Tuesday, October 27, 2015

Magtanong nang may Masagot






Kung nais mong makatiyak sa pagpapasiya kapag nahaharap ka sa matinding pagsubok, kailangan mayroong kang mga katanungang para dito. Pag-aralan itong mabuti at piliin lamang ang naa-angkop na tamang katanungan mula sa mga ito. At ang paglalaan ng mga karampatang kasagutan, bago ka magpasiya. 
   Ito ang mabisang panuntunan sa buhay. Tulad ng pagluluto, kung sinigang na isda ang binabalak mo, kailangan ang mga tamang sangkap nito at ang tamang paraan ng pagluluto, ayon sa iyong panlasa upang ito'y maging malinamnam.
   Ganoon din pagdating sa mga hakbangin ng iyong pakikibaka sa buhay. Kapag ikaw ay may pag-aalinlangan, gumawa ka ng tamang katanungan at ito'y may katumbas na tamang kasagutan. Kailangan lamang ay ang malaman, maisaulo, gamitin, at ipamuhay. Kapag may disiplina, makakaiwas sa problema.  

Mga Tamang Katanungan sa Buhay                                                      
   Ito ang sadyang mapa o alituntunin na magagamit mo para makarating sa iyong paroroonan. Maging matapat lamang na nalalaman mo kung nasaan ka ngayon, saan mo ibig pumunta, at tandasang natitiyak mo na ito nga ang ibig mo na puntahan. At maligaya kang ipamuhay ang kapasiyahang ito.
   Mga tamang katanungan na magdudulot sa iyo ng inspirasyon at kapangyarihan. Piliin ang katanungang angkop sa  pagkakataon, at lalagi kang gising sa mahalaga mong mga hangarin at kalalabasan nito.
  Narito ang 10 tamang katanungan:

Tanungin lamang ang iyong sarili.

1. Ang  pagpili bang ito ay maghahatid sa akin tungo sa maaliwalas na kinabukasan, o lalo lamang 
    magbabaon sa akin sa nakaraan?

2. Ang pagpili bang ito ay magdudulot sa akin ng mahabang kaganapan, o magpapatighaw lamang 
    sa akin ng dagliang kasiyahan?

3. Isinasaalang-alang ko ba ang aking paninindigan, o pinipilit ko lamang na asikasuhin na 
    masiyahan ang iba?

4. Ako ba’y nagmamasid sa kung ano ang tama, o ako’y nagmamasid sa kung ano ang mali?

5. Ang pagpili bang ito ay makapag-papasulong sa kabatiran ko, o makapag-papaurong
    pa sa aking kamangmangan?

6. Magagamit ko ba ang sitwasyong ito bilang batayan sa  kamulatan, o magagamit ko para sisihin
    lamang ang aking sarili nang paulit-ulit?

7. Nagagawa ba ng pagpiling ito na palakasin ang aking loob, o nagagawang pahinain ang aking loob, upang mawalan ng pag-asa?

8. Ito ba’y hakbang na pagmamahal sa sarili, o isang hakbang na pagwawasak sa sarili?

9. Ang pagkilos bang ito ay batay sa pananalig, o likha lamang ng pagkatakot?

10. Pinipili ko ba ang pagiging marangal ko, o pinipili ko ang naaayon sa kagustuhan ng iba?

   Tahasan kong inimumungkahi ang paggamit ng 10 katanungan na ito sa bawat pagpili ng mga hangarin, o mga lunggati sa buhay. Sapagkat matutunghayan sa uri ng iyong pamumuhay (kalagayan) sa ngayon, ang resulta ng lahat ng mga hakbang na nagawa mo sa nakaraan. Sa paggawa ng mahalagang mga desisyon, madali mong maliliwanagan kapag ang pinili mo’y makatutulong o makasasama, kung ito’y nagmumula sa makabuluhang pananaw o sa panandaliang pangarap (pantasya), o nanggagaling sa pag-aalinlangan o sa pagkatakot, o maging sa pananalig, o sa paimbabaw na kalutasan.
Maligaya ka ba ngayon? O, malungkot? -at masalimoot ang buhay?

No comments:

Post a Comment