Nakagawian na ni Teresa ang dumaing sa tuwina, tulad ng umagang ito na may karaingan na naman siya sa kanyang ama. Nahihirapan siya sa kanyang mga gawain at nais nang sumuko. Ayaw na niyang harapin pa ang mga ito sa dahilang kapag natapos niya ang isang problema, mayroon na namang itong bagong kasunod.
“Papaano ba ito, Tatay? Tinatamad na akong pumasok sa trabaho ko ngayon, lagi na lamang may problema sa opisinang pinapasukan ko!” Ang pagmamaktol ng pahayag nito sa ama.
Ang kanyang ama na isang kusinero ay isinama siya sa kusina. Binuhusan ng tigkakalahating tubig ang tatlong kaldero at pinaliyab ang apoy nang malakas. Mabilis itong kumulo. Sa unang kaldero ay inihulog niya ang isang sariwang kamote, sa pangalawa ay isang sariwang itlog, at sa pangatlo ay dinurog na kapeng barako. Hinayaan niya itong magpatuloy sa pagkulo, nang walang binibigkas na anumang salita.
Ang anak ay nakatiim-bagang, kapansin-pansin na nayayamot, at nagtataka sa ginagawa ng ama. Matapos ang dalawampung minuto ay itinigil ng ama ang pag-apoy. Hinango ang kamote at inilagay sa isang platito. Ganito din ang ginawa sa itlog. At ibinuhos naman ang kape sa isang tasa. At saka hinarap ang anak at nagtanong, “Ano ang iyong nakikita, anak ko?”
“Eh, Kamote, itlog, at kape po!” Ang walang kagatol-gatol na tugon ni Teresa.
“Halika, lumapit ka at hawakan mo ang kamote.” Ang utos ng ama sa anak. Nang damputin ni Teresa ang kamote ay napansin niyang malambot na ito.
“Kunin mo naman ang itlog at basagin.” Ang panibagong utos ng kanyang ama. At ginawa rin ito ni Teresa, subalit matigas na ito at nabasag lamang ang balat. Kaya inalis na lamang niya ang mga napirasong balat ng itlog at inilagay na muli sa platito.
Inutusan siyang muli ng ama na higupin naman ang kape sa tasa. Napangiti si Teresa nang malanghap ang samyo ng kape at malasap ang lasa nito. At mabilis itong nagtanong, “Para saan ba ang pagtatanghal na ito, Tatay?”
“Ito ang kasagutan sa mga hinaing mo, bawa’t isa dito ay naharap at magkakatulad na pinakuluan sa tubig ngunit magkaiba ang kanilang mga kinalabasan.” Ang paliwanag ng ama.
“Ang kamote ay malakas at matigas, subalit matapos na pakuluan sa tubig ay naging mahina at malambot. Ang itlog naman ay madaling mabasag sa dahilang manipis lamang ang balat nito na bumabalot sa katas na nasa loob. Subalit nang pakuluan sa tubig ay naging matigas ang katas na ito, ngunit nabasag naman ang balat. Samatalang ang nangyari sa kape ay naiiba at pambihira. Humalo ito at nagbigay na bango at lasa sa tubig. Bagama’t magkakatulad silang pinakuluan sa tubig, may katangitangi silang ginampanan sa tubig. Ngayon, saan sa tatlong ito ang katulad mo?” Ang tanong ng ama ni Teresa.
“Kapag dumarating ang mga problema sa iyong buhay, papaano mo ito hinaharap? Ikaw ba ay kawangis ng matigas na kamote, ng babasaging itlog, o ng dinurog na kape? Ang pag-uulit na katanungan ng ama.
Nagagalak at nakakaunawang tumugon si Teresa, “Doon po ako sa kape, kahit durog ito ay nagawang magpalanghap at magpalasa sa tubig, kaysa sa kamote na matigas nga subalit naging malambot, at maging sa itlog din na nababasag ay tumigas lamang ngunit magkatulad na walang nagawang anuman sa tubig.”
-------
Ang mga balakid o problema na ating nakakaharap ay tulad lamang ng mga paghamon sa ating mga pakikibaka sa buhay. Nasa ating mga kamay kung papaano natin ito malalapatan ng panglunas. At ito ang nagbibigay sa atin ng karanasan, kalakasan, at katatagan na lalong magtagumpay. Kung wala ang mga paghamong ito, kahalintulad natin ang tuyot na patpat na inaanod ng rumaragasang tubig kasabay ng panalanging huwag mapahamak. Subalit hindi ganito ang kalakaran ng buhay, lahat ay dumaraan sa mga matitinding pagsubok at ibayong katatagan kung papano mo malalampasan ang mga ito. At ito ang nagpapatalino at nagpapahusay sa iyo na magkaroon ng ibayong pagtitiwala sa sarili upang magsumigasig pa at makamtan ang hinahangad na tagumpay.
Sinuman sa atin ay hindi katungkulan ang lahat ng bagay na nangyayari sa atin, subalit mayroon tayong tungkulin sa kaparaanang gagawin kapag ito’y nangyayari sa atin.
No comments:
Post a Comment