Friday, June 17, 2011

Patibong ng Daga



   Naalimpungatan ang dagang bahay sa kalantog ng binuksang pinto, dumating na ang magsasaka na nanggaling pa sa bayan. Pupungas-pungas na sinilip niya ito sa siwang ng tabla mula sa kanyang lungga. “Ano kayang bagong pagkain ang inuwi niya ngayon, tamang-tama ito at kumakalam na ang sikmura ko.“ Ang usal nito sa sarili.  Laking gulat ang bumulaga sa kanya nang buksan ang kahon na dala ng magsasaka, at ilabas mula dito ang isang patibong ng daga.

Nangalog ang tuhod at sinigilahan ng matinding takot ang daga. Tandang-tanda pa niya na ganitong patibong ang nakahuli at pumatay sa kanyang kaibigang daga, nang magtungo sila sa kapitbahay sa paghahanap ng makakain. Mabilis itong lumabas ng bahay at nagtungo sa kuwadra ng mga hayop. Habang tumatakbo ay sumisigaw, “May patibong ng daga sa bahay! . . . May patibong ng daga sa bahay!”

   Naisip niyang puntahan si inahin, ang manok na minsan ay natulungan niya na itaboy ang ahas na kakain sana sa mga sisiw nito. “Manok, Manok, may patibong ng daga sa bahay,! May patibong ng daga sa bahay, tulungan mo naman ako!” Ang pagsusumamong daing ni Daga sa kaibigan.

   Biglang pumutak ang manok at kumahig pa ito sa lupa, “Bah, ginoong daga, umagang-umaga’y binubuwisit mo ako. Wala akong kinalaman diyan. Para sa iyo iyan, huwag mo akong isali at ako’y abala. Umalis ka nga sa daraanan ko!”

   Nanlulumong napamaang ang daga sa narinig kay Manok, laglag ang balikat at nangingilid sa luhang nagtungo ito kay Baboy. Natulungan niya ito noon na makaalis sa pagkakasabit sa baging. Paulit-ulit na kinagat niya ang baging hanggang sa maputol at makalaya si Baboy.

   “Sa palagay ko, hindi ako mapapabayaan ni Baboy, kailangan ko ngayon ang tulong niya,” bulong nito at paniniyak sa sarili habang pinapahid ang tumutulong luha.

   Malakas siyang sumigaw, “Baboy, may patibong ng daga sa bahay! . . . Baboy, may patibong ng daga sa bahay! Para mo ng awa, tulungan mo ako!” ang matindi nitong pakikiusap pagbungad pa lamang sa tarangkahan ni Baboy.

“Anooo? Anong saysay niyan sa akin! Tahimik akong natutulog dito, bibigyan mo ng problema. Lumayo ka nga diyan at huwag mo akong abalahin sa pagtulog.Wala akong magagawa para sa iyo. Alis diyan! ” Ang pagngi-ngitngit na pahayag ni Baboy na sinabayan ng paghikab at pagpikit ng mga mata at nagkunwaring natutulog.

   Nakayukod ang ulo at lulugo-lugong lumisan si Daga. Umiiyak na ito ngayon at walang masulingan kung sino ang makatutulong sa kanya. Nakasulmok sa isang sulok nang maalaala niya si Baka, ang kanyang kaibigan. Tinulungan din niya ito nang bunutin niya ang tinik na nakatusok sa paa ni Baka. Matagal ding nagpahirap ang tinik na ito kay Baka, at nang mahugot niya ay nangakong, "Kung may problema ka Daga, puntahan mo agad ako, at tutulungan kita."

  Nabuhayan ng loob si Daga nang maalaala ang pangako ni Baka. Masiglang tumakbo at matuling
pinuntahan ang pastulan ni Baka. 

 “Baka, Baka, may patibong ng daga sa bahay! . . . May patibong ng daga sa bahay! Ako naman ang tulungan mo ngayon. Kailangang kailangan kita. Ikaw na lamang ang aking pag-asa!”  Nanganganib ang buhay ko, tulungan mo naman ako.” Ang mga pagibik nito nang makapasok sa kural ni Baka.

“Tsk, tsk, tsk . . . Ikinalulungkot ko kaibigan, hindi ko iyan problema. Ikaw ang nasa bahay, harapin mo iyang mag-isa. Wala akong pakialam diyan. Ipagdarasal na lamang kita na makaiwas sa patibong.” Ang malakas na unga ni Baka habang patuloy na ngumunguya ng damo at hindi man lamang tinignan si Daga kahit minsan.

   Napahagulgol si Daga, hindi niya sukat-akalain na ipagtatabuyan siya ni Baka. Lugaming umalis at mistulang wala sa sarili, nang bumalik sa lungga niya sa bahay. Kailangang harapin niyang mag-isa ang patibong na inumang sa kanya. Naghihimagsik ang kanyang loob sa naranasang pagtataboy sa kanya ng mga naturingang kaibigan.
   Kinagabihan, isang malaking kalantog ang narinig sa buong kabahayan, mabilis na bumangon ang maybahay ng magsasaka at inalam kung nahuli si Daga. Ngunit ahas pala, at naipit ang buntot nito sa patibong. Huli na ang ginawang pag-iwas ng maybahay, natuklaw agad siya ng galit na galit na ahas.
  Dagliang itinakbo ng magsasaka ang asawa sa ospital sa bayan. Matapos lapatan ng gamot ay inuwi niya ito sa bahay, ngunit patuloy pa ring nilalagnat. Upang mapabilis ang paggaling ng kanyang asawa, nagtungo ang magsasaka sa kuwadra na dala ang itak at hinuli si Manok. Kinatay at nagluto ng sopas na manok upang maibsan ang lagnat ng asawa. Katulad ng nakagawian ng kanilang angkan; kapag may lagnat, sopas na manok ang panglunas.
   Subalit nagpatuloy ang paglubha ng maybahay. Tulad ng inaasahan sa kanilang nayon, maraming kapitbahay ang dumamay at nagpapalitan sa pagbabantay sa maysakit sa buong maghapon at sumunod na mga araw. Dahil sa pagdami ng tao, napilitan ang magsasaka ng katayin si Baboy upang may maipakain sa mga tumutulong sa kanya.
   Ngunit nawalan ng kabuluhan itong lahat, nagpatuloy ang paglubha ng kanyang maybahay at binawian ito ng buhay. Nang iburol ito, lalong dumami ang mga tao na nakiramay, pati ang kanilang mga kaanak ay dumating. Kinapos ang inihandang mga pagkain, at nagpasiya ang magsasaka ng katayin na rin si Baka upang magkaroon ng sapat na pagkain ang mga nakikiramay.
   Lahat ng kaganapang ito ay nasaksihang nang tumatangis na si Daga mula sa siwang na tabla ng kanyang lungga. “Kung tinulungan lamang nila ako, disin sana’y hindi ito nangyari sa kanilang mga buhay.” Ang paninising paulit-ulit nitong inuusal sa sarili.
                             "Kung tinulungan lamang nila ako . . . "
__________
   Nagaganap at kadalasang nangyayari ito sa atin. Lalo na doon sa mga nasabing kaibigan, mga kaanak, at malalapit sa atin. Sa mga panahon ng pangangailangan ay tila mga bulang naglalaho, kapag nahihingan ng tulong at pagdamay. Maraming mga kadahilanan, mga pangangatwiran, at pagtatakip upang mawalan ka ng pag-asa sa kanilang paglingap. Sa halip na unawain ka sa iyong mahapding kalagayan mga pagsumbat pa ang ipupukol sa iyo.
   Sa mga panahon ng kagipitan ay tuluyan mo silang makikilala. Kawangis ng isang bahay na nagliliyab, kaysa  puksain at ampatin ang apoy na nagaganap sa iyo, ay nakapaling sa iba ang kanilang mga tingin. Ni minsan ay hindi sumagi sa kanilang isipan na ang sunog sa kapitbahay kapag hindi naagapan ay madadamay ang kanilang mga sariling kabahayan. Na ang kirot ng kalingkingan ay hapdi ng buong katawan. Ang kapariwaraan ng isa ay kapariwaraan ng marami. Walang sinuman ang makakaiwas sa sakunang kinahaharap ng isa na hindi magaganap ang ganitong pangyayari sa kanilang buhay sa hinaharap. Walang nabuhay na nag-iisa sa mundong ito. Lahat tayo ay magkakatawing, dikit-dikit,  at magkakasama sa bawa’t sandali. Sa bawa't paggalaw ng hangin, humahaplit ito sa atin gaano man ang ating pag-iwas. Pumapasok ito at nagiging hininga natin at patuloy na naglalabas-masok sa ating lahat, walang itinatangi bilang ISA tayong lahat. Ang hininga na dumaan sa ilong ng ating mga ninuno ay siya ring hininga na ating ginagamit sa ngayon, at magiging hininga ng sumusunod pang mga henerasyon, kahit saan mang panig ng mundo.
  Sa isang lubid, ang itinitibay nito ay ang maraming sinulid na pumalupot sa isa’t-isa at nagbigkis sa kanila upang lumaki at maging matibay. Kung wala ang ganitong pagkakabigkis, mistula kang yagit na aanurin ng rumaragasang tubig tungo sa iyong katapusan.

Talahuluganan, n. glossary  
Ang mga katagang narito ay mula sa paksang nasa itaas. Ito'y para sa mga nagnanais na mabalikan ang nakalimutang mga salita at maunawaang lubos, at maging doon sa mga may nais makatiyak sa tunay na kahulugan at angkop sa pangyayari o pagkakataon, upang mapalawak ang kanilang paggamit ng ating wikang Pilipino.

Naniniwala tayo na ang talahulugunan ay kailangang tayo ang sumulat.
patibong sa daga, n. mousetrap
naalimpungatan, v. suddenly awakened
pupungas-pungas, v. wiping face after awakened
sinilip,v. peeped, peered through a crevice, hole, small opening
kumakalam, v. piercing hungry spasm
sikmura, n. belly, abdomen
    kaiba kaysa; tiyan, n. stomach
sinigilahan,v. extreme feeling of fear
ngalog, nginig n. shaking, trembling of knees
tandang-tanda, v. remembering, recollecting
patibong, bitag, panghuli n. trap, device for catching
kuwadra, n. farmhouse
tarangkahan, babuyan n. pigpen, piggery
pumutak, v.  clucked
kumahig, v. scratched
yukod, v. bow
lulugo-lugo, adj. deep sadness
ngitngit, inis n. fury, irritation
kural, kulungan n. corral, livestock pen or enclosure
lugami, talunan, lupaypay adj. frustrate, give up, prostrate, weak
tinik, n. thorn
tusok, n. prick
pagibik, paghibik, hibik n. lamentation, expressing grief
nguya, ngata n. chew, gnaw with the teeth
maybahay, n. wife
natuklaw, v. bitten by snake
sukat-akalain, walang hinala n. without a doubt, assumption
itak, kampit, mahabang sundang n. bolo, machete, long knife
burol, n. funeral, vigil for a dead person
anpat, ampat n. ending the fire, hemorrhage
magkakatawing, magkakabit, magkakatali  v. placed, sewn, tied together,
yagit, n. rubbish, rug


No comments:

Post a Comment