May isang kaharian noon na matatagpuan sa bukana ng ilog Pasig. Si Rajah Sulayman ng Maynila ang hari nito at kinalulugdan ng kanyang mga nasasakupan. Maging sa mga karatig na kaharian ay kilala ang kanyang katalinuhan, pagiging maunawain at makataong pamamalakad. Nagpagawa ito ng isang pangunahin at mahabang lansangan na bumabagtas sa kalagitnaan ng Maynila. Nang matapos ito, bago pasinayaan at buksan sa madla, ipinasiya ng Rajah na magdaos ng patimpalak sa kanyang mga nasasakupan. Inanyayahan niya ang lahat na nais makilahok sa paligsahang ito, kung sino ang makapaglalakbay nang masaya. Mabilis man o matagal, matulin man o mabagal ay maaari, hangga’t may maipapahayag na magandang karanasan. Ang patakaran lamang ay ang kumakatawan na “tatlong M” na Mahusay, Maginhawa, at Matiwasay ang naranasang paglalakbay. Isang supot na ginto ang gantimpala sa mananalong may pinakamagandang karanasan na maipapahayag sa madla.
Marami ang nagalak sa madali at simpleng patakarang ito. Dumagsa ang maraming kalahok mula sa iba’t-ibang antas ng buhay sa araw ng paligsahan. Maraming tao sa liwasan, may musikong bumbong na tumutugtog, may mga inihandang pagkain sa bawat sulok, may nagkakantahan at nagsasayawan. Anupa’t ang lahat ay masiglang-masigla sa araw na ito. May mga mayayaman na sakay ng kani-kanilang mamahaling karuwahe, mayroong mga magagarang kalesa at mga karitela na may mga naglalakihang kabayong mola. Naggagandahan din ang kanilang mga mamahaling damit at suot na dekorasyon. Mayroon naman na mga makukulay na karomata na hinihila ng malalaking bulugang baka. Ngunit kapansin-pansin ang mga dukhang kalahok, lalo na ang mga walang sapin sa paa at marurumi ang kasuutan. Maglalakad lamang ang mga ito dahil wala silang sasakyang magagamit. Pinagtatawan ang mga ito sa kanilang kapangahasan na makilahok at pumantay sa mayayaman. Hindi nila ito pinapansin, higit na nakahahalina sa kanila ang pabuyang isang supot ng ginto.
Tumindig si Rajah Sulayman mula sa kanyang luklukan at pumalakpak bilang hudyat. At kasabay nito ang pagtunog ng malaking gong na nakasabit sa gilid ng kalsada. Simbilis ng kidlat na kumaripas agad ng takbo ang mga kabayo at baka. Matulin ding nagsitakbo ang marami na gamit ang kanilang mga paa, ngunit iilan lamang ang naglakad. Maghapon ang ginawa nilang pagbagtas sa mahabang lansangan, subalit nang dumating sila sa dulo na takdang hangganan ng paligsahan, halos lahat ay naiinis at may reklamo. Tinutuligsa nila ang maraming tipak ng bato sa pinakagitna ng kahabaan ng daan. Nagkalat ang mga ito at humarang sa kanilang pagdaan. Kailangan pa nilang magdahan-dahan at lumiko upang maiwasan ang nakatumpok na mga bato. Ito ang nagpabagal sa kanilang paglalakbay na sana’y masaya, mapayapa, at matiwasay. Napapangiti lamang ang Rajah sa bawa’t karaingang naririnig niya sa mga kalahok.
Halos takipsilim na nang maaninag nila sa di-kalayuan ang sumusuray at pahinto-hintong paglakad ng huling kalahok. Matindi ang kanyang kapaguran, basang-basa ito sa pawis, marusing at nagpuputik ang damit, at sa maraming galos na kanang kamay nito ay may hawak na isang supot.
“Bakit ka natagalan, kaibigan?” Ang kagyat na usisa ni Rajah Sulayman, umuunawang nakatitig sa humihingal na lalaki.
Yumukod at nagbigay galang ito sa Rajah, “Pagpasensiyahan po ninyo ako, aking mahal na Rajah, subalit sa aking paglalakad nakita ko pong nakaharang sa gitna ng lansangan ang maraming tipak na bato. Nahirapan po ang marami na makaraan dito ng matiwasay. Kaya ipinasiya ko pong buhating isa-isa ang mga ito at itabi sa gilid ng lansangan. Ito po ang nagpatagal sa akin. At siyanga po pala, sa isang malaking bato na aking iniangat para buhatin mayroon po akong nakuha sa ilalim nito na isang supot. Nang akin pong buksan ay may laman itong mga salaping ginto. Ibinibigay ko po ito sa inyo ngayon para maisauli sa tunay na may-ari.” At nakayukong iniabot ng lalaki ang supot ng ginto sa Rajah.
Biglang pumalakpak ang nagagalak na Rajah at malakas na nagpahayag, “Para sa iyo iyan! Ikaw ang tunay na may-ari niyan!”
“Ay, hindi po! Hindi po sa akin ito... Sa buong buhay ko, hindi pa ako nagkaroon na kahit isa mang salaping ginto na katulad ng nasa supot na ito. Hindi po sa akin ang supot ng gintong ito, mahal na Rajah!” Ang pailing-iling na pagpapaliwanag ng lalaki, kasabay na iniaabot ang supot sa Rajah.
“Talagang para sa iyo iyan! Iyan ang iyong gantimpala sa pag-aalis mo ng mga bato sa gitna ng lansangan. Ako mismo ang naglagay niyan sa ilalim ng bato. At ang sinuman na makapag-aalis nang ikinalat at iniharang na mga bato sa lansangan ay magiging kanya ang supot na ginto.” Ang maliwanag na pahayag ng Rajah.
Malakas na palakpakan ang sumunod, lahat ay naunawaan at nagagalak sa naganap na pambihirang paligsahan. Pinupuri ang Rajah sa nangyaring pagsusulit na nagpakita ng mabuting pagkatao.
Masiglang nagpahayag muli si Rajah Sulayman, “At narito ang isa pang supot ng ginto para sa iyo. Ito’y sa pagwawagi mo naman sa paligsahan. Sapagkat nagampanan mo ng buong puso ang “tatlong M” para sa iba na makapaglakbay nang mahusay, mapayapa, at matiwasay. Ikaw lamang ang nakagawa na maging katotohanan ang mga ito. Isa kang magandang halimbawa sa iba, nagagawang mong maging kawiliwili ang kanilang paglalakbay.”
-------
Siya na naglalakbay sa lansangan nang may pang-unawa, ay nagagawang maging mahusay, mapayapa, at matiwasay ang lansangan para doon sa mga sumusunod sa hulihan.
Anumang salungat dito ay humahantong sa kaguluhan at kadalasang nagtatapos sa kapahamakan.
Ang mapagparaya ay gawaing dakila, sa katiwasayan ng lahat na maging mapayapa.
No comments:
Post a Comment