Saturday, December 29, 2018

Simulang Magmasid at Mamuhay sa Kasalukuyan



Mayroon ka na namang 24 oras upang gampanan ang iyong layunin sa buhay na ito. At ang sandaling ito ay isang milagro. Ito lamang ngayon, ang garantisado, may katiyakan, at may pakinabang. Ito sa ngayon ang tamang panahon upang gampanan ang kapalaran na nakatakda para sa iyo. Hindi ang nakaraan na lumipas na, at hindi rin ang hinaharap na walang katiyakan kung mangyayari pa o hindi. Ngayon, sa mga sandaling ito, kung nais mong makatiyak sa kinabukasan..., ay magagawa mo nang ayusin, tiyakin, at gampanan nang mahusay ang iyong kapalaran - sa araw na ito, ngayon.
   Iwasan na ang "sa isang araw," "balang-araw," "sana," "marahil," "akala ko," atbp. Walang katiyakan ang mga ito kundi ang umasa at maghintay sa bula. Iwasan na pag-ubusan ng panahon ang nangyaring kabiguan at hindi nagampanan sa nakaraan. Mayroon tayong mapagpipilian, at ibayo nating pagtuonan ito, ang NGAYON, hindi ang nakaraan o ang hinaharap. Pag-aralan nating tamasahin ang "nandito at ngayon" at magawang maranasan ang totoong buhay na kasalukuyang nagaganap sa sandaling ito. Ang salapi mawala man ay kikitain pa rin hanggat masigasig ka, subalit ang panahong nagdaan ay hindi na maaari pang magbalik. Ang panahon ay ginto at huwag nating aksayahin sa mga hindi makabuluhan. Dahil buhya natin ang naaaksaya nang walang kaunlarang makakamtan. Pahalagahan at tamasahin nang may kasiyahan ang lahat ng mga bagay na nasa ating paligid, sapagkat lahat ng mga ito ay kusang nawawala sa takdang panahon. Maging ang ating mga sarili ay panandalian lamang at may nakatakdang katapusan. Magsaya na ngayon, at maging maligaya sa kasalukuyan.

No comments:

Post a Comment