Huwag basta maghintay, kumilos nang may matapos.
Upang yumabong at magbunga, kailangang lisanin mo ang iyong komportableng kalagayan, harapin ang mga pagkatakot, at makipagsapalaran. Sumubok at huwag iwasang mabigo. Wala kang matututuhan kung laging kinakabahan at nais makatiyak sa lahat ng sandali. Hindi mo malalaman kung malamig o mainit ang tubig, kung hindi mo ito lulusungin at mararamdaman. Lagi kong salita, “Hinahangaan ko ang kauna-unahang tao na kumain ng talaba.”
Wika ng aking ama,
“Kung magastos ang edukasyon, mas higit pang magastos
ang kamangmangan.”
Hangga’t duwag ka, walang sisibol na
kagitingan sa iyong kalooban. Normal na sa iyo ang pangangalog ng mga tuhod at
ang umiwas sa mga kaganapan. Mga pangitain lamang ang laging makakaulayaw mo. Ang
pagkatakot sa kawalan ng nalalaman ay isa sa pinakamalaking mga
balakid na iyong haharapin sa pakikibaka sa buhay. Hangga’t maligalig ka at mangmang sa bagay
na ito, walang tagumpay na mapapasaiyo. Huwag gayahin ang mga tao na higit na
maingat sa mga materyal na bagay at sa kanilang mga salapi, mapaghinala at makasarili. Sa halip, pasiglahin ang iyong kalooban ng masidhing pag-asam. Hanggat may buhay ay may pag-asa. Nasa pagpupunyagi ang tagumpay na minimithi. Kung walang tiyaga, walang nilaga.
Upang magwagi sa
anumang larangan na papasukin mo, kailangang matutuhan mong wasakin ang anumang
hadlang bilang pagsubok sa iyong kakayahan, ang malunasan ito at malagpasan. Sapagkat sa bawat kabiguan ay may leksiyong matututuhan. Pilitin mong makawala sa bilangguang naghahari at
nagkukulong sa iyong isipan para hindi ka umunlad. Lumaban at maging matibay sa lahat ng sandali. Kapag may paninindigan ka; ikaw ay malaya, at magagawa mo
ang lahat tungo sa iyong pag-unlad.
No comments:
Post a Comment