Sunday, June 05, 2011

Kayamanan, Tagumpay, at Pag-ibig



   Madasalin ang butihing ina, masipag ang huwarang ama, at masunurin ang matalinong anak, nagtutulungan at kumikita kahit papaano at  nakakaraos sa araw-araw. Masasabing malaki ang pagkakataon na umunlad ang mag-anak sa kanilang pagtutulungan sa kanilang ikinabubuhay. Subalit tulad ng dati, nananatili pa rin sila sa karalitaan at walang ipinagbabagong anuman.

   Pinagkakasyang pilit sa mga gastusin ang kinikita ni Mang Gusting sa kanyang maliit na talyer. Si Aling Tinay naman ay tumatanggap ng mga tahiin bilang karagdagang kita sa pagiging modista nito. Si Lilia, ang kanilang kaisaisang anak na dalagita ay kasalukuyan pang nag-aaral at magtatapos na sa mataas na paaralan, ay tumutulong naman sa mga gawaing bahay. Sa kalagayan nilang ito; sakbibi pa rin sila ng pangamba, kung papaano paghahandaan ang nalalapit na pasukan sa kolehiyo sa susunod na buwan, at nangangailangan ang mag-anak ng sapat na halaga para dito.

   Takipsilim noon, nang may kumatok sa kanilang pintuan, “Tao po, tao po.” Ang dalawang ulit na pakilala na narinig ng mag-anak sa labas ng pintuan sa ibaba ng bahay. Mabilis na tumanaw sa durungawan si Aling Tinay at inalam kung sino ang kanilang panauhin. Laking gulat niya nang mabungaran ang tatlong lalaki na nakasuot sinauna at mahahaba ang balbas. Sa kanilang mga anyo, makikita sa kanilang mga kasuutan na sila’y mga pantas, mariwasa sa buhay, at humahawak ng matataas na katungkulan. 

   Hindi na nagdalawang isip si Aling Tinay, pumanaog at binuksan ang pinto. “Magandang gabi po sa inyo. Ako po si Tagumpay, ang may kulay gintong balabal naman ay si Kayamanan, at siya naman si Pag-ibig, ang may kulay rosas na balabal. Bawa’t isa po sa amin ay may dalang handog para sa inyong tatlo; para sa ama, sa ina, at sa anak. Nais po naming pumasok at ipagkaloob ang mga dakilang handog na ito sa inyong mag-anak."

   “Oh, maraming salamat naman po sa inyo, hale na po, at pumasok na po kayo sa loob,” ang may kagalakang amuki ni Aling Tinay.

   Kagyat na tumugon si Tagumpay, “Kailangang pumili kayo ng isa sa lang sa amin kung sino ang nais ninyong  unahin, sapagkat maibibigay lamang namin ang mga handog na ito sa inyo ng nag-iisa at hindi magkakasabay.”

   Lumingon ang ina sa kanyang asawa at tinanong ito kung sino ang dapat na maunang pumasok, “Gusting, narito sa may pintuan si Tagumpay, Kayamanan, at Pag-ibig, naghihintay sila  kung sino ang ating uunahin na aanyayahang pumasok.”

   Nag-isip si Mang Gusting sa ilang saglit at kapagdaka’y nag-utos,“Unahin mong papasukin si Kayamanan, dahil para sa akin, higit na mahalaga ang kayamanan sa buhay."

   Biglang sumabad si Aling Tinay at nagmungkahi ito, “Ano? Hindi maaari Gusting, ang nais ko’y si Tagumpay muna ang unang pumasok, sapagkat ang tagumpay ay napakahalaga sa buhay kaysa kayamanan." At dugtong pa nito, "Kapag may tagumpay ka, ang kasunod nito'y pagyaman naman."

   Ang kanilang anak na si Lilia na nagluluto ay narinig ang mga pangungusap na binitiwan ng kanyang ama at ina. Mula sa kusina ay nagparinig ito ng malakas sa kanyang mga magulang at sa tatlong pantas. “Pag-ibig ! Kailangan natin ng maraming pag-ibig sa ating tahanan. Sige na po, Nanay, Pakiusap naman po, Tatay. Papasukin muna natin si Pag-ibig. Siya ang ating unahin sa kanilang tatlo.”

   Napangiti at may kagalakang nagpaunlak si Aling Tinay at binuksang nang buo ang pintuan at inanyayahan si Pag-ibig na maunang pumasok. Nagulat na lamang mag-anak nang makitang sumunod si Tagumpay na kasunod din si Kayamanan. Anupa’t ang tatlong pantas ay nakapasok lahat sa salas ng bahay.

  Nasa may gilid ng pinto, nakamulagat at nag-aalala si Aling Tinay, kaagad na tinanong si Pag-ibig, “Ang bilin ni Tagumpay ay isa lamang muna ang papasok at matapos ito'y saka na lamang susunod pa ang pangalawa, at ganoon din sa pangatlo, bakit magkakasunod at halos sabay-sabay pumasok na lahat?”
  
  Mahinahong tumugon si Pag-ibig, “Kung si Kayamanan ang inuna ninyo, siya na lamang ang papasok at kaming dalawa ni Tagumpay ay magpapaiwan sa labas at hindi na papasok pa. At kung si Tagumpay naman ang nauna, kaming dalawa ni Kayamanan ay hindi na rin papasok at mananatili na lamang sa labas. Datapwa’t ang pinili ninyo ay Pag-ibig ang maunang pumasok sa inyong tahanan, nakatakda lamang na sumunod kaagad ang dalawa. Kung nasaan si Pag-ibig, naroon at parating nakasunod si Tagumpay at si Kayamanan.“

                                                                                      -------Talahuluganan, n. glossary
 Ang mga katagang narito ay mula sa paksang nasa itaas. Ito'y para sa mga nagnanais na mabalikan ang nakalimutang mga salita at maunawaang lubos, at maging doon sa mga may nais makatiyak sa tunay na kahulugan at angkop sa pangyayari o pagkakataon, upang mapalawak ang kanilang paggamit ng ating wikang Pilipino.


madasalin, mapagdasal,dasal adj. always in prayer, prayerful, v. pray
butihin, may kabutihan adj. morally inclined
rekado, mga sangkap n.  food ingredients in a recipe
dalagita, n. teenage girl
karalitaan, kahirapan, dalita, maralita, dukha n. poverty, scarcity, indigent, poor
tahiin, n. cloth to be sewn, sewing materials
modista, mananahi n. dressmaker
sakbibi, namamanglaw, panglaw adj.. feeling of sadness, sorrowful, sorrow
takip-silim, gumagabi n. twilight, early evening
bungad, nabungaran, tambad, tumambad v. exposed to view
balabal, alampay  n. cape, shawl, wrapper, kerchief
pantas, paham n. sage, wise man, full of wisdom
mariwasa, mayaman, may kaya adj. wealthy, rich, well to do
galak, tuwa, nagagalak, natutuwa  n. happiness, merriness
magkasabay, sabay-sabay adv. altogether
yaya, anyaya, himok, hikayat, imbita n. persuasion, request, invitation
unlak, nagpaunlak v. yield, give way
bilin, habilin, pahimakas n. reminder, instruction to remember, farewell

Kaibahan ng pinto sa pintuan
pinto, n. door, used to cover the main entrance into the house
 Nakalapat sa puwang na daanan at may sariling susi.
pintuan, daanan na may pinto at nasususian  n. main entrance with locking door




No comments:

Post a Comment