Kapag maramot ka, kusang lumilihis at sadyang iniiwasan ka ng kasaganaan.
Ang biyaya at mga pagpapala ay patuloy. Wala itong humpay doon
sa mga nakabukas ang mga palad. Subalit maramot ito para doon sa mga nakakimis;
mga kamao ito na nakahandang manuntok. Wala kang bagay na masasapo kung matigas
na nakabigkis ang iyong mga palad. Ang kasaganaan ay nakalutang at patuloy na naghahanap
ng lalagpakan. Kung hindi ka nakahandang sapuhin ito, lalaging mailap sa iyo
ang kasaganaan. May mahiwagang kamay na nagpapala, at may mga kamay ka para
tanggapin ito nang higit pa sa inaasahan mo. Maraming bagay ang kusang
nagaganap na hindi mo nalalaman na ikaw ay inihahanda para dito. At ang
katotohanan para sa akin, at sa bawat isa sa atin, bawat bagay maliit o malaki
man ito na nangyayari sa iyong buhay ay isang paghahanda para sa iyo sa
nakatakdang pagpapala na darating.
Maraming
tao ang nakakaalam ng kanilang layunin kung bakit narito sila sa mundong ito.
At kung ang mga ito ay hindi mo pa alam; kung sino ka, ano
ang mga naisin mo, at saan nais mo pumunta, ito ang
pangunahin mong lunggati na kailangang puspusan na alamin. Sapagkat kung hindi
mo papahalagahan ito, patuloy lamang na paikut-ikot at bahala na ang aatupagin
mo. Sa sandaling mabatid mo kung ano ang dapat gawin at magampanan ito kaagad nang
maaga, walang balakid ang makakapigil pa sa iyo para makamit mo ang tagumpay na
iyong minimithi.
Ang mahusay na paggamit sa buhay ay
aksayahin ito sa bagay na walang hanggan.
No comments:
Post a Comment