Ipinagbubunyi natin ngayon ang ika-150 kaarawan ni Gat Jose Rizal, isa sa ating mga dakilang bayani. Kaalinsabay nito ang pagdiriwang naman ng Araw ng mga Tatay. Anupa’t tila sinadya ng pagkakataon na pagsabayin ito, nang higit nating mapag-ukulan nang ibayong pansin at sumapuso ang tunay na dahilan sa likod ng mga kaganapang nangyayari ngayon sa ating lipunan. Harinawa . . .
Tatlong hindi malilimutang mga dakilang kawikaan ang nagmula sa kanya na humubog sa aking kabatiran mula pa noong ako’y nasa elementarya. Ipinagkakapuri at ipinagmamalaki ko ito. Magpahanggang ngayon ay laman ng aking isipan sa tuwina, at ginagawa kong batayan sa aking mga pangunahing gawain.
1- “Ang kabataan ay pag-asa ng bayan.”
2- “Ang hindi nakakaalam ng kanilang pinanggalingan, ay hindi makakarating sa kanilang patutunguhan.”
3- “Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika, ay higit pa sa hayop at malansang isda.”
Dito sa pangatlo, na siyang pangunahing patnubay ng AKO, tunay na Pilipino ay buong puso itong ipina-aalam at isinasakatuparan upang manumbalik ang likas nating pagmamahal sa sarili nating Inang-Bayan. Pinatutunayan nito na, “Walang higit na magmamahal sa Pilipino, kundi ang kanyang kapwa Pilipino.”
Nabigyan ni Rizal ng inspirasyon sina Gat Andres Bonifacio at mga kasama nito sa Katipunan, sa sinulat niyang dalawang dakilang aklat na El Filibusterismo at Noli me Tangere. Nagawa nitong lalong magising at pag-alabin ang paghihimagsik ng kanyang mga kababayan at simulan ang Pambansang Paghihimagsik laban sa kolonyal na pamamalakad ng Espanya. Bagama’t tinututulan at itinatatwa niya na wala siyang kinalaman sa pag-aalsang ito sa kanyang mga sinulat.
Pinag-uukulan natin ng dakilang pagpapahalaga maging ang bayaning si Gat Andres Bonifacio, sa paghihikayat at pagtatag ng Katipunan o KKK (Kataastaasan Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan) at nang lumaon ay naging Supremo nito. Ipinamalas nito na sa sandatahang pakikibaka lamang matatamo ang minimithing kalayaan laban sa mga Kastila. Nakapanlulumo nga lamang at kanyang kapwa Pilipino ang pataksil na pumaslang sa kanya.
Bihira sa ating mga kababayan ang nakakaalam ng tunay nating kasaysayan. Sadyang nakakalungkot at nakapanghihinayang na higit nating dinadakila at kilala ang mga bayaning banyaga tulad nila; Abraham Lincoln, Thomas Jefferson, George Washington ng Amerika, Mahatma Gandhi ng Indiya, Vladimir Lenin, ng Rusya, Mao Tse Tung, ng Tsina, at maging si Ho Chi Minh, ng Vietnam . Subalit sino sa atin ang nakakakilala sa mga ito; Ang ating magigiting na Heneral sa Katipunan na nakipaglaban sa ating Kalayaan at mabuo ang bansang Pilipinas:
Hen. Makario Sakay, Hen. Antonio Luna, Hen. Gregorio del Pilar, Hen. Juan Cailles, Hen. Vicente Lukban, Hen. Artemio Ricarte, Hen. Francisco Makabulos, Hen. Benito Natividad, Hen. Jose Ignacio Pua, Hen. Manuel Tinio, Hen. Luciano San Miguel, Hen. Venancio Cocepcion, Hen. Isidoro Torres, atbp.
Sina Diego Silang, Melchora Aquino, Lapu-Lapu, Panglima Hassan, Gregorio Aglipay, Apolinario mabini, Juan Luna, Francisco Baltazar, Teodora Alonzo, atbp.
Ilan sa ating mga kababayang Pilipino ang nakakaalam ng kanilang kasaysayan at ipinamalas na kagitingan? Ikaw, na nakatunghay ngayon dito, may kilala at nalalaman ka ba sa kanila?
Kung buhay lamang si Rizal sa ating lipunan ngayon, makapagsusulat pa ito ng maraming aklat na tahasang babatikos sa kasalukuyang kabuktutan na naghahari sa ating sambayanan. Siya ang bayani na makakagising sa natutulog nating mga kabataan na nagugumon ngayon sa mga maling pag-uugali, maka-banyaga, at walang katuturang aliwan.
Bagama’t maraming pagdakila ang iniukol sa kanya na nagtataglay ng kanyang pangalan; lalawigan, mga pamantasan, mga paaralan, mga daan, sa ating salapi; papel man o barya, Knights of Rizal, at maraming iba pa, hindi pa rin nakakapanaig na maunawaang ganap ang kanyang simulain. Marami pa rin sa atin ang walang nalalaman kung sinong talaga si Rizal sa pagiging mga Pilipino natin.
Malaking bahagi ng pagtatago at paninira sa ating kasaysayan ang nagawa ng mga paring Katoliko na nagpapalakad sa mga pangunahing pamantasan at paaralan sa ating bansa. Sapilitan nilang pinagtatakpan ang nagdudumilat na mga katotohanan na inilantad ni Rizal sa kanyang dalawang aklat. Kahit na ipinag-uutos ng ating pamahalaan at may batas ditong pinaiiral, hindi rin nila sinunod ito at pinagbawalan ang mga estudyante sa kanilang mga paaralan na pag-aralan ito. Gayong ang mga unibersidad at mga paaralang ito’y pinakamataas sumingil ng matrikula kahit na walang ibinabayad sa kaban ng ating bayan kahit na isang kusing. Wala silang buwis at patuloy sa pagpapayaman sa harap ng mga kalagiman at matinding karukhaan sa kanilang kapaligiran. Sa kanila nagmumula ang kasalukuyang mga nagsisiugit o nagpapalakad ng ating pamahalaaan. Pansining balikan ang mga naging Pangulo o Panggulo ng ating bansa at kung saan nagsipagtapos ang mga ito. Kaya nga walang hintong pagdarahop at karalitaan ang patuloy na namamayani sa ating lipunan, simula pa noong panahon nila Bonifacio at Rizal magpahanggang ngayon. Dahil sila pa rin ang mapaminsalang-uri ng mga pinunong nagmamalabis sa panunungkulan at nagsasamantala sa sambayanang Pilipino. Ang sinimulang himagsikan nila Rizal, Bonifacio, at ng Katipunan ay hindi pa tuluyang natatapos. Ang paglalaban ay patuloy pa hanggang ngayon sa lahat ng dako ng ating kapuluan.
Tulad ng mga Kastila, hindi matanggap ng mga nasa kapangyarihan ng ating bansa sa ngayon, ang mga makabayang simulain na maglalagot sa tanikala ng pagka-alipin ng nakakaraming Pilipino. Maging noon pa man, hindi matanggap ng mga Kastila na ang isang “indiyo”o mababang uri na tao sa Pilipinas, na tulad ni Rizal ay maging matalino at mahigitan sila. Na magawang pukawin at ilantad ang ginagawa nilang mga pagmamalupit at hindi makatarungang pamamahala. Nagawa ni Rizal na maging isang sulong tumatanglaw sa kadiliman at tumatangis na gabi. Sino ang makakatulad sa kanya, na sa kanyang kabataan, ay maging isang doktor, inbentor, pintor, iskultor, siruhano sa mata, manunulat, tagapagtatag ng makabayang samahan, at walang takot na humarap sa kamatayan sa kabila ng mga pagkakataon na magagawa niyang makaiwas dito.
Sino ang makakalimot sa kanyang “Huling Paalam” na isinalin sa wikang Pilipino ni Gat Andres Bonifacio?
Muli nating sariwain ito;
PAHIMAKAS NI DR. JOSE RIZAL
Pinipintuho kong Bayan ay paalam,
lupang iniirog ng sikat ng araw,
mutiang mahalaga sa dagat Silangan,
kalualhatiang sa ami'y pumanaw.
lupang iniirog ng sikat ng araw,
mutiang mahalaga sa dagat Silangan,
kalualhatiang sa ami'y pumanaw.
Masayang sa iyo'y aking idudulot
ang lanta kong buhay na lubhang malungkot;
maging maringal man at labis alindog
sa kagalingan mo ay akin ding handog.
ang lanta kong buhay na lubhang malungkot;
maging maringal man at labis alindog
sa kagalingan mo ay akin ding handog.
Sa pakikidigma at pamimiyapis
ang alay ng iba'y ang buhay na kipkip,
walang agam-agam, maluag sa dibdib,
matamis sa puso at di ikahapis.
Saan man mautas ay di kailangan,
cípres ó laurel, lirio ma'y patungan
pakikipaghamok, at ang bibitayan,
yaon ay gayon din kung hiling ng Bayan.
cípres ó laurel, lirio ma'y patungan
pakikipaghamok, at ang bibitayan,
yaon ay gayon din kung hiling ng Bayan.
Ako'y mamatay, ngayong namamalas
na sa silanganan ay namamanaag
yaong maligayang araw na sisikat
sa likod ng luksang nagtabing na ulap.
na sa silanganan ay namamanaag
yaong maligayang araw na sisikat
sa likod ng luksang nagtabing na ulap.
Ang kulay na pula kung kinakailangan
na maitim sa iyong liwayway,
dugo ko'y isabog at siyang ikinang
ng kislap ng iyong maningning na ilaw.
na maitim sa iyong liwayway,
dugo ko'y isabog at siyang ikinang
ng kislap ng iyong maningning na ilaw.
Ang aking adhika sapul magkaisip
ng kasalukuyang bata pang maliit,
ay ang tanghaling ka at minsan masilip
sa dagat Silangan hiyas na marikit.
ng kasalukuyang bata pang maliit,
ay ang tanghaling ka at minsan masilip
sa dagat Silangan hiyas na marikit.
Natuyo ang luhang sa mata'y nunukal,
taas na ang noo't walang kapootan,
walang bakás kunot ng kapighatian
gabahid man dungis niyong kahihiyan.
taas na ang noo't walang kapootan,
walang bakás kunot ng kapighatian
gabahid man dungis niyong kahihiyan.
Sa kabuhayang ko ang laging gunita
maningas na aking ninanasa-nasa
ay guminhawa ka ang hiyaw ng diwa
pag hingang papanaw ngayong biglang-bigla.
maningas na aking ninanasa-nasa
ay guminhawa ka ang hiyaw ng diwa
pag hingang papanaw ngayong biglang-bigla.
Ikaw'y guminhawa laking kagandahang
ako'y malugmok, at ikaw ay matanghal,
hininga'y malagot, mabuhay ka lamang
bangkay ko'y masilong sa iyong Kalangitan.
ako'y malugmok, at ikaw ay matanghal,
hininga'y malagot, mabuhay ka lamang
bangkay ko'y masilong sa iyong Kalangitan.
Kung sa libingang ko'y tumubong mamalas
sa malagong damo mahinhing bulaklak,
sa mga labi mo'y mangyaring ílapat,
sa kaluluwa ko halik ay igawad.
sa malagong damo mahinhing bulaklak,
sa mga labi mo'y mangyaring ílapat,
sa kaluluwa ko halik ay igawad.
At sa aking noo nawa'y iparamdam,
sa lamig ng lupa ng aking libingan,
ang init ng iyong pag hingang dalisay
at simoy ng iyong pag giliw na tunay.
sa lamig ng lupa ng aking libingan,
ang init ng iyong pag hingang dalisay
at simoy ng iyong pag giliw na tunay.
Bayaang ang buwan sa aki'y ititig
ang liwanag niyang lamlám at tahimik,
liwayway bayaang sa aki'y ihatid
magalaw na sinag at hanging hagibis.
ang liwanag niyang lamlám at tahimik,
liwayway bayaang sa aki'y ihatid
magalaw na sinag at hanging hagibis.
Kung sakasakaling bumabang humantong
sa cruz ko'y dumapo kahi't isang ibon
doon ay bayan humuning hinahon
at dalitin niya payapang panahon.
sa cruz ko'y dumapo kahi't isang ibon
doon ay bayan humuning hinahon
at dalitin niya payapang panahon.
Bayaan ang ningas ng sikat ng araw
ula'y pasingawin noong kainitan,
magbalik sa langit ng boong dalisay
kalakip ng aking pagdaing na hiyaw.
ula'y pasingawin noong kainitan,
magbalik sa langit ng boong dalisay
kalakip ng aking pagdaing na hiyaw.
Bayaang sino man sa katotong giliw
tangisang maagang sa buhay pagkitil:
kung tungkol sa akin ay may manalangin
idalangin Báyan yaring pagka himbing.
tangisang maagang sa buhay pagkitil:
kung tungkol sa akin ay may manalangin
idalangin Báyan yaring pagka himbing.
Idalanging lahat yaong nangamatay,
nangagtiis hirap na walang kapantay;
mga iná naming walang kapalaran
na inahihibik ay kapighatian.
nangagtiis hirap na walang kapantay;
mga iná naming walang kapalaran
na inahihibik ay kapighatian.
Ang mga balo't pinapangulila,
ang mga bilangong nagsisipag dusa:
dalanginin namang kanilang mákita
ang kalayaan mong, ikagiginhawa.
ang mga bilangong nagsisipag dusa:
dalanginin namang kanilang mákita
ang kalayaan mong, ikagiginhawa.
At kung ang madilim na gabing mapanglaw
ay lumaganap na doon sa libinga't,
tanging mga patay ang nangag lalamay,
huwag bagabagin ang katahimikan.
ay lumaganap na doon sa libinga't,
tanging mga patay ang nangag lalamay,
huwag bagabagin ang katahimikan.
Ang kanyang hiwaga'y huwag gambalain:
kaipala'y marinig doon ang taginting,
tunog ng gitara't salterio'y magsaliw,
ako. Báyan, yao't, kita'y aawitin.
kaipala'y marinig doon ang taginting,
tunog ng gitara't salterio'y magsaliw,
ako. Báyan, yao't, kita'y aawitin.
Kung ang libingan ko'y limót na ng lahat
at wala ng kruz at batóng mábakas,
bayang linangin ng taong masipag,
lupa'y asarolin at kanyang ikalat.
at wala ng kruz at batóng mábakas,
bayang linangin ng taong masipag,
lupa'y asarolin at kanyang ikalat.
At mga buto ko ay bago matunaw
máowi sa wala at kusang maparam,
alabók ng iyong latag ay bayaang
siya ang babalang doo'y makipisan.
máowi sa wala at kusang maparam,
alabók ng iyong latag ay bayaang
siya ang babalang doo'y makipisan.
Kung magka gayon na'y aalintanahin
na ako sa limot iyong ihabilin
pagka't himpapawid at ang panginorin
mga lansangan mo'y aking lilibutin.
na ako sa limot iyong ihabilin
pagka't himpapawid at ang panginorin
mga lansangan mo'y aking lilibutin.
Matining na tunóg ako sa dingging mo,
ilaw, mga kulay, masamyong pabangó,
ang úgong at awit, pag hibik sa iyo,
pag asang dalisay ng pananalig ko.
ilaw, mga kulay, masamyong pabangó,
ang úgong at awit, pag hibik sa iyo,
pag asang dalisay ng pananalig ko.
Báyang iniirog, sákit niyaring hirap,
Katagalugang kong pinakaliliyag,
dinggin mo ang aking pagpapahimakas:
diya'y iiwan ko sa iyo ang lahat.
Katagalugang kong pinakaliliyag,
dinggin mo ang aking pagpapahimakas:
diya'y iiwan ko sa iyo ang lahat.
Ako'y patutungo sa walang busabos,
walang umiinis at verdugong hayop:
pananalig doo'y di nakasasalot,
si Bathala lamang doo'y haring lubos.
walang umiinis at verdugong hayop:
pananalig doo'y di nakasasalot,
si Bathala lamang doo'y haring lubos.
Paalam, magulang at mga kapatid
kapilas ng aking kaluluwa't dibdib
mga kaibigan bata pang maliit
sa aking tahanan di na masisilip.
kapilas ng aking kaluluwa't dibdib
mga kaibigan bata pang maliit
sa aking tahanan di na masisilip.
paalam estrangherang kasuyo ko't aliw.
paalam sa inyo mga ginigiliw:
¡mamatay ay siyang pagkagupiling!
Ipinakita dito ng Supremo ng Katipunan na si Bonifacio ang matayog niyang pagpapahalaga kay Gat Jose Rizal nang isalin niya sa wikang Pilipino ang “Mi Ultimo Adios” kinagabihan matapos paslangin ito ng malupit at hindi makatarungang kolonyang Kastila. Bagama’t tumututol si Rizal sa Himagsikan ng 1896, ang inspirasyong nagawa nito sa rebolusyong Pilipino ay isang kagitingang makabayan at huwaran sa marami nating kababayan.
Sa panahon ngayong marami sa ating matatalino at mahuhusay na kababayan na lumilisan mula sa ating bayan at nakikipagsapalaran sa ibang bansa o Philippine diaspora, sa pagnanais na magkaroon ng malaking pagbabago sa kanilang mga kalagayan, sa naghahating-uri na patuloy na bumubusabos at nagsasalaula sa ating pagka-Pilipino at Inang-Bayan, sa mga magnanakaw sa kabang bayan, sa mga tampalasang pinuno ng militar laban sa makabayang mga adhikain, narito ang ating dakilang Bayani sa ika-150 kaarawan niya at sa araw ng mga Tatay, bilang ama ng ating bayan na may kakayahang makagawa ng makasariling pagpapayaman, katanyagan at kasiyahan noong panahon niya, sa halip tinalikdan niya itong lahat at higit na pinili ang makapaglingkod sa kanyang Inang-Bayan sukdulang pagbuwisan niya ito ng kanyang buhay.
Wala nang hihigit pa sa pagkadakila ng pag-ibig niyang ito sa pagiging Tunay na Pilipino sa isip, sa salita, at gawa.
Mabuhay ka, Amang Gat Jose Rizal !
No comments:
Post a Comment