Wednesday, October 26, 2011

Ang Kaligayahan ay nasa Iyo

Ang Kaligayahan at wagas na paglilingkod ay iisa. Hindi ito makakamtan kung wala ang isa.


   Walang katumbas ang tunay na kaligayahan. Hindi ito nabibili, nasusumpungan sa labas, at walang sinuman ang makapagbibigay nito sa atin. Bahagi ito ng ating mga karanasan, at nanggagaling mula sa ating kalooban. Tayo lamang ang lumilikha nito para sa ating sarili.

   Isang pinakamahalagang pangangailangan sa pamumuhay ay ang magawang maging patuloy na maligaya. Matatagpuan ito sa maraming magkakaibang sitwasyon at pagkakataon. Akala natin, maaari itong magmula sa nabili mong mga bagay, sa mga papuring natanggap, sa masigabong palakpakan, at lalo na sa uri ng pagmamahal na nakakamtan mula sa mga mahal sa buhay at mga kaibigan. Subalit sa kabila nito, naroon pa rin ang paninimdim. Dahil lahat ng ito ay mga panandalian lamang. Hangga’t hindi mo nagagawang sumaya at maging maligaya sa sarili, lahat ay may katapusan at kusang naglalaho.

   Kailangan lamang na maunawaang lubos kung nais mong maging wagas na maligaya; na ang lahat na nakapaloob sa iyong buhay ay pawang kabutihan. At lahat ng mga taong nakakadaupang-palad mo sa araw-araw ay naghahangad ding makamit ito, maranasan, at maibahagi sa kanilang kapwa. 

   Magagawa nating lumigaya o maging malungkot kahit walang kinalaman ang sinuman o mga bagay. Sapagkat may kakayahan tayong supilin kung papaano ito iisipin at kung papaano ipamumuhay. Pangkaraniwan na sa atin ang pumili sa araw-araw kung ano ang nais nating maramdaman. Tayo mismo ang may kapangyarihan na maging masaya o maging malungkot. Kung nais nating sumaya, kailangan nating isagawa ito sa pagtatalaga ng tamang sistema at uri ng pamumuhay. Kailangan lamang ay disiplina at pagsasanay. Habang paulit-ulit tayong nagsasaya, ang kaligayahan ay tahasan nating makakamtan.


   Makihalubilo. Makipag-ugnay. Makiisa. Makibahagi. Makipagyakapan. Makipagtawanan. Ang kaligayahan ay isang pabango na hindi mo maipapahid sa iba nang hindi ka napabanguhan sa iyong palad. 

   Ang kaligayahan ay iyong nadarama kapag nakakagawa ka ng mga bagay na nakakasiya, nakakatulong, at nakapagbibigay ng pag-asa sa iba. Mga karanasang kalakip ng iyong emosiyon na nagpapagising sa damdamin ng iba na ilabas ang kanilang mga natatagong katangian.

   Bahagi dito ang kabatiran na ang lahat ng mapait na nagdaang karanasan ay naganap sapagkat may kadahilanan. Mga paghamon ito upang higit kang maging matibay at matapang sa pakikibaka sa buhay. Kung wala ang mga ito, mistula kang nangangapa sa karimlan at walang kakayahang magpasiya ng tuwiran. May mga pagkakataon na mahirap harapin ito, ngunit narito ang pagsubok upang mapatunayan mo ang iyong ikatatagumpay. At kapag nalagpasan mo ito, ang kasiglahang nadarama mo sa iyong puso ay pagsibol ng tanging kaligayahan na nakatakda para sa iyo. 

   Walang bagay na nangyayari sa iyo, na hindi naaayon at nakalaan para sa iyo. Lahat ng mga ito ay magaganap kung nanaisin mo lamang. At ito’y mangyayari, kapag kumilos ka; hindi ang makiayon at maghintay na darating din ito sa iyo balang araw. 

   Iwasan ang mabagabag o matakot, o ang patuloy na manimdim at manlumo. Lahat ng mga ito ay nagpapahina ng loob at sinisira ang iyong kasiglahan na magpatuloy pa. Huwag katakutan na wala kang kakayahan upang maging maligaya. Kailangan lamang na lumabas ka sa ‘bilangguang’ nilikha mo sa iyong sarili at makipagsapalaran. Gampanan sa abot ng iyong makakaya; na may kabatirang narito ka sa daigdig upang magtagumpay at maging maligaya sa tuwina. Hindi ang patuloy na mabigo at talunan magpakailanman. Ikaw lamang ang tanging makakagawa na paligayahin ang iyong sarili. Hindi mula sa mga bagay o sa mga taong nakapaligid sa iyo.


    Ang pinakamainam na uri ng kaligayahan ay kapag nagmamalasakit ka sa kapakanan ng iba at sa kaunlaran ng pamayanan. Ito ang pinakadakilang paglilingkod. Kapag nagagawa mong magpaligaya ng iba, lalong higit na kaligayahan din ang nararamdaman mo. Ito ang antas ng kawagasan, ang maging maligaya sa tuwina. 

  Upang matamasa ang tunay na kaligayahan na kalakip ang mabuting kalusugan, ang makapagdulot ng kaligayahan din sa iba, ang makalikha ng matiwasay at mapayapang kapaligiran, kailangan munang isaisip ang disiplinang kaakibat nito para masupil ang sariling kaisipan. At kapag nagawa ito, ang mga saloobin ay kusang sisibol at lahat ng kaliwanagan, kawatasan, at kahalagahan ay kusang lalapit at siyang makapangyayari.

   Ang kaligayahan ay hindi isang destinasyon, bagkus ito ay isang masiglang pamamaraan sa buhay.

   Alalahaning, ang kaligayahan, ay kapag . . . kung ano ang iyong iniisip, kung ano ang iyong binibigkas, at kung ano ang iyong ginagawa ay magkaugma. Dahil ang kaligayahan ay hindi isang bagay na gawa na, o nakahanda na. Ito ay sumisibol at nililikha ng iyong mga pagkilos.

Sa Bawa’t Araw, Magsanay na Maging Maligaya
Piliing Maging Maligaya na Ngayon
Gawing Kaugalian ang Pagiging Maligaya
Isaisip Lagi na ang Buhay ay Wagas na Kaligayahan

   Marami sa atin ang hindi batid kung papaano sasanayin ang sarili upang maging maligaya. May nakikita tayong iba na laging maligaya, at iniisip nating mapapalad sila. At tinatanggap nating likas na ito sa kanila at hindi natin magagawang pamarisan. Ang katotohanan; may kakayahan tayong lahat na tamasahin ang ating buhay at ituon ito sa makabuluhang lunggati. Bawa’t isa sa atin ay magiging maligaya kung magagawang:


   Panatilihing masigla sa bawa't sandali. 
          Piliin natin ang kaligayahan kaysa kalungkutan.

        Panaligan na matatamo ito sa bawa’t pagkilos para dito.    
Pagsanaying mabuti ang sarili hanggang sa makaugalian na ito. 
Pag-aralan, isagawa ang mga prinsipyo at paraan patungo sa kaligayahan.


12 Mga Pagsasanay Upang Maging Maligaya

1- Sanayin ang sarili . . . na maging maligaya sa tuwina at may bagong pananaw sa buhay.

2-  Sanayin ang sarili . . . sa pagbigkas ng nakapagpapaligayang  mga kataga.

3- Sanayin ang sarili . . . na mangusap ng pawang katotohanan at kayang gawin ito.

4- Sanayin ang sarili . . . na mabuhay sa kasalukuyan.

5- Sanayin ang sarili . . . na may pusong mapagpasalamat.

6- Sanayin ang sarili . . . sa pagbibigay at pagtulong sa iba.

7- Sanayin ang sarili . . . na kapag may gawain, isagawa ito sa abot ng makakaya.

8- Sanayin ang sarili . . . sa pagpapanatili ng kapayapaan sa kalooban.

9- Sanayin ang sarili . . . na mabuhay na may makabuluhang lunggati.

10- Sanayin ang sarili . . . na alagaang mabuti ang kalusugan.

11- Sanayin ang sarili . . . sa pagmamalasakit sa kapwa.

12- Sanayin ang sarili . . . na may mataimtim na pananampalataya sa Maykapal.

Pabatid: Kung iniisip mong magagawa mo ito, o dili kaya; ay iniisip mong   . . . hindi mo magagawa ito. Tama ang iyong iniisip,  at ito nga ang mangyayari sa iyo.  


   Kadalasa’y ipinapako natin ang ating mga sarili sa pagitan ng dalawang magnanakaw: panghihinayang sa kahapon at pagkatakot sa kinabukasan.

   Lagi lamang isaiisip na ang kaligayahan ay hindi nakakamtan sa pagkakaroon ng maraming salapi o ng mga bagay na dati-rati’y wala sa atin, bagkus ang pansinin, kilalanin, at pahalagahan ang mga taong nagmamahal sa atin. Sapagkat narito ang pagpapala at tunay na nakapagpapaligaya sa atin.

Tandaan lamang: ang mga mahihirap ay naghahangad ng kayamanan, ang mayayaman ay naghahangad ng kalangitan, datapwa’t yaong mga nakakaalam ay naghahangad ng mapayapang kalooban. Hangga’t nakikipaglaban ka, nakikipagtagisan ka, at nagpupumilit ka na manalo, kailanman ay mananatiling walang katahimikan sa iyong kalooban.

-Mabuhay sa isang araw ng maligaya.
-Tamasahin ang bawa’t saglit at ito’y hindi na magbabalik pa.
-Maging malusog, may kalakasan, at laging aktibo.
-Simulang madama ang iyong kahusayan sa araw-araw.
-Masiglang harapin ang iyong mga lunggati sa buhay.
-Tanggapin ang mga balakid na mga paghamon upang magtagumpay.
-Paunlarin ang kaalaman at panatilihin ang kapayapaan ng kalooban.
-At gawing patakaran sa buhay ang maging maligaya sa tuwina.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan




No comments:

Post a Comment