Sa isang linggo ay kaarawan na ni Boying, tuwang-tuwa ito nang sabihin ng kanyang Tatay na magtungo siya sa kumpare nito na gumagawa ng sapatos at magpasadya ng kanyang magugustuhan. Ninong niya ang sapatero at ilang bloke lamang ang layo ng pagawaan nito sa kanilang bahay. Mabilis na pinuntahan agad ito ni Boying at pagbungad pa lamang sa may bukana ng pagawaan ay sumisigaw na ito,
“Ninong, Ninong, nasaan kayo? Magpapagawa po ako ng sapatos sa inyo!”
Lumabas mula sa silid ang kanyang Ninong, pinapahid ang narumihang kamay sa apron na suot, at napapangiting nag-utos,“ Sige, pumili ka na riyan ng disenyo sa mga nakahilerang sapatos sa estante, kung ano ang nais mo. Iyan ang handog ko sa kaarawan mo!”
Lalong nagalak si Boying sa narinig at masiglang inisa-isa na dinampot at pinagmasdan ang mga sapatos. Naroong isinusukat sa kanyang mga paa, tinitimbang-timbang sa magkabilang kamay, at inilalakad. Lahat ay sinubukan at halos lahat ay nagugustuhan niya, pawang magaganda at nasa uso. Sa katagalan niya sa pagpili at hindi makapagpasiya, ay tinawag siya ng kanyang Ninong upang sukatin ang kanyang mga paa. Matapos ito, ipinakita ang dalawang pares ng sapatos upang pagpilian. Magkaiba ng disenyo at hubog sa unahan; ang isang pares ay pabilog sa dulo at ang sa isang pares naman ay parisukat sa dulo. Ang batang si Boying ay hindi makapagpasiya, laging tulak-kabig ang kagustuhan nito. Isang napakalaking kapasiyahan ito para sa kanya, sa dahilang ito lamang ang kanyang magiging sapatos sa matagal ding panahon.
Dahil abala sa gawain ang kanyang Ninong, minabuti nito na payuhan si Boying, “ Inaanak ko, umuwi ka muna at pakaisiping mabuti kung ano ang talagang ibig mo na pares sa dalawang ito. Bumalik ka na lamang dito kapag nakapagpasiya ka na.”
Umuwi agad si Boying sa kanilang bahay at sumalampak sa bangko, taimtim na iniisip kung ano ang pipiliin niya sa dalawang pares. Kinabukasan, maaga pa’y naroon na sa pagawaan si Boying at muling sinusukat ang dalawang pares. Ngunit tulad ng dati, hindi pa rin niya mapagpasiyahan kung ano ang talagang nais niya. Iiling-iling lamang ang kanyang Ninong sa nasasaksihan nito sa pag-aatubili ni Boying. Araw-araw, laging pumupunta si Boying sa pagawaan ng sapatos, kadalasa’y tatlo hanggang apat na ulit sa maghapon! Bawat tagpo ay isinusukat at masusing tinitignan ang pagkakalapat nito sa kanyang mga paa. Ang pabilog na unahan ay maginhawang isuot at lapat ilakad, samantalang ang parisukat na unahan ay maganda ang disenyo at makabago, na nais niyang maipakita sa kanyang mga kaibigan. Lagi niyang ipinagpapaliban ang pagpapasiya. Hindi niya alintana ang mga nasasayang na sandali. Nais niyang magpasiya kaagad, ngunit pabago-bago ang kanyang isip at palaging may pag-aalinlangan.
Hanggang isang araw na lamang ang natira at kinabukasan ay kaarawan na niya, naroon pa rin ito sa pagawaan at nagsusukat ng sapatos. Sa araw na ito na pangalawang ulit na pagpunta ni Boying, ay may inabot na nakabalot na kahon ang kanyang Ninong at sinabing ito na ang kanyang regalo. Ang kanyang bagong sapatos! Sa katuwaan, matapos makapagpasalamat, ay mabilis na umuwi si Boying sa kanilang bahay. Nang buksan niya ito ay namangha siya sa magandang pares ng sapatos na laman nito. Dangan nga lamang---ang mga disenyo at mga unahan nito ay magkakaiba, ang isa ay pabilog at ang isa naman ay parisukat.
-------
Isang magandang aral ang ating natunghayan dito tungkol sa kapasiyahan. Dalawang mahalagang kapangyarihan ang ipinagkaloob sa atin ng tadhana;
Una: Ang kapangyarihang pumili
Pangalawa: Ang piliin ang tama
Ang kalikasan ay binigyan tayo ng mais, ngunit tayo ang gigiling nito upang magkaroon ng kalamay na mais; ang Diyos ay pinagkalooban tayo ng kapasiyahan, ngunit tayo ang pipili kung anong uri at saan nararapat ang kapasiyahang ito. Halos lahat tayo ay nalalaman ang pagkakaiba ng tama at mali, subalit higit na minamahalaga ng karamihan sa atin ang huwag magpasiya at ipagpaliban ito sa tuwina. Umaasang magkakaroon ng hinihintay na pagbabago sa katagalan. Na kadalasa'y humahantong sa kapighatian.
Kung ang kapalaran ay iitsahan ka ng matalas na balaraw o punyal; dalawa lamang ang pagpipilian mo upang masalo ito nang ligtas----saluhin sa talim o saluhin sa puluhan. Mamili ka alinman sa dalawang ito; sapagkat kung ipagpapaliban mo, isa ring kapasiyahan ang walang kapasiyahan, at ito ang iyong nakatakdang kasawian. Mabuti pa ang gumawa ng maling kapasiyahan kaysa walang anumang kapasiyahan. Kahit baka-sakali ay tumama ka kaysa sa wala, na pagsisisihan mo ng lubos sa buong buhay.
Ang matatalino paminsan-minsan ay binabago ang kapasiyahan, ngunit yaong mga hangal---ay hindi magpakailanman. Gayong nasa kapasiyahan, hindi nang patama-tama at pagpapaliban ang lumilikha ng matagumpay na kapalaran.
No comments:
Post a Comment