Thursday, June 09, 2011

EDUKASYON: Huwag Madaliin



   Pinakamarangal na gawain ang linangin ang kaisipan ng tao. Hindi tayo ipinanganak na may kaalamang bumasa, sumulat, tumantiya, magdisenyo o gumuhit. Lahat ng ito’y kailangang pag-aralan. At lubos na mapalad kung ikaw ay mayroong guro na busilak ang puso, may kabatiran, at may kakayahang magturo. 

   Ang isang mabuting edukasyon ay naglalaan sa atin ng kakayahang makinabang mula sa mga gawa ng iba na nauna sa atin. Ang kanilang mga karanasan, natutuhan, tagumpay man o kabiguan ay nagsisilbing tanglaw sa ating daan upang pamarisan o talikdan. Subalit ang kaalaman ay walang patutunguhan at kabuluhan hangga’t hindi tayo maingat sa pagtuklas at pagsasagawa nito. Nasa ating pang-unawa at pagtanggap kung ito'y mayroong kapakinabangan na ating magagamit sa pakikibaka sa buhay.

   Samantalahin natin ang pagkakataon na matutuhan ang karanasan ng iba, kaysa gumastos at magmatrikula pa sa magaganap at tiyak na kamalian. Ang karanasan ng iba ay napatunayan at nagtagumpay na, at walang malaking mawawala at maggiging madali pa kung tataluntunin din ang landas na kanilang dinaanan. 

   Isang pagpapatiwakal at paglustay ng panahon, at pati kabuhayan ang baguhin at humakbang pa ng naiiba, kung magkatulad naman ang landas na dadaanan at makakamtang tagumpay. Ang pagkakaiba lamang sa magkatulad na landas at natamong tagumpay ay kung mahihigitan o malalagpasan ito kaysa dati.

   Nangangailangan ng pagtitiyaga, masidhing paggawa, at natatanging katauhan upang paunlarin ang pag-uugali na maging mahusay sa pag-aaral, pagsulat, at pagbasa. Lalo na ang pagbibigay ng ganap na pang-unawa sa nilalaman ng binabasa. Ang panahong inaksaya dito ay mahalaga at magagamit sa lahat ng pagkakaton o pangyayari na magaganap sa iyong buhay.

    Lahat ay may kalalagyan, kailangan lamang ay maunawaang ganap kung ano ang talagang layunin mo at naglalaan ka ng makabuluhang panahon para dito.



 
Ang Pag-aaral

Basahin lahat; walang itinatangi o nilalaktawan,
sa isang nasumpungang nabuklat na kaalaman.
Ang may layuning matuto ay walang pinalalagpas,
Lahat ay sinasambot at pinipilit na makatas.

Kaysa tumingin, kailangang tumitig.
Kaysa humaplos, kailangang kumapit.
Hindi ang humawak bagkus ang mangunyapit.
Tumangan ng mahigpit, nang maunawaang higit.

Damahin ng puso, kabigin ng dibdib
Limiing mabuti at huwag ipagkait.
Ang magturo sa kapwa ay siyang kapalit,
Sa lahat ng pagpapala na ating nakamit.

Kapag naibigan may panahong nakalaan,
At kung makabuluhan ay pinag-aaralan.
May pagpapahalaga na maikintal sa isipan,
At sa totoong buhay ay ginagampanan.

Ito ang susi at kaparaanan, kung nais mo ng ibayong kabatiran.

Talahuluganan, n. glossary
Ang mga katagang narito ay mula sa paksang nasa itaas. Ito'y para sa mga nagnanais na mabalikan ang nakalimutang mga salita at maunawaang lubos, at maging doon sa mga may nais makatiyak sa tunay na kahulugan at angkop sa pangyayari o pagkakataon, upang mapalawak ang kanilang paggamit ng ating wikang Pilipino.

marangal, may dangal, huwaran n. noble, virtuous, illustrious
linang, bungkal, v. cultivate, tilling, improve, develop, refine
tantiya, tasa, tuos, kwenta  v. calculate, estimate, solve, figure out
guhit, sining n. draw, illustration, art
laan, tustos, takda, bigay v. provide, supply, sustain, avail, give
maingat, masinop adj. cautious, careful, attentive care, meticulous
tuklas, alamin, tiyakin, hanapin n. ascertain, discover, explore, determine, find
tiyaga, tiis, n. perseverance, steadfastness, persistence
sambot, salo, tanggap n. catch by hand (ball or falling objects), receive
makatas, n. juicy  v. to squeeze the juice
masidhi, matining, taimtim adj. intense, extreme degree, great zeal
matiris, n. grainy, half-cooked rice
sinaing, nilutong kanin n. cooked rice
kaalaman, n. knowledge, know how
kabatiran, n. well informed, ability to discern, insight, sound judgment
    wangki sa kapahaman, paham, pantas n. wisdom, wise man, philosophic person
laktaw, lagpas, n. omission, gap, set aside, overtake
pagpapala, basbas n. blessing, held in reverence
Palaala: Ang talahulugan na ito ay ipinapaliwanag lamang ang nilalaman ng paksa. Ang mga katagang nakasaad sa itaas ay batay lamang at umaayon sa mga pangungusap na palasak at kawikaan sa aming lalawigan ng Bataan. Hindi ito nagmula sa pagsasaliksik na nangangailangan ng pahintulot sa paggamit, o, alinsunod sa takdang-aralin, at may gabay ng mga taong titulado o may karugtong na mga titik ang kanilang mga pangalan sa hulihan. Isa po lamang na tagapaghatid ng kaunting kaalaman (kung inyong mamarapatin lamang) ang inyong lingkod. 
   Tulad sa panonod ng telebisyon, kung ayaw ninyo, mangyari lamang na pihitin ang remote control na hawak at pumunta sa ibang himpilan. Dito naman sa blog na ito, isang pindot lamang sa inyong mouse or keyboard, nasa ibang website ka na. Ganoon lamang po kadali. Huwag tagalan ang pagkainis. Inis-talo ito. Kung may kakulitan pa rin ang iba, ilagay sa tama ang inyong mga pagpuna, magdagdag kabatiran sa pamamagitan ng pagsulat sa akin. Hindi pawang mga hinaing na nakalambitin at tumatawag ng pansin. Mauuwi po ito sa walang hintong singasing at pagka-duling.


Panghimagas na Patawa mula sa pitak na BUNGHALIT (malapit nang ipaskel dito)

2 Tulisan
Dalawang tulisan o terorista ang nakatapos gumawa ng bomba sa mga liham (letter bombs).

Tulisan 1: Tinitimbang sa kamay ang hawak na sobre at nagtanong, “Ano sa palagay mo, sapat na ba ang pulburang idinikit natin sa loob ng sobreng ito?

Tulisan 2: Hindi ko alam! Ang tanga mo naman,  eh, bakit hindi mo buksan para malaman mo.

Tulisan 1: Mas lalo kang tanga kaysa akin, eh, pa’no …  Kung sumabog ito sa akin, eh, di patay ako!”

Tulisan 2: Bobo! Saksakan ka ng bugok! Marunong ka bang bumasa? Hindi naman pangalan natin ang 
nakasulat sa labas ng sobre, di bah?

Tulisan 1: Oo nga ano, sige halika rito at sabay nating silipin, bubuksan ko na.”

  Tiyak ninyong maiibigan ang mga Patawang Pilian, pinagpuyatang nilikha mula sa nakatabinging panulat, mga nasaliksik at matiyagang inipon, ginupit, tinabas, sinulsihan, dinagdagan ng bungisngis na palabok, at nilakipan ng balahibong pangiliti upang humagalpak ang isang matunog na bunghalit!

 Subaybayan . . .

Ang inyong kabayang Tilaok,
 




Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment