Friday, October 16, 2015

Tanging IKAW Lamang




Lahat ng mga kasagutan sa iyong mga katanungan ay nasa iyong kaibuturan. Sisirin mo ito nang iyong masumpungan.

Ikaw ang may-akdà sa istoryá ng iyong buhay at tanging IKAW (Isang-isa, Katangi-tangi, Angkop, at Wagas) lamang ang may hawak ng panulat upang ito ay magkatotoó. Ikaw ang kapitán ng iyong barko, ikaw ang tsuper ng iyong behikulo (ang iyong katawan), at ikaw ang maestro ng iyong tadhanà. Lahat ng bagay na nagaganap sa iyong buhay ay IKAW ang pumili at naggawad ng mga kapasiyahan. Kung anuman ang naging kalagayan mo sa ngayon, ikaw ang lumikha nito at wala kang dapat na sisihin. Lahat ng mga ito ay hindi mangyayari kung hindi mo pinahintulután.
   Kung nais mo ng pagbabago upang makaahon sa iyong kalagayan sa ngayon, simulan na maging malinaw at may katiyakan kung ano ang iyong talagang nais sa buhay, saang direksiyon mo nais na pumunta, at anong mga mahalagang bagay at mga pagkilos ang kailangan mong isagawa upang ito ay tahasang maganáp. Ang iyong mga kaisipan, mga pananalita, at mga aksiyon ay kailangang magkakatugmà at sumusuporta sa iyong tunay na mga ninanasà.
   May kapangyarihan kang pumili at may kapangyarihan din na piliin ang tamà. Walang iba kundi IKAW lamang ang makakagawa nito para sa iyo. Sakalimang iaasa mo pa ito sa iba, mananatili kang kopyà at lilisanin ang daigdig na ito na kailanman ay hindi mo nagawang tugtugin ang sarili mong musiká; na makaligtaán ang mga pangarap na nais mong makamit, na maging mailáp ang kaligayahan na patuloy mong ninanasà.
   Kung nais mong mahalina ang masasaya at positibong mga bagay… maging masayahin at positibo ka, na laging nasa makabuluhan at may katuturan ang iyong mga pinagkaka-abalahan. Sisirin ang iyong kaibuturan at ilabas ang lahat ng iyong mga potensiyal. Hanapin ang mga bagay na magpapasaya sa iyo, luminya sa mga gawaing kinagigiliwan mo, kahit walang kapalit o sahod ay ito pa rin ang gagawin mo. At kung may bayad o pasahod, bonus na lamang ito para sa iyo. Narito ang iyong tunay na mundo. Wala sa labas at sa mga panandaliang mga aliwan, mga pagtakas at kalayawan ng sarili.
Ang kaisipang inihanda mo ang siyang magdedetermina sa susunod mong hakbang.






No comments:

Post a Comment