Saturday, October 31, 2015

Tunay na Intensiyon



Kung susukatin ang walang hanggan, ang ating panahon sa mundo ay isang kurap lamang. Subalit ang mga resulta nito ay nagtatagal magpakailanman.
Marami ang hindi nakakalam na tayo ay mga ispirito na nagkatawang tao. Ang tungkulin natin ay tuklasin ang ispiritung ito sa ating kaibuturan, narito ang Kaharian ng Langit. At maiugnay ito sa Banal na Ispirito na naghahari sa buong sansinukob. Kapag nagawa mong iugnay ang iyong sarili dito, walang sinuman ang makakahipo pa sa iyo. Ito ang iyong "wagas na kapangyarihan." Ikaw lamang ang higit na may karapatan upang isagawa ito. At walang sulsol o maging pakikialam ng iba. Kapag ang iyong pagkatao ay inilaan sa paglilingkod; ang enerhiya ng iyong kaluluwa, ay ang iyong wagas na kapangyarihan. Narito lamang kung saan nakalagay ang iyong kapangyarihan, sapagkat maliban dito ang lahat ng mga bagay tungkol sa iyo ay mawawala.
   Ang katawan mo ay gumugulang at pahina, at dumarami ang kulubot sa iyong mukha. Ang kagandahan mo ay naglalaho at napapalitan ng pagtanda. Kahit ano pa ang iyong gawin na magpaganda at mapahinto ito, alam mo na hindi ito magtatagal at kusang ding mawawala. Mistula lamang na mga bulaklak sa paso ito na bumukadkad sa kasiglahan ng buhay at nagsaboy ng bango, ngunit sa kalaunan ay malalanta at wala nang saysay pa, kundi pataba sa lupa. Ang panahon ay patuloy at hindi ka kailanman hihintayin nito. Hindi na kailangan gaano mang yaman mayroon ka, kahit na mataas na posisyon pa ang iyong katungkulan, kahit na napuno ang dingding mo ng mga papuri at mga katibayan, o maging ang kakayahan mong mabuhay pa, lahat ng mga ito ay nagbabago, mawawala at iiwanan mo.
   Lahat ay kumukupas, naglalaho, at pinapalitan, wala kang madadala kahit na isa mang palito ng posporo. Ang tunay na wagas lamang, at siyang nagtatagal, ay KUNG SINO KA at kung ano ang tunay na kinalabasan ng iyong pagkatao. Ito ang iyong pamana. Ano ang iyong inihandog na buong puso mong ibinigay nang walang pag-aatubili man at walang kapalit na hinihintay. Walang sinuman ang makakakuha nito mula sa iyo. Ito ang iyong tunay na layunin at tungkuling inatang sa iyo; ang maglingkod. Ibigay ang iyong panahon at kalakasan na kung saan ang proseso ng iyong isipan ay hindi lamang makagawa ng mabuti, kundi ang gumawa ng kabutihan para sa kapakanan at kaunlaran ng lahat sa pamamagitan ng Bayanihan.
Ang tunay na manifestasyon para sa kaluwalhatian ng Diyos.

Kapag patuloy ang pagpapala sa iyo ng Diyos, lalong higit na responsibilidad ang inaasahan Niya sa iyo.

 

No comments:

Post a Comment