Kapag nasupil mo ang iyong sarili, wala nang makakapigil pa sa
iyo para magtagumpay.
Sa mundong ito, mayroong maraming bagay na hindi
natin makakayang kontrolin. Subalit napatunayan
ko mismo, anuman ang iyong binibigyan ng atensiyon at patuloy na ginagawa, ito
ang may kontrol sa iyo. Isa na rito kung papaano ka mag-reaksiyon sa anumang
nagaganap sa iyong buhay. Nakabatay ito sa iyong paniniwala. Natutuhan ko, ...na
anuman ang iyong pinapaniwalaan, ito ang eksaktong magiging ikaw. Kaya nga,
kapag naniniwala ka na magagawa mo ang mga bagay, dahil pinagkalooban ka ng kapangyarihan
na nagmumula sa kaitasan na may pagpapala ng Diyos. Naniniwala ka, na ikaw ay
lumalakad sa mundong ito na hindi nag-iisa.Taimtim ang iyong pananalig na anumang
problema o balakid na masasalubong mo ay mayroong Diyos na kumakalinga sa iyo na
lagi mong masasandalan.
Habang
ako ay gumugulang, ang aking pang-unawa at pagkilala sa Makapangyarihang
Diyos ay kusang sumisibol sa akin. Pinalawak ko pa ang aking pangmasid kung bakit
ako, siya, at ikaw ay iisa. Tayong lahat ay bahagi ng umiiral na enerhiya na
siyang naghahari sa buong sansinukob. Marami ang naniniwala na ang Diyos ay
nasa lahat ng bagay, ngunit hindi naniniwala na ito ay nasa kaibuturan nila. Masasabi
ko bilang pagpapakumbaba, subalit sa katunayan ay isang matinding kapalaluan na
isipin ang Diyos ay naroon kahit saan man sa sansinukob maliban sa ating mga sarili. Lagi
tayong nakatanaw sa itaas, sa mga santo at santa, at sa labas kaysa apuhapin ito mula sa ating puso.
Kung tatanggapin lamang, ang makaluma
nating relihiyon ay nagsasabi; Ang Diyos ay siyang Alpha at Omega, ang simula
at katapusan. Ang Lahat-sa-Lahat, kung kaya't kinakailangan maunawaan natin na
siya ay nasa atin. Ito ang pinakamalinaw na kasagutan, at ito sa aking
pagkakaalam at mga nararanasan sa lahat ng sandali habang ako ay humihinga,
sapagkat ito ang pinakatumpak sa lahat, dumating na tayo sa makabuluhang
intriga at pagsisyasat: Saan sa atin naroon ang Diyos? Sa ating
kalingkingan? Sa ating hinlalaki? Sa ating utak? Sa ating puso? Nasa ating
kaluluwa? (Kung mayroon tayong kaluluwa?) (Oo.)
Ang
kasagutan: kung ang Diyos ay tunay na nasa Lahat-sa-Lahat, at Siya ang
Alpha at Omega, kung gayon walang lugar o pook sa atin na hindi naroon ang
Diyos. Sa katunayan, at hindi mapapasubalian ito, walang saanman o anumang
bagay na wala ang Diyos doon. Ang Diyos ay nasa lahat ng dako, at lahat ng ating
nadarama, nadidinig, nakikita, nalalasahan, at iniisip ay naroon ang Diyos. Ito
ang nagbabalik sa atin doon sa Hindi Mabigkas
na Katotohanan. Kung ang Diyos ay nasa lahat ng dako, Siya ay nasa
iyo, kung lahat ng nasa iyo, mula paa hanggang ulo ay naroon ang Diyos,
samakatuwid nito, ...ikaw ay Diyos.
Ito ay nasusulat: Ang
Kaharian ng Diyos ay nasa iyong kaibuturan.
Kaya nga ang pananalig ko ay nagmumula sa
kaalaman na may higit na Makapangyarihan kaysa akin at ako ay bahagi nito at
bahagi ko din Siya. Ang taguri ko sa kanya ay Bathala. At bilang ako, ...ay
walang magagawa kung hindi ko ito mauunawaan.
Kapag nabatid mo ang pagitan ng karaniwang
nais at kailangan makamit, may kontrol ka sa makabuluhan.
No comments:
Post a Comment