Minsan ay may nagtanong kay Peter D. Ouspensky kung ilalathala niya ang kanyang mga sinulat, tumugon ito ng: “Anong paggagamitan nito? Ang pinakamahalaga ay hindi ang mga pagtuturo, bagkus ang mga katanungan at mga kasagutan.”
Nais kong maibahagi ang ilang natutuhan ko kay P. D. Ouspensky (1878-1947), isang Ruso na tanyag sa kanyang mga paglilinaw sa pilosopiya, sikolohiya, at relihiyon, at naging estudyante ni G. I. Gurdjieff. Sa aklat niyang The Fourth Way, ipinahayag niya na ang sikolohiya ay pag-aaral sa sarili, at napakahalagang malaman ito ng lahat na nagnanais na makilalang tunay ang kanilang mga sarili. Paminsan-minsan sa ating pagniniig, magsisingit ako ng pahina tungkol dito.
Totoo ba ito? Kapag binigkas mo ang katagang AKO, ito ba ay talagang ikaw? O dili kaya, sa isang saglit lamang ang susunod ay iba namang katauhan ang papalit? Laging pabago-bago ang isip at hindi nananatili, kung sino kang talaga?
Napakaraming kahulugan at balangkas ang nakakapit sa katagang AKO na hindi kagyat na malalapatan ng pangkalahatang paliwanag. Kailangan mapag-aralan kung anong paraan at pinag-uugatan nito upang makita natin nang lubusan kung sino tayong talaga sa ating mga sarili.
Una sa lahat, kailangan nating malaman kung sino ang tunay na nagsasalita kapag binibigkas mo ang katagang ‘ako’. Ito ang kadalasan nating binibigkas kung tayo ay nagsasalita. Sinasabi natin ang; ’Ako’ ay tatayo.’ ‘Ako ay kakain.’ ‘Ako ay nakaupo.’ ‘Ako ay may nararamdaman.’ ‘Nauuhaw ako.’ ‘Ikaw at ako ay magkapatid.’ Sinabuyan siya ng tubig, pati ako ay nabasa.’ At marami pang tulad nito. Ito ang ating pangunahing ilusyon, para sa maling paniniwala at pagtuturing na tayo ay isa lamang; at siyang nasusunod sa ating mga sarili. Lagi tayong nangungusap tungkol sa ating mga sarili bilang ‘ako’ at sa ating pagkakaalam ay tanging pagpapahayag ito mula sa ating mga sarili. Subalit sa katotohanan tayo ay nahahati sa maraming daan-daang magkakaibang ‘ako’ mula sa ating mga sarili.
Sa isang saglit, kapag sinabi kong ‘ako', isang bahagi ko ang nagsasalita, at sa susunod na saglit kapag sinabi ko ang ‘ako’, ay iba naman ang nagsasalita ng ‘ako’, bagama’t parehong binibigkas ko ito. Hindi natin alam na hindi lamang isang ‘ako’ ang mayroon tayo, bagkus napakaraming magkakaibang ‘ako’ na magkadugtong at magkakasanib sa ating mga nararamdaman at mga ninanasa, at walang nangingibabaw ng totoong ‘ako’. Ang mga ‘ako’ na ito ay laging pabago-bago sa lahat ng sandali; ang isa ay tinatalo ang isa, ang isa naman ay pinapalitan ang isa, mayroon naman na biglang mangingibabaw, at ang lahat ng mga paglalabang ito ang bumubuo sa kaibuturan o kalikasan ng ating pagkatao. Ito ang tunay na nagaganap sa ating mga sarili, kung bakit laging pabago-bago ang ating iniisip at mga kapasiyahan.
Ang ‘ako’ na ating ginagamit ay binubuo ng maraming pangkat. At ilan sa mga pangkat na ito ay lehitimo at tunay na naayon sa ating pagkatao, at ilang pangkat naman sa huwad o artipisyal na nililikha nang hindi sapat na kaalaman at ng mga pinaniniwalaang imahinasyon o mga ideya natin tungkol sa ating sarili.
Kung sisimulang pag-aralan ang ating mga sarili, unahin ang paraan ng pagmamatyag dito. Alamin kung ano ang tunay na nagaganap sa atin upang maunawaan ng lubos ang pagkakaiba ng ating mga pagkilos. Sapagkat ang ating karaniwang paniniwala sa mga pagkakaiba ng ating mga ikinikilos ay tahasang mali. Alam natin ang pagkakaiba sa pagitan ng intellectual at emotional functions na mga pagkilos. Halimbawa; kapag tinatalakay natin ang mga bagay, iniisip natin ang tungkol dito, ang paghahalintulad, ang pagsasaliksik, ang ginawang mga paliwanag o paghahanap ng tama at tunay na kasagutan, lahat ng mga ito’y gawaing intellectual; samantalang ang pagmamahal, pagkamuhi, pagkatakot, sapantaha, paghihiganti at iba pa ay pawang emotional. Subalit kadalasan, kapag minamatyagan natin ang ating mga sarili, napaghahalo nating parehas ang intellectual at emotional functions sa ating mga pagkilos; kapag may nararamdaman tayo ay tinatawag natin itong nag-iisip, at kapag nag-iisip naman tayo ay tinatawag natin itong nararamdaman. Subalit kung ating maiging pag-aaralan, matutuhan natin ang paraan kung saan ito magkaiba.
Alamin ang Apat na Uri ng Pagkilos
May dalawa pang mga pagkilos ang kailangan nating ganap na maunawaan; ang instinctive function at ang moving function. Ang instinctive function ay tumutukoy sa gawain ng mga organismo sa loob ng ating katawan; tulad ng pagtunaw ng ating kinain, pagtibok ng ating puso, pagdaloy ng dugo sa ating mga ugat, paghinga, sugat na kusang pinagagaling---lahat ng mga ito ay instinctive function. Kasama din dito ang mga karaniwang pagkilos; tulad ng pagtingin, pandinig, panlasa, pang-amoy, pandama, nalalamigan, naiinitan, at mga pakiramdam na tulad nito. At kapag biglang pagkilos palabas ito naman ang karaniwang reflexes sapagkat ang matitinding reflexes ay bahagi ng moving function. Madaling malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng instinctive at moving functions. Hindi na natin kailangan pang matutuhan ang anuman sa instinctive function, ipinanganak tayong bahagi na natin ang mga ito at kahit tayo natutulog at walang ginagawa, patuloy ang mga ito sa kanilang mga likas na pagkilos.
Ang moving function, sa kabilang dako, ay kailangang lahat ay matutuhan---ang isang taon na bata ay nag-aaral tumayo at lumakad, magsulat, bumasa, magbisikleta at marami pa. Malaki ang pagkakaiba ng dalawang ito; ang instinctive ay minana, at ang moving ay pinag-aralan at natutuhan.
Sa pagmamatyag sa sarili, kailangang alamin kung saan nagmumula ang iyong mga pagkilos. Ilagay sa tamang pagmamasid kung anong pangkat nakapaloob ang ginagawang pagkilos. Ito ba ay intellectual function? Ito ba ay emotional function? Ito ba ay instinctive function? Ito ba ay moving function?
Pag-aralan ang mga ito:
Ako ay nagluluto. Ako ay nagagalit. Ako ay humihinga.
Ako ay giniginaw. Ako ay nag-aaral. Ako ay nanghihinayang.
May kanya-kanyang personalidad ang mga ito at kumakatawan sa ibat-ibang pangkat ng mga pagkilos. Kung wala kang nalalaman sa mga ito, sasabihin mo na ito’y nanggaling at sinadya mong inisip na ikaw ang may sanhi ng lahat. Kaya nga ‘ako’ ang ginagamit mo, subalit sa katotohanan, ibat-iba ang kumikilos dito at hindi ikaw. Sumusunod ka lamang ayon sa tinatanggap ng iyong isip mula sa iba’t-ibang pangkat ng mga ito mula sa iyong katawan.
Wala kang magagawa kapag inutusan ka ng iyong tiyan na nagugutom siya. Kapag inutusan ka ng bituka mong “Hoy magbawas ka naman at puno na kami dito!” Kahit nasa mahalaga kang pulong, iiwanan mo ito. Malaking kahihiyan ang mangyayari kapag pinilit mong ikaw ang masusunod. Huwag na nating pag-usapan pa ang lilikahain nitong alingasaw bilang parusa sa iyo. At kapag dumaing ang iyong mga tuhod sa matinding kapaguran, mapipilitan kang tumigil at magpahinga. Kung mapagmasid ka sa iyong sarili, sino ang mga nagpapasunod na ito sa iyong pagkatao?
Kung patuloy mong gagawin ang pagsasanay sa pagmamatyag sa iyong sarili, mapapansin mong may kakaibang nangyayaring mga bagay. Halimbawa: malalaman mong tunay na mahirap magmatyag dahil nalilimutan mo ito. Magsisimula kang magmatyag, at ang iyong emosyon ay masasangkot sa isang alaala at makakalimutan mong minamatyagan mo ang iyong sarili.
Sa pag-uulit, matapos ang ilang sandali, kung ipinagpatuloy mo ang pagmamatyag, isang bagong pagkilos na hindi mo ginagawa na dating paraan sa karaniwang buhay, mapapansin mo ang isa pang nakawiwili at mahalagang bagay---na sa pangkalahatan hindi mo natatandaan ang iyong sarili. Kung magagawa mong laging gising sa iyong sarili sa tuwina, ay magagawa mong matyagan ang iyong sarili sa lahat ng sandali, o sa madaling salita hangga’t ito’y nais mo. Sapagkat hindi mo natatandaan ang iyong sarili, hindi mo lubos na mapagtutuunan ito, at ito kung bakit, marami sa atin ang walang kakayahang (will) magpasiya.
Kung maa-alaala mo ang iyong sarili kung sino ka, magkakaroon ka ng kakayahan at magagawa mo ang anumang iyong naisin. Subalit hindi mo natatandaan kung sino ka, kaya nga wala kang kakayahan. Maaaring nagagawa mong maka-alaala at nakakaya mong may magawa, ngunit panandalian lamang ito, sapagkat may aagaw sa iyo ng pansin at malilimutan mo ang tungkol dito.
Ito ang sitwasyon o kalagayang ating nakakaharap, ang tunay na nangyayari sa ating pagkatao, ang kalagayan na kung saan maaari tayong magsimula ng pag-aaral sa sarili kung sino at ano ang tunay nating pagkatao. Magiging madali kung magpapatuloy tayo; na darating tayo sa huli na halos lahat mula sa simula ng pag-aaral na ito, ay kinakailangang mayroong tayong itama na mga kamalian at isaayos na mga pag-uugali na wala sa tamang direksiyon.
Nilikha tayo sa ganitong paraan na mabuhay na may apat na pangkat ng kamalayan o consciousness sa ating mga sarili, subalit dalawa lamang ang lagi nating ginagamit; ang isa, kapag tayo ay natutulog, at isa naman ay ang tinatawag nating ‘gising’ ----na ating masasabi sa pagkakataong ito na tayo ay nakapagsasalita, nakikinig, nagbabasa, nagsusulat at iba pa. Subalit ito’y dalawa lamang sa estado ng ating kamalayan o consciousness. Ang pangatlong state of consciousness ay ang pansariling-kamalayan o self-consciousness, at karamihan sa atin, kapag tinanong, ang kadalasang sagot ay; “Aba, gising at namamalayan ko ang lahat!”
Kailangan ang maraming paulit-ulit na pagkilos sa pansariling-pagmamatyag bago natin maunawaan nang ganap na tayo ay ‘walang malay’ sa mga nangyayari sa ating paligid. Kung mayroon man, ito ay napakaliit lamang sa tunay nating kakayahan.
Sa mahabang panahon, kailangang matyagan at piliting makita at maunawaan ang tungkol sa intellectual, emotional, instinctive, at moving functions. Mula dito madali mong malulunasan kung anong kalagayan ang iyong hinaharap sa pagkakaroon ng apat na uri ng kaisipan---hindi lamang ng isang isip bagkus apat na magkakaibang kaisipan. Bawa’t isa ay gumaganap ng kanya-kanyang tungkulin sa ating pagkatao. At bawat isa ay malaya at kumikilos ng hiwalay sa iba. May sariling memorya, may sariling imahinasyon, at may sariling kakayahan (will) sa kanyang pagkilos. Ang tungkulin natin ay pag-aralan ang mga ito at magawang pag-isahin nang naaayon sa ating mga kagustuhan tungo sa ating kaligayahan.
Ang kaalaman tungkol dito ay kapos at kinukulang. Makakayang malaman ngunit ang pagnanasa ay nagiging balakid, sapagkat bawat naisin ay kumakatawan sa magkakaibang kakayahan ng pagkilos. Ang tinatawag nating kapasiyahan o hangarin sa karaniwang kahulugan ay nagmumula sa mga paghahangad. At ang mga paghahangad na ito ay nagmumula sa ibat-ibang nangyayari sa ating pagkatao. Kung minsan ito ay kusang nagtatapos sa isang hangganan, sapagkat ang isang hangarin na naiba ng kaparaanan, at ang isa ay nasa ibang paraan naman, at magkakahiwalay, hindi tayo makapagpasiya kung ano ang susunod na gagawin. Nalilito tayo at nawawalan ng interes na magpatuloy. Ito ang laging nangyayari sa atin.
Kung nais nating maging matagumpay, kailangan pinagsasama ang mga ito upang maging ISA lamang.
Ang isip, puso, at kaluluwa, kapag pinagsanib ay malaki ang magagawa.
No comments:
Post a Comment