Saturday, June 04, 2011

Iniibig Kita



   Masarap ang umibig, lalo na kapag ang kapiling mo’y lubos ding umiibig sa iyo. Mistula kang lumalakad sa alapaap at kulay rosas lahat ang iyong paligid. Halos ang buong panahon mo ay nakatuon lamang kung papaano mo mapapaligaya ang iyong sinisinta. Sa buong maghapon at magdamag, kasama na ang pagpupuyat, laging siya ang laman ng iyong isipan. May mga pagkakataong hindi ka makakain, makatulog, laging nangangarap, nag-aalala, at hinahanap mo siya tuwina … ah, pag-ibig, ako’y alipin mo.

   Wika nga ng iba, “Nababaliw ka na!”  Baliw nga akong naturingan, ngunit hindi ko magagawang ikubli at sikilin ang sumisibol sa aking puso, dahil  . . . ikamamatay ko ito.

   Sino sa atin ang hindi nagawang umibig? Ang hindi marunong magmahal? Ang nagawang ipagsigawan at ipaglaban ang pag-ibig na ito? 

   Napakasarap maramdaman na mayroong nagmamahal sa iyo. Sapagkat ang pag-ibig ay siyang pinaka makapangyarihan na positibong emosyon na ating nararanasan. At lahat tayo’y nabubuhay sa pangunahing pangangailangan nito. At ito rin ang pangunahing emosyon na napakahirap maunawaan at maranasan ng marami sa atin.


   May mga taong kapansin-pansin na kinakapos at panis magmahal. Maramot silang ipahayag at malantad ang nilalaman ng kanilang puso. Sadyang napakahirap talaga na maipakita ang pagmamahal at pagmamalasakit sa mga taong hindi naman tayo napag-uukulan ng pagtingin at nararapat na atensiyon. Subalit patuloy ang buhay; at naisin man natin o hindi, kailangang maunawaan natin ng lubusan kung ano ang pag-ibig at kinababaliwan ito ng marami (pati ako). Dahil hindi lamang sumusuot ito sa kalaliman ng ating pagkatao bagkus isinasali maging lahat ng taong nakapaligid sa atin.

   Kahit na ating kapain at limiing mabuti ang kahulugan ng pag-ibig, walang sapat na kataga ang makakayang ipaliwanag ito ng lubusan. Mahirap na pakiramdaman at matumbasan ang emosyong ito na naghahari sa ating kalooban.  Papaano natin maipapaliwanag ang mga katagang, “Walang kahulilip na ligaya!” Dito pa lamang sa katagang,“kahulilip” papawisan na tayo. Dahil walang kawangis at hangganang kaligayahan ito.

Ah, pag-ibig, mahiwaga kang talaga. Lahat ng bagay ay nagagawa mong tunay at kamangha-mangha. 


Ngunit, bakit may nabibigo sa pag-ibig?

   Kadalasan, ang problema ay nag-uugat sa ating pakikibaka na maipakita ang ating damdamin sa mga taong walang pakiramdam, laging sinusuyo, at nananatiling tuod at walang buhay. Katulad sila ng pako, kinakalilangang pukpukin upang bumaon.

   Sila ang laging nakaabang, mapaghanap, at mapanuri sa kahalagahan ng iyong pagmamahal. Nakaligtaan nila na ang pag-ibig ay katulad ng mga anghel  na may tigisang pakpak at nakalilipad lamang kung magkayakap. Nakalimutan din nila na ang pagmamahalan ay tulad ng isang hardin, na kailangang bantayan, diligan, arugain, at pagyamanin sa tuwi-tuwina. Tatlong personalidad ang kailangang mabuo at magsanib sa pagsasama; ikaw, siya, at ang relasyon.

   Ang buhay ay isang mahabang serye ng magkakasanib at pinaghalong tama at mali, kabatiran at kamangmangan. Kailangan lamang na pahalagahan natin ito, suriin at isaayos.

   Alamin natin ang masalimoot na kalikasan ng pagmamahalan sa isa’t-isa, ang masiglang pagsasama at pagniniig ng dalawang tao na may magkakaibang personalidad at mga katangian, subalit nagagawang pagsaniban ang kanilang mga kaluluwa na maging isa lamang tungo sa  nakalulugod na pagtitinginan. 

   Kung kinakapos sa kabatirang ito, ang pagsasama ay laging pangingibabawan ng pagkamuhi, mga bagabag, kalungkutan, at mga kapighatian sa patuloy na pasakit sa isa’t-isa, dahil sa kamangmangan. Ngunit huwag mabahala, ang kapasiyahan ay nananatili pa ring nasa atin . . . kung itatama lamang natin ito.

   Kadalasan, tinatanong natin ang ating mga sarili, “Saan ako nagkamali? Hindi pa ba sapat ang uri ng pagmamahal na ipinadadama ko? Kailangan pa bang ang trato o pakikiharap ko sa kanila ay magkakatulad? Ano ang aking responsibilidad doon sa mga taong napakahirap pakisamahan at mahalin?

   Ano nga ba ang kapangyarihan ng pag-ibig? Ah, sadyang mahiwaga ka. Laging nalalasing ako sa iyo.

Ano ang pagibig? Isang napakahirap na katanungan para sa sangkatauhan. Libu-libong mga taon na ang mga nagdaan, mga umusbong na mga relasyon at gayundin ang pag-ibig. Subalit walang isa man ang makapagbigay ng nararapat na kahulugan nito. Sa iba, ang pag-ibig ay pakikipag-kaibigan na pinag-alab ng puso tungo sa iba. Maaaring ang pag-ibig ay pagiging mapalad at may basbas ng pagmamahal. Kinakailangang pakaliripin mo itong tunay, hukayin ang lalim nito sa iyong puso, at pakiramdaman. Upang matalos mong ganap ang walang kamatayang pagsibol nito, kung ikaw ay tunay na nagmamahal. Ikaw lamang, mula sa iyo ang may karapatang ipaliwanag ito ng ganap. Ayon sa iyong nararanasang, "Walang kahulilip na kaligayahan!"

   Ang Pag-ibig ay mapagparaya at maunawain. Wala itong bahid ng panibugho, walang pagyayabang at haplit ng pagmamataas. Nagbubunyi ito laban sa kabuktutan at nangunguna sa pagtuklas ng katotohanan. Tagapagtanggol, tagapag-ingat at umaasa sa positibong pananaw ng buhay. Matibay, matatag, walang sawa at pagkupas na nagmamahal. Laging nakatuon sa magagawang tungkuling magpaligaya sa iba. May masidhing pananalig na liligaya lamang tuluyan kapag ang iniibig ay tunay na maligaya.

Marami ang kahulugan ng pag-ibig. Sa aking pagsasaliksik, nahahati ito sa tatlong mga kataga na galing pa sa mga Greyego o  Greek words.

Philia  --ipinapaliwanag nito ang uri ng pagmamahal at paghanga na mayroon tayo sa isang kaibigan, artista o mga kinalulugdan. Paimbabaw at pansamantala lamang. Sa maikling panahon ay lilipas at kusang mawawala na sa damdamin.
Eros  --ginagamit sa romantikong pagmamahal at inilalaan sa iyong sinisinta o kabiyak ng puso. Isa itong maalab at patuloy na walang hangganang pagmamahal. Puso sa puso, sa hirap at ginhawa ay magkasama habang-buhay.
Agape  --tumutukoy sa may sakripisyong pagmamahal, ang pinakadakilang pagpapahayag ng iyong walang kahatulang pagmamahal. Kaakibat nito ang pagmamalasakit at pagpaparaya. Isang pagmamahal na iginagawad sa pamilya o kaanak; ina sa anak, kapatid sa kapatid, at anak sa ama. Ginagamit ding batayan ito sa relihiyon at mataos na pananalig na walang hanggan.

   Sa iba’t-ibang kultura at bansa, may kanya-kanyang natatanging kahulugan ang pag-ibig, subalit lahat ay nagkakaisa na ang pag-big ay tumutugon lamang sa pangunahing dahilan; ang katuparan ng pangako sa minamahal para sa kanyang kaluguran, kaligayahan, seguridad, at kaganapan. Sa madaling salita nais natin  ang ating kapiling kung sino man siya; na maging matiwasay, maging kaibig-ibig, at matutuhan na sa pagmamahalan lamang nakasalalay ang lahat ng kaganapang umiikot sa ating buhay.

Anumang natututuhan ay magagawang hindi matutuhan at muling matutuhan.


Pangunahing mga Kailangan sa Relasyon     Nagwawasak at Kumikitil ng Pagmamahalan
Komunikasyon /pag-uusap                              -Kawalan ng komunikasyon/pag-uusap
Pagtatangi                                                       -hindi matapat, kabilanin o taksil
Pagmamalasakit                                             -panibugho at mainggitin
Pagpaparaya                                                  -kawalan ng pagtitiwala
Pagpapatawad                                                - masyadong perpekto at hindi mabali ang salita
Pagpapatawa                                                  -kawalan ng pang-unawa at pagpaparaya
Romansa                                                        -kawalan ng respeto o paggalang                           
Pasensiya                                                       -manhid, panis at walang damdamin
Kalayaan                                                        -makasarili, naaayon lahat sa kanyang kagustuhan
Responsibilidad                                               paborito ang mantrang “My way or the highway!”


   Papaano maipapaliwanag ang tunay na Pag-ibig? Ang uri ng relasyon na batbat ng pagmamahalan?

   Hindi ba ito ang iyong hinahanap sa iyong magiging kasama sa habang-buhay? Ang magiging ama o ina ng iyong magiging mga anak? Kung baluktot ang taong ito, tiyak baluktot din ang iyong magiging anak. May katotohanan ba ito?

   Kung gayon, papaano natin mahahanap o matatagpuan man lamang yaong mayroong tunay at dalisay na pagkatao na nagtataglay ng ganitong uri ng pagmamahal?

   Marami na akong napagtanungan tungkol dito, at karamihan ay hindi masagot ng tuwiran. At dahil wala silang kabatiran tungkol dito; marami sa kanila ang napapariwara, nakikipaghiwalay, at nananatili sa magulo at mapighating pagsasama. Kung minsan pa’y humahantong sa kamatayan mula sa mapang-abusong kasintahan o asawa. Kinakailangan pa bang mangyari ito sa iyo, gayong ang kapasiyahan ay hawak mo? Hindi magaganap ang isang pangyayari o pagsasama nang wala kang partisipasyon o kagustuhan. Kung may nakatutok na baril, o ripleng de-sabog, ay iba ng usapan ito. Labag na ito sa iyong karapatang pantao, at higit pa, ang iyong karapatan na umibig, mag-asawa, at magtatag ng isang ulirang mag-anak.

Mahiwagang Relasyon

Bagay na hindi mo alam, huwag mong pasukan.
Dahil ang kaning mainit kapag isinubo, iluluwa kapag napaso.
Na ang pag-aasawa ay hindi gawang biro, kung walang nalalaman ay laging tuliro.

Kung walang kabatiran, laging nagsusubukan, matira ang matibay ang laging katwiran.
Kawangis ng damit na pinapalit-palitan, kapag hindi kasukat ay iniiwan.
Bangayan dito, alimura doon, ito ang naghahari sa maghapon.

Nananangis, tumataghoy, at tigmak sa luhang humahagulgol.
Kaya nga; kung walang katiyakan, huwag paghimasukan.
Sapagkat itong Pag-ibig, ay mahiwagang pagmamahalan.


Sa Aking Pananaw, Ito ang mga Kailangang Tupdin:

Maging Maunawain
Ang nagmamahalan ay isang kapasiyahan tungkol sa pagiging isa at magkatulong sa anumang kaganapan. Kaya nga ang inilapat na taguri ay kabiyak, dahil kapag wala ang isa sa dalawa, hindi mabubuo ang pagkatao ng isa. Kapag tunay at wagas ang pagmamahal, maging ang kapangitan o kapintasan ay walang halaga at ginagawang itong tuntungan upang lalong tumibay ang pagsasama. Laging tinutuklas ang mga kaparaanan upang malunasan ang mga namumuong alitan, tampuhan, at mga pananadyang pasakit. Maluwag sa pusong tinatanggap ang tunay na pagkatao ng minamahal ng walang anumang mga pasakit ng pakikialam, pamumuna o pamimintas, at mga makasariling paghatol.

Maging Matiwala
Ang nagmamahalan ay kung saan ang dalawang tao ay nananatiling may tiwala sa isa’t-isa nang walang anumang ligalig o sapantaha, hanggang tuluyang magkakilala at magkaunawaan, nakatitiyak na walang lamangan o pagmamalabis. Walang nagsasamantala at maging nagpapabaya. Patuloy ang ibayong komunikasyon, pagbibigayan, pagpaparaya, pagmamalasakit , at marubdob na pagtitinginan

Maging Matapat
Ang nagmamahalan ay lubos ang katapatan sa isa’t-isa nang walang anumang pangamba. Mapayapa at maligaya ang pagsasama at walang takot na mahatulan ang bawat isa. Nababatid at nakatitiyak ang isa’t-isa na sila’y matalik na magkaibigan at anumang mangyari ay laging matatag at matibay na magkasama sa anumang pagsubok na haharapin.

Maging Masinop
Ang nagmamahalan ay nakahandang mag-ingat, mag-aruga, at magpayabong sa pagsasama. Nakalaan ang bawa’t isa na maunawaan at tangggapin ang kanilang pagkakaiba at sumasang-ayon na pagsaluhan anumang bagay sa ikagaganda, ikauunlad, at ikaliligaya ng bawa’t isa.

Maging Maparaya
Ang pagmamahalan ay hindi nasusukat ng panahon, bagkus ito’y nasa mataas na antas ng pagmamalasakit. Masigla, buhay na buhay at nagpapalitan ng mga naiisip, nararamdaman, at nararanasan. Nagtatatag ng isang kaaya-ayang kapaligiran na kung saan ang pag-ibig lamang ang tunay na naghahari.

 Maging Maligaya
Ang nagmamahalan ay kinapapalooban ng patuloy na kasiglahan, kagalakan, tawanan, katiwasayan, at batbat ng kaligayahan. 

   Mayroong nagpupumiglas na kaligayahan sa bawa’t pagsasama.  Lahat tayo’y may pagpapala nito. Bawa’t lalaki o babae, bago at luma, bata o matanda, tama o mali, mabuti o masama, nakalaan ang pagsasanib sa pagitan ng pagkatakot at pag-ibig.

Ooops, napahaba na naman ang ating pagniniig. Kapag pag-ibig ang paksa, madalas nalilimutan ko ang lahat ng sandali. Sa susunod muli . . .

Pag-ibig sa Inang-Bayan

Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
sa pagka-dalisay at pagka-dakila
gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa?
Alin pag-ibig pa? Wala na nga, wala.-
                                             -Gat Andres Bonifacio

   -------Talahuluganan, n. glossary
 Ang mga katagang narito ay mula sa paksang nasa itaas. Ito'y para sa mga nagnanais na mabalikan ang nakalimutang mga salita at maunawaang lubos, at maging doon sa mga may nais makatiyak sa tunay na kahulugan at angkop sa pangyayari o pagkakataon, upang mapalawak ang kanilang paggamit ng ating wikang Pilipino.  


lubos, wagas, taal, likas, adj. total, authentic, genuine, natural
mistula, kawangis, katulad, kaparis, kawangki, katumbas adj. similar, alike, n. equivalent
alapaap, ulap, langit, himpapawid, papawirin n. cloud, sky, skyline, space above
sinta, irog, giliw, mahal, n. loved one, honey, dear, sweetie
alipin, tagasunod n. slave, follower
ikubli, itago, iligpit v. to cover out of sight, to keep safe
sikilin, pigilin, hintuin, tigilin v. to control, suspend, stop, hold,  
panis, bahaw adj. stale and spoiled food
maramot, madamot, adj. stingy, penurious, miserable hoarder
malantad, ilitaw v.  to expose, to show
limiin,magnilay, liripin, suriin v. to contemplate, analyze, verify
kahulilip, walang pagsidlan adj. without peer, unequal, unmatched
kamangha-mangha, kagila-gilalas  v. amazing, astonishing, wondering
mapanuri, kumikilatis adj. one who engages often in analysis, evaluation, and criticism
diligin, tubigan v. to water, to sprinkle with water,
arugain, kupkupin v. to nurture, nourish, foster
pagyamanin, paunlarin, payabungin v. to develop, succeed, grow
sanib, sama, bigkis v. join, together, unite,
mahiwaga, hindi maipaliwanag adj. mysterious
matiwasay, mapayapa adj.  without disturbance, calm, peaceful
lugod, n. delight, pleasure
kaluguran, kasiyahan n. satisfaction, merriment
panibugho, n. jealousy, spite
mataos, taimtim, masidhing damadamin n. devotion, dedication, religious fervor, piety, overwhelming desire
nakasalalay, v. depend, hanging, to be based, determined, relied
umiikot,  v. circling, in cycles
batbat, punong-puno adj. filled, overflowed, covered
napariwara, napahamak, nanganib v. exposed to danger, jeopardized, imperiled
isinubo, ipinasok sa bibig v. placed inside the mouth
nilunok, v. swallowed
napaso, v. burned, scalded, scorched
tuliro, walang masulingan n. confused, deranged
bangayan, talakan, taltalan n. quarrel, unworthy argumentation  without conclusion
alimura, alipusta, panlalait, tungayaw adj. despised, scorned, insult, indignity, slanderous remark
nananangis, v. persistent grieving accompanied with heavy weeping
tumataghoy, v. lamentation with howled weeping
tigmak, babad,  adj. soaked, wet
humahagulgol, v. grievious lamentation and unrestrained noisy weeping
panibugho, n. jealousy, spite
mainggitin, mapanaghili n. envious, emulous
taguri, palayaw, palasak n. nickname, alias, common name appellation
ligalig, balisa, bagabag adj. disturbance, uncomfortable, anxiety, worriness
sapantaha, hinala, suspetsa n. assumption, inkling, suspicion
pagpaparaya, pagpapaunlak, pagbibigay, n. tolerance, yield,  give way
pagpapatawad, n. forgiveness
pagmamalasakit, n. with utmost care and concern
pagtatangi, pagkagiliw, pagsinta, pag-irog n. loving, affection, fondness
matalik, adj. intimate, closed
antas, katayuan, kalagayan n. status, condition, situation
pagniniig, pag-uulayaw, pagsisiping n. intimacy, copulation




No comments:

Post a Comment