para paunlarin ang iyong sarili? Ang patuloy na sumunod sa mga opinyon at ipinag-uutos ng iba? Huwag payagan na matapos ang iyong buhay na isang kopya, patugtugin and sariling musika habang ikaw ay buhay pa. Marami sa
atin ang ganap na bulag at sarado ang isipan kapag pinipilit na gisingin sila
ng iba. Dahil marami ang tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan.
Maihahalintulad ito sa isang tao na
nalulunod dahil may hawak siyang malaki at mabigat na bato na nagpapalubog sa
kanya at ayaw niyang bitiwan. Higit na mamatamisin pa niyang lumubog na kasama
ang bato kaysa bitiwan ito at makaahon sa tubig para mailigtas ang kanyang
sarili. Marami ang may ganitong saloobin, kahit baluktot at wala na sa panahon
ang ipinaglalabang paniniwala at pikit-mata pa ring ipinagtatanggol ito, kahit na
mauwi pa sa matinding alitan at ibayong kapahamakan.
Makakabuting iwasan sila at takbuhan,
sapagkat ang pumatol sa mga baliw ay kamatayan ang hantungan.
Jesse Navarro Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
No comments:
Post a Comment