Marami ding uri ng trabaho ang aking pinasok, karaniwang manggagawa, supervisor, manager, entrepreneur . . . mula sa mababa hanggang sa pataas, at nasa iyo na lamang kung ito’y mahihigitan mo pa. Mula sa ating bansa, sa Gitnang Silangan, sa Aprika, at maging sa Amerika. Maraming uri at antas ng tao ang aking nakahalubilo. At di-gawang biro ang mga relasyon at panahong aking ginugol upang magtagumpay sa bawat kabanata ng mga gawaing ito.
Kailangan mo ng maraming pang-unawa, pakikisama, pagmamalasakit, kababaang loob, at higit sa lahat ang pagiging totoo sa lahat ng bagay. Ito’y kung nais mong makuha ang kanilang pagtitiwala, magkatulungan, at maging matiwasay ang lahat sa ikakatagumpay ng inyong gawain.
Napansin at sadyang tinutukan ko ang mga pangyayaring ito;
Kung nais mong umupa ng mga manggagawa para sa isang gawain, ang una mong hakbang ay humanap ng mga taong may karanasan, sanay, at tunay na nalalaman ang kanilang ginawa. At kung ang kukunin mo naman ay mga taong ang nais moy sumunod lamang, ito ang iyong makukuha at sadyang makakasama. Subalit higit na magastos ito kung ang pakay mo’y mapababa ang mga gastusin at mapabilis ang trabaho.
Sapagkat sa hanay nito (pagiging mababaw), narito ang mga pukpukin na kinakailangang binabantayan at pinaliliwanagan sa lahat ng sandali. Ang ganitong uri ng mga manggagawa ay sanay na laging may nag-uutos, hindi makagawang mag-isa, mapanaghili, inoorasan, inaabuso, pinagsasamantalahan, at laging tinuturuan. Sila ang nasa mababang antas ng mga manggagawa at napakarami nila. Madali silang makuha at pakisamahan, sapagkat mababaw ang kanilang kaligayahan sa buhay. Sa kaunting saya, bumibigay kaagad sila. Sa kaunting inuming nakalalasing, pati buhay ay iniaalay nang walang pag-aalinlangan. Sa kaunting mga pangako, umaasa na sa buong buhay. Kaya marami sa kanila ang napapariwara at nananatiling mahirap sa maraming henerasyon.
Katapat naman nito (pagiging malalim); mahuhusay, magagaling, at huwaran sa kanilang mga gawain. Propesyonal at eksperto sa kanilang mga larangan. Ngunit iilan lamang sila at laging abala sa dami ng nangangailangan sa kanila. Masasabing mapalad ka kapag nakuha mo ang kanilang paglilingkod.
Kung nais mong magkaroong ng matatag at matagumpay na organisasyon o kumpanya, kailangang palibutan mo ito ng ganitong uri na mga tunay na manggagawa. Sila ang makagagawa at makapagbabago ng lahat. Sapagkat nakatanim na sa kanilang kabatiran ang paggawa ng mga pambihira at makabuluhang mga gawain. Nasa mga taong may mataas na pagpapahalaga sa kanilang mga gawain lamang masusumpungan ang tagumpay sa anumang proyektong iyong gagawin. At hindi mula sa mga manggagawa na maraming alam ngunit walang nalalaman.
Halimbawa: Sa ating bayan, kung uupa ka ng karaniwang karpintero; kawangis ng isang pagsusulit, dadaan ka sa maraming kasunduan. Kung arawan: kasalukuyang bayaran, oras ng pagpasok at pag-uwi, meryenda sa umaga, pananghalian, at meryenda sa hapon. Kung walang meryenda at pagkain, dagdagan ang sahod sa araw. Kung pakyawan naman, nasa bayaran ang maggiging kasunduan.
Maganda sana ito, subalit maraming uri ang karpintero, may totoo, may huwad, may sinungaling at may mandaraya, may masipag, at may padaskol kung gumawa. Lahat ay maaaring ilakip o itawag para dito. Kailangan lamang nalalaman mo ang pagiging mababaw at malalim ng mga ito, kung hindi, nagastusan ka na, may naiwan pa sa iyong walang kwentang pagkakagawa, o ang taguri kong “trabahong paa.”
Kaya nga, bago mag-umpisa sa unang araw, ipinalalabas ko sa mga karpintero ang mga kagamitan nila at iniisa-isa kong sinusubukan. Kapag dumasplis ang talim ng katam sa kuko ng aking hinlalaki, binibigyan ko ng pamasahe at pinauuwi na ang karpintero. Sapagkat wala itong gagawin kundi ang maghasa ng katam at lagari niya sa maraming sandali. Mayroon namang masipag na maaga pa’y nasa trabaho na at dapithapon na kung matapos, lagari dito at putol doon sa kahoy o tabla, ngunit kapag binuo laging wala sa sukat at malaki ang puwang sa dugtungan. Sinasayang lamang ang mga kahoy at tabla. Mayroon namang pumapasok na nahuhuli sa takdang oras, mabilis na magsusukat, maglalagari, putol din dito at putol doon. Itatambak lahat ito sa isang panig, magpapahinga, at maya-maya’y sisimulang bubuin ang mga pinutol. Lahat ay nakalapat at nasa tamang sukat. Kaya magkaiba ang masipag at matalino, efficient versus effective, sa pagitan ng marunong at marunong daw.
Sa isang guro o titser, madali ang magturo kapag masunuring lahat ang mga bata o pupilo nito. Sumunod muna, saka mag-isip, subalit ito ba ang nararapat? Ang palasunod o laging inuutusan? Kung ganito ang panuntunan, hindi katakataka na ang ating lipunan ay mabansagang “Maid in the Philippines” sa halip na “Made in the Philippines” sapagkat itinali tayo ng 300 daang taong pamamalakad ng Espanya at 50 taong pangangasiwa ng Amerika sa ganitong gawain. Pati na ang pagsusuot ng nakalabas ang kamiseta at hindi nakapaloob bilang tanda ng pagiging katulong. Kung saan dito hinango ang barong-Tagalog, at siya namang nagpaalab ng paghihimagsik ng mga Katagalugan. Sino ang magagalak kung ang pagturing sa iyo ay pagiging busabos sa tuwina?
Ang balintuna dito, madaling pakisamahan, bolahin, patawanin, utuin, sulsulan, at bilhin ang mga ganitong uri ng tao sa ating lipunan. “Mababaw ang kanilang kaligayahan” at ito’y madaling mapatunayan sa panahon ng halalan kung saan ipinagbibili nila ang mga sagradong karapatan sa mga sakim at huwad na mga pinuno ng bayan. At kapag dumanas ng ibayong kahirapan ay sinisisi ang lahat maliban sa kanilang mga sarili. Gayong sila mismo ang lumilikha ng kanilang kapighatian. Ang uri ng ating pamahalaan ay batay lamang sa uri ng mamamayang pinamamahalaan. Nagpapatuloy lamang ang mga kalagiman at mga kabuktutan sa isang lipunan, kapag wala ng natitirang may mabubuting kalooban sa mga mamamayan nito. Ito ang mapait na katotohanan.
Ngayon, kung may pagpapahalaga ka sa iyong sarili, sino sa dalawang uri (mababaw o malalim) na ito ang nais mong makahanay o mapabilang? Ang ilog na mababaw ay maingay, at ang ilog na tahimik ay malalim. Sabihin mo sa akin kung sino ang mga kaibigan mo, at sasabihin ko sa iyo kung sino ka.
Mababaw na kaligayahan, ang kapalit ay kasawian.
No comments:
Post a Comment